Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Hindi ko kailangan ng relihiyon upang maging mabuting tao

$
0
0

Relihiyoso talaga akong tao dati, noong bata pa ako. Naniniwala ako sa Diyos, kay Hesus, sa mga santo, nanonood ng Superbook tuwing Sabado, at walang palya ako kung pumunta sa simbahan tuwing Linggo. Nakikiisa rin ako sa pagbabasa ng pasyon, 'tsaka sa prusisyon kapag Semana Santa.

Ang hindi ko lang maintindihan ay ang sarili kong angkan. Halo-halo sila ng pinaniniwalaan. Sina Tito Art at Tita Alice, miyembro ng isang "relihiyon" mula sa Dinagat, at hindi lilipas ang isang taon na hindi sila pupunta roon para kumuha ng sinasabi nilang "miracle water." Mula ito sa isang waterfall malapit sa compound mismo ng relihiyon na nagpapagaling raw ng kahit anong sakit.

Pinainom nila ako noong nagkaroon ako ng appendicitis, tinusuk-tusok gamit ang isang matalim na bagay na hindi nila 'pinapakita, at nagsisilbing "releaser" daw iyon sa mga nararamdaman ko, sabi ni Tita Alice. May ulcer daw ako. Sabi ng mga doktor, hindi raw ulcer ang sakit ko, kundi appendicitis. Nagtalo pa nga ang buong angkan ko kung paooperahan ba ako o hindi, eh kasi nga…ulcer lang raw ang sakit ko. Gusto na nila ako iuwi. Buti na lang si Papa hindi pumayag. Gumaling ako dahil sa operasyon, at hindi sa miracle water na iyon.

Hanggang nalaman ko na matagal na palang kasapi si Papa ng isang "kulto" mula sa Albay, na ang mga miyembro ay hindi umaalis sa lugar na iyon at doon sila namumuhay hanggang sila ay mamatay. Naghahanda raw kasi sila sa muling pagdating ng Panginoong Hesu-Kristo. Sabi ko sa sarili ko, "Bakit naman nila ginaganito ang mga sarili nila, pupuwede namang maging mabuti na lang na tao, hindi ba?"

Ewan, marami lang kasi akong nasaksihang kaipokritohan ng mga relihiyosong tao. Maging ako ay nagpatalon-talon din ng relihiyon at naging ipokrito rin. May bumibisita sa aking mga Saksi ni Jehovah noon, at ayos naman sila. Nakatatlong beses na rin akong nakadalaw sa Kingdom Hall nila, at ayos naman rin. Hanggang nainis si Papa sa kanila kasi para bang "kinukuha" ako ng mga Saksi para umanib sa kanila imbis na sumama ako sa pinaniniwalaan niya. Hindi na sila bumalik.

Lumipat naman kami ng bahay at may mga kapitbahay kaming miyembro ng Iglesia ni Cristo – 'yung isa, halatang napilitan lang sumali at halos hindi na sumasamba, kaya isang araw ay dinalaw siya ng mga ministro doon at kinausap, pagkatapos ay inaya akong maglaro ng online games. Kuwarenta anyos na siya nung panahong iyon.

Iyong isa ko namang kapitbahay ay masigasig sa tungkulin nilang magpapamilya. Inaya nga akong sumamba, pumayag naman si Papa kasi libre naman. 'Nililibre nila ako ng sakay sa Tamaraw nila, sa pagkain, minsan nga ay kinakatok pa kami sa bahay para bigyan kami ng ulam, para raw sa akin. Hanggang napagdesisyonan kong magdoktrina, pero parang trip ko lang noon, hindi talaga seryoso. Nung araw na susunduin nila ako ay nabalitaan kong naaksidente sila, wasak ang sasakyan, at 'sakto ay naglipat na naman kami ng bahay.

Hindi ko lang talaga matanto kung bakit sila ganoon.

May isa pa akong karanasan: inimbitahan kami ng isang babae na um-attend daw sa worship service nila, at ipinaalam na raw kami, kaya sumama kami ng kaibigan kong si Jocel. Pagdating naman ay nagulat kami kasi lahat ng nakapila ay binabawtismohan na. Sabi ko ay hindi pupuwede iyon kasi wala naman kaming alam sa 'tinuturo pa nila. Kaso ayaw kaming palabasin. Buti at may dumating na kotse at nung pagkabukas ng malaking gate ay humarurot kaming dalawa, sabay sakay ng jeep pauwi.

Siguro ako ang problema, dahil baka masyado lang akong mareklamo. Pero hindi eh, napuno na ako, masyadong maraming tanong sa utak ko. Lahat umaangkin na sila raw ang tunay na relihiyon. Napatira kami sa isang komunidad na puno ng Muslim. Inanyayahan din ako roon, dahil daw banal ang mga itinuturo nila at magiging mabuting tao raw ako. Dalawang araw ang nakalipas, may patay na mga lalaki sa harap ng mosque nila, sabi raw ay "asset" na nagmamanman sa kung anong itinatago nila.

Mayroon din akong Christian na kaibigan. Dumalaw rin ako sa worship building nila. Sabi niya ay magdasal araw-araw para malinis ang konsensiya at kasalanan – hanggang hiniram niya ang relo ko at hindi na nagpakita ulit. Tapos 'yung titser ko sa Science eh magtuturo muna ng relihiyon sa umpisa, ginawa ng Diyos ang mundo, tapos pagdating sa subject niya ay sasabihing Big Bang naman ang gumawa sa mundo. May pastor din kaming nagsabing bawal magbisyo, pero nakatabi ko sa traysikel na may brandy na longneck at nagyoyosi.

Naisip ko, kailangan ko ng kasagutan, kaya nagbasa ako ng mga librong pilosopiya at doon na nga ako naliwanagan. Na hindi ko kailangan ng relihiyon upang maging isang mabuting tao, na hindi na ako mabubuhay sa takot na mapupunta ako sa impiyerno kapag hindi ako sumamba sa kahit anong diyos na sinasabi nila. Hindi ko naman sinasabing masama ang magkaroon ng relihiyon, pero sa sobrang dami nila, at pulos mali at galit ang itinuturo nila, ay lalo lamang gumugulo ang mga miyembro nito at maging ang mundo.

Ayaw kong mabuhay sa takot. Ayaw kong isipin na dapat ganito, ganiyan ang gawin ko upang "maligtas" ako sa kung anong katapusanng mangyayari. Ayokong mabuhay magpakailanman; ayoko ring mabuhay ulit kung sakali man. Gusto ko lang namnamin ang buhay.

Alam ng pamilya at angkan ko ang estado ng paniniwala ko ngayon. Madalas pinagtatawanan nila ako, kesyo astig daw kasi at "in" ang pagiging hindi relihiyoso. Pero hinahayaan ko lang dahil malalim ang dahilan ko kung bakit. Sana mawala na ang stigma ng mga tao patungkol sa mga ateistang katulad ko. Hindi naman po kami demonyo at imoral na tao; simple lang kami kagaya ninyo. Sana po ay huwag ninyo kaming pandirihan na para bang isa kaming nakakahawang sakit. – Rappler.com

Si Dan Manjares ay freelance writer at music producer na taga-Bulacan. Nagsusulat din siya ng mga personal na sanaysay at maiikling kuwento para sa ilang websites at isang writing organization sa Pampanga, ang KADLiT. Siya ang tagapangasiwa ng Facebook page na I.K. Stern.

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles