Mas matanda pa sa kopong-kopong ang naratibo ng kanilang pagkapanalo laban sa matatandang pulitiko sa kani-kanilang lugar. Kaya naman sa mga unang araw matapos maglabasan ang resulta ng halalan noong Mayo, isang buwan pang mahigit bago ang mismong pag-upo nila sa puwesto, bumandera na agad ang nangingilatis na balita sa mga giant slayer ng pulitika sa Metro Manila.
Sinuri ang mga plano, hinainan ng maraming suliranin at hinanapan ng solusyon na parang Q&A portion ng isang beaucon. At dahil sa maaamong mukha at pagkakaroon nila ng showbiz imprint sa pagkatao, naglipana na rin ang mga meme at hindi maiiwasang humor tungkol at para sa kanila. (BASAHIN: [EDITORIAL] #AnimatED: The good mayors need us)
Kumbaga sa istorya, pang-MMK ang buhay ni Mayor Isko Moreno ng Manila. Pamilyar na ang karamihan sa atin sa naratibo. Garantisadong batang Tundo, nangalakal ng basura, naging tsuper ng pedicab, nag-artista, nag-aral, naging pulitiko hanggang marating ang tuktok ng kaniyang karera bilang pulitiko nang talunin, in a David-versus-Goliath fashion, ang matandang artistang pulitikong nabigyan ng pardon noon. (PANOORIN: Isko Moreno, batang Tondo)
Tinanggap ng mga botante ang naratibong ito. Patuloy na inuulit-ulit ni Mayor Isko sa tuwing may pagkakataong maipahahayag. Maraming nakita ang sarili sa buhay ni Isko. Naka-relate, sa madaling salita. Nakatulong sa kaniya, hindi gaya ng ilang pulitikong pilit na pilit ang rags-to-riches narrative na ibinenta sa botante noon. Maligo ka ba naman kasi sa dagat ng basura. O magtapon ng basura sa dagat na lilinisin din agad sa ngalan ng photo-ops at “madaling magpasikat,” gaya ng sinabi ng tinalo ni Isko.
Sa tuwing mapapanood at maririnig, mahihiwatigan sa idiolect ni Isko ang buhay na mayroon siya. Madaling mahulog ang loob natin sa uri ng pananalitang masang-masa. O iyong nagmumura. Wala ang sinasabing diplomacy speak, iyong punong-puno ng pahiwatig. Katunayan, may naglipanang tila diskyonaryo na nagbibigay ng kahulugan sa bukambibig ni Isko sa media: tolongges, etneb, wakali, et cetera.
Kasama ni Mayor Isko si Mayor Vico Sotto ng Pasig. Well, bago at pasok sa giant slayer narrative si Sotto dahil pinamunuan at pinagpasasaan nang matagal na panahon ng matatandang apelyido. Relatively, bata si Vico. Millennial. May mataas na pinag-aralan. Alam kung kailan ibubuka ang bibig para sa kung anong isyu. Higit sa lahat, hindi kababakasan ng pagiging komedyante, hindi gaya ng amang si Vic Sotto. Mas madaling tingnan ang pagiging seryoso kung taliwas sa inaakala ng marami na siya ay taga-showbiz na komedyante. (PANOORIN: #TheLeaderIWant: Pasig's Vico Sotto on old, new politics)
Sa teorya ng New Media, tinatawag ang ganitong pagkilala kay Vico at Isko na bahagi ng characterization at fragmentation. Sinabi ni Art Herbig, isang propesor ng new media theory sa Estados Unidos, sa kaniyang sanaysay na “Rhetoric and Polymediation,” na lumilikha ang audience ng characterization batay sa fragments na mula sa “speeches, television reports, and blog entries...that are rhetorical by their very nature.”
Tinatawag ni Herbig na “representative anecdote” ang paghahanap natin ng ugnayan sa ginagawa ng pinuno na katulad ng sa atin. At pinakamalapit na rito ang salita: “[Men] seek vocabularies that will be faithful reflections of reality.” Kaya patok ang balbal magsalita. Marami nang kumita at nanamantalang pulitiko na parang masang-masa kung magsalita.
Nabubuo ang pagkatao nina Vico at Isko batay sa kung anong dumarating na pahayag sa atin hindi man nila sinasadya. Si Isko, may bokabularyo ng karaniwan. Si Vico, aktibo sa social media tulad ng Twitter at Facebook. Sumasagot. Humuhugot.
Limitasyon ng traditional media
Limitado ang exposure sa traditional media platforms para sa mga pulitiko ng pamahalaang lokal. May oras lang ang balita sa radyo lalo sa telebisyong may tuon sa national government officials na hindi magkandatuto sa pagsasalita sa kung ano-anong isyu kahit minsan ay hindi naman talaga nila kailangang magkomento.
Kaya naman ang hindi naibibigay ng traditional media – although kung ihahambing sa ibang politiko, nakakaangat sina Vico at Isko kung exposure at exposure lang ang pag-uusapan – dumadaan sa new media gaya ng social media platforms.
Napanood ko ang isa sa maraming vlog o video log ni Isko. May petsang Hulyo 9 ang vlog, o siyam na araw matapos siyang pormal na manungkulan bilang mayor ng Mayila. Kakaunti ang views, wala pang isang milyon. Malayong matawag na viral. Kasi naman, maraming platform, FB groups, pages, at indibidwal na ang nag-download at nag-share kung kaya naman walang iisang number of views ang mababasa.
Simple lang ang laman at konteksto ng rough at bereft-of-production video: araw ng Linggong dapat namamahinga ang lahat, hayun ang mayor ng Maynila, umiikot, naninita, nanghuhuli ng mga nakaparadang truck sa Maynila. Nililinis ang Maynila.
Samantala, nagkalat sa social media ang quotation na ina-attribute kay Mayor Vico. Tungkol man ito sa welga ng mga manggagawa ng Zagu o ang pagsasaayos ng trapiko sa Pasig. Idagdag pa ang aktibo nitong pagtugon, matalino at may hugot na sagot sa mga nagtatanong na kung minsan ay hind na taga-Pasig. Basta kinikilig.
Umigting naman ang coverage kay Isko dahil sa mga larawan ng kaniyang ginagawang paglilinis– for better sa mga motorista’t manlalakbay or worse para sa mga dati nang nagtitinda sa gilid at mismong kalsada – sa malalaking abenida sa Maynila. Madaling gawin ang before-and-after photo plot. Ganito dati, ito na ang hitsura ngayon. Shareable, madaling maging viral. Hindi na kailangan ang pagpapakalat ng mga bayarang web pages at FB groups.
Produkto sina Isko at Vico hindi ng kanilang pagiging makabago sa pagpapakilala sa sarili, o para maging relevant o manatiling relevant. Produkto sina Isko at Vico ng kanilang mga sinundang pulitiko. Inihanda ng mga tinalo nilang pulitiko ang botante para sa mga gaya nina Isko at Vico. Nililinis, inaayos ang mga lugar na pinagpasasaan ng kanilang kapangyarihan.
Nag-iwan ang mga tinalong pulitiko ng mga suliranin – marumi, magulong management ng pananalapi, walang disiplina, puro korapsyon – na maaaring magtagal nang 3 taon o hanggang abutin ng susunod pang eleksiyon ang pagbibigay ng solusyon na hindi maiiwasang i-cover ng tradisyonal na media. O kuhanan ng larawan, vlog, meme upang itanghal sa social media platform, paghahanda man ito sa susunod na eleksyon o hindi. O para sa mas mataas na posisyon, o hindi. – Rappler.com
Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, research, at seminar in new media sa Departamento ng Literatura at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas, writing fellow din si Joselito D. delos Reyes, PhD, sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at research fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities.