Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] #AnimatED: Isinumpa ang lipunang kapos ang pagmamahal sa mga bata

$
0
0

Nonchalant. Ito ang salitang ipinukol kay dating hepe ng Philippine National Police at ngayo’y senador na si Bato Dela Rosa. Ayon kay Bato, “Shit happens” kaya’t nabaril sa anti-illegal drugs operations ng mga pulis ang 3 taong gulang na si Myca Ulpina. 

Walang keber. Nagkibit-balikat. Mas makahulugan ang mga katumbas na salita sa Filipino ng nonchalant. Ayon sa Commission on Human Rights, si Myca at ang iba pang batang nadamay sa giyera laban sa droga ay hindi simpleng collateral damage lamang. 

Ayon kay Bato, "Sino ba gusto? Ikaw pulis ka, gusto mo bata matamaan? Never.”

May mga precedent ng criminal negligence – sina Danica May Garcia at Francis Mañosca ay tinamaan ng ligaw na balang dapat ay sa kanilang kaanak. 

May mga precedent rin ng extrajudicial execution ng mga bata – si Kian delos Santos ang pinaluhod at binaril sa sentido in cold blood.

Mayaman ang ebidensyang kulang na kulang sa respeto sa buhay ang mga alagad ng batas.

Paano tayo makukumbinsi ni Bato na ginawa ng mga pulis ang lahat upang hindi masaktan ang isang musmos? Paano tayo makukumbinsing sinusunod ng mga pulis ang rules of engagement na dapat magprotekta sa mga inosente?

Hindi lamang Tokhang at mga tulad ni Bato ang naglalagay sa panganib sa ating kabataan. Bago magpasabog ng verbal dynamite tungkol sa mga isda, muling binuhay ni Senate President Tito Sotto ang pagpapababa ng criminal responsibility sa edad 9 na taon. (BASAHIN: Children in conflict with the law: On finding hope and fighting fate)

At mismong si Presidente Duterte ang nag-veto ng bill na magki-criminalize ng pagmamalupit sa mga bata. Pangulong Duterte, hindi kailangan ng mga bata ng karinyo brutal ng tinagurian mong “loving act of discipline.”

Mga bata raw ang magmamana ng Paraiso. Pero hindi naman sinabi ni Kristo na madaliing ipadala sa langit ang mga bata.

Pulis ang kumalabit sa gatilyong kumitil sa buhay ng 3 taong gulang na si Myca.

Pero parang kinalabit din ng buong kapulisan ang gatilyo nang naging berdugo ito ng isang imoral na polisiya. 

Kinalabit din ng lipunan ang gatilyo nang nagbingi-bingihan ito at patuloy na dinakila ang isang Duterteng nagpasimuno ng giyera.

Isinusumpa ang lipunang kapos sa pagmamahal sa mga bata dahil parang tinatalikuran na rin nito ang susunod na henerasyon. 

Sa susunod na matuwa kayo sa halakhak ng musmos na anak, kapatid, o pamangkin – alalahanin sina Myca at Danica. Hindi sila istatistika lamang. At hindi tulad ng inyong anak, kapatid, o pamangking puno ng buhay – hindi na nila masisilayan ang pangako ng bukas. – Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>