Anim na bangkay ang isinilid sa sako at ipinarada sa harap ng isang himpilan ng pulisya sa Negros nitong Disyembre. Pinatay sila sa ngalan ng “Oplan Sauron” – ang operasyon ng pulisya laban sa mga komunistang rebelde.
Sa huling tala, 21 na ang namatay sa Negros mula July 18 hanggang 27, kabilang ang isang abogado, isang barangay captain, isang konsehal, isang dating mayor, at isang isang-taong-gulang na bata. Sa kabuuan, 87 na ang namatay mula 2017.
Sa gitna ng silakbo ng domestic terrorism sa Estado Unidos kung saan magkasunod na araw ang masaker, umaalingawngaw din dito sa Pilipinas ang patayan sa Negros.
Kung may sumisisi kay US President Donald Trump sa pagpapaliyab ng domestic terrorism sa US – dito, si Presidente Rodrigo Duterte ang nagsindi ng mitsa at patuloy na naghahagis ng gasolina sa hidwaan.
Bigyan daw ng baril ang mga bumbero. ‘Wag daw siyang subukin dahil gagawa siya ng bagay na mapangahas o “drastic.”
Binalaan din nya ang mga “sparrow” – ang taguri sa mga hitmen ng New People’s Army – na ipadadala niya ang "kanyang mga anghel."
Mula sa pagiging BFF ng mga komunista noong siya'y bagong halal, si Duterte ngayon ang nemesis ng National Democratic Front.
Ano ang unang hakbang upang ibalik ang kapayapaan sa Negros? Martial law ba? Mukhang hindi ito solusyon – at babala ni Justice Benjamin Caguioa – higit na delikado ito dahil maaring mabibitag ang bansa sa isang “perpetual state of military rule.”
Unang hakbang: pagbabalik ng katinuan sa mga pahayag ng Pangulo at pulisya. Pangalawang hakbang: ihinto ang atake sa mga lehitimong organisasyong magsasaka at manggagawa.
Pero nangangarap tayo.
Dahil ang nasasaksihan natin ay ang umaarangkadang atake laban sa Kaliwa na itinaga sa bato ni Digong mula pa nang gumuho ang usapang pangkapayapaan.
Ang malaking kabalintunaan nito ay ito: sa proseso, mistulang sinasalinan ni Duterte ng bagong dugo ang national democratic movement, na sa panahon ng dalawang lumipas na administrasyon ay nanghihina at laos na.
Sa harap ng malupit na atakeng martial law-style, relevant na naman ang Kaliwa.
Lahat tayo ay talo sa rumaragasang karahasan, sa Negros, at ‘di malayong lumaganap sa ibang bahagi ng bansa.
Itigil na ang bangungot ng anghel laban sa sparrow. Taumbayan lamang ang talo rito. Itigil na ang pagdanak ng dugo sa Negros. – Rappler.com