Paminsan-minsan, nagsasabwatan ang langit, lupa, at kapalaran upang makalusot ang kabutihan. 'Yan ang kwento ng pagpapasa ng landmark na batas – ang Bawal Bastos Law o ang Safe Space Act.
Sa paliwanag ng principal sponsor at may-akda ng batas na si Senadora Risa Hontiveros, nag-lapse into law ito noong April 19 na kinumpirma ni Justice Secretary Menardo Guevarra. Pero biglang sumulpot ang isang pirmadong antedated na dokumento mula sa Malacañang makalipas ang 3 buwan.
Walang dudang tangka itong pabanguhin ang nangangalingasaw na imahe ni Presidente Rodrigo Duterte pagdating sa usaping kababaihan. Ano’t ano man, sabi ni Hontiveros, tanging ang komunidad ng LGBTQ+ at mga kampeon nito ang may karapatang umangkin sa tagumpay.
Balikan natin ang istatistika. Kalakhan ng harassers ay lalaki at karamihan ng mga biktima ay babae at LGBTQ+. Napapanahon ito at magandang balita sa harap ng dumadausdos na demokrasya sa Pilipinas.
Hindi anti-men ang Bawal Bastos Law. Ayon kay Hontiveros, isa itong porma ng edukasyong pampubliko. Hindi unlimited ang right to self-expression, at sa ilalim ng mga batas natin, kalabisan na ito kapag lumalabag sa karapatan ng ibang mamamayan.
Ang mas masaklap, nasa posisyon ng kapangyarihan ang mga bastos, tulad ng Presidente. Ayon sa Gabriela, si Duterte ang “single most brazen violator of the law’s intent.” Sabi nga ni Senador Ping Lacson, “Walang matitira sa gobyerno” kapag ipinatupad ang batas. (Panoorin dito ang kabalintunaan ng batas at ng Presidenteng bastos.)
Sana’y basagin ng Bawal Bastos Law ang mga palusot ng mga mahahalay tulad ni Duterte: na joke o hyperbole lang naman ito; sa katunayan “compliment” nga 'yan sa mga babae; na may "karapatan ang Presidenteng mag-express" ng kanyang sarili; na "hindi gets ng mga peminista" ang kulturang Pinoy.
Sa ilalim ng batas, sana’y mahubaran ang mga kasinungalingang bumabalot sa kultura nating mapanglait sa babae at LGBTQ+ at nirereduce ang mga ito sa sexual objects.
Sana’y basagin nito ang drama ni Duterte na maginoo siya at advocate ng women’s rights. Walang “maginoo at bastos” – bastos lang ang tawag diyan!
At sana’y maliha nito ang kinakalyo nating sensibilidad sa atake sa mga babae at LGBTQ+ na bunga ng walang patid na balahurang bunganga ng Presidente. (Basahin: From 'fragrant' Filipinas to shooting vaginas: Duterte's top 6 sexist remarks)
No more excuses. Sa susunod na pumutak ang Pangulo tungkol sa “mababangong” babae, sa “42 virgins” na insentibo sa turismo, pagbaril sa ari ng mga rebeldeng babae, pagpanood natin ng fabricated sex video ni Senadora Leila de Lima – tandaan natin, bawal na ang baboy at bastos! At oras na para sitahin ang mga bastos, kahit Presidente pa ‘yan. – Rappler.com