Magkalinawan tayo bakit binubuhay muli ang death penalty.
Deterrent ba ito sa krimen? Hindi. Bumaba nga ang index crimes mula 1978 to 2008 sa kabila ng kawalan ng death penalty. Ito’y sa kabila ng wishful thinking ni Secretary Menardo Guevarra.
Ayon sa pag-aaral sa buong mundo, walang epekto sa pagbaba o pagtaas ng krimen ang capital punishment. Hindi natitigilan ang isang kriminal sa kinasanayan niyang hanapbuhay o kasamaan dahil lahat ng nagsasagawa ng krimen ay naniniwalang hinding-hindi sila mahuhuli.
Kung makikinig tayo sa senador na si Manny Pacquiao, dapat daw ay i-firing squad ang mga nahatulan ng kamatayan – dahil kahit daw si Kristo ay pinatawan ng death penalty. Ewan kung paano ‘yun naging dahilan para suportahan ang death penalty. “Weaponization of the law” ang bagong katawagan diyan. Iisipin na lang namin na ang Diyos ni Pacman ay hindi ang mapagpatawad na Diyos ng Bagong Testamento.
At kung pakikinggan natin si Pangulong Rodrigo Duterte, dapat ay bitay ang parusa sa drug crimes at plunder – di bale na kung isa ito sa pinakamalupit at barbarong paraan ng pagpatay.
Ito’y sa kabila ng katotohanan na ang mga bespren niya sa pulitika ay nasangkot o nahatulan ng plunder: si Imelda Marcos, Gloria Arroyo, Erap Estrada, at Bong Revilla.
“The system is broken,” sambit ni constitutional expert Theodore Te nitong SONA. At dispalinghado rin ang sistema ng hustisya. Dumalaw kayo sa kahit saang kulungan sa Pinas. Kakarampot lamang ang mayaman – karaniwa’y hikahos, walang pinag-aralan, lumaki sa kalye, nabuhay sa mundong dog-eat-dog, walang pambayad sa abugado, walang kalaban-laban sa korte, nakalaboso at kinalimutan ng lipunan.
Sa kabuuan, kontra-mahirap at hindi deterent ang death penalty – at sa malamang ay makakalikha lamang ng dagdag na kawalang-katarungan. (Basahin: Why the death penalty is unnecessary, anti-poor, error-prone)
Wala na sa political reform agenda ang landas ng Pangulo: hindi na pang-SONA ang Cha-Cha (na nagbihis pederalismo) at ang mga tunay na makabuluhang agenda tulad ng dagdag na pasahod at endo. Tanging anti-korupsyon na lang ang pinag-aaksayahan ng lip-service – na sa nakalipas na tatlong taon ay puro dada at walang gawa.
Pero bakit nasa “death penalty” ang pokus ng Pangulo?
Lahat ng ito’y para sa optics. Nakita niya na ang polisiyang nagdala sa kanya sa rurok ng 'di-matinag na kasikatan ay ang giyera kontra droga.
Sa pagpasok ng ikaapat na taon, ganap na niyang niyayakap ang patok at mabangong postura: isang strongman, kontra-katiwalian, kontra-droga, "no mercy" sa mga kriminal at durugista.
Ang halfway mark ay panahon ng pagsesemento ng legacy lagpas 2020 – at ano pang klima ang pinakamainam sa pagpasa ng baton sa isang popular na anak o sidekick na senador?
'Yan ang tunay na immortality – ang antidote laban sa mga tsismis na papalapit na ang ending.
Eto pa rin ang dating “road to perdition” ng EJK, pero ngayon ay highway na. Ang pinatinding killing machine ng gobyerno – isama pa riyan ang warrantless arrests at crackdown sa oposisyon – ang Tokhang at death penalty.
Ito ang landas ng despotiko. – Rappler.com