Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] #AnimatED: Bigyang pagkakataon na ang Filipino ay sumulong

$
0
0

Pagpasok ng Agosto taon-taon, nagiging kabi-kabila ang talakayan sa media at sa mga forum sa eskuwelahan tungkol sa wika. Inuulit-ulit din ang argumento ng mga kontra sa ideya ng wikang pambansa: dapat daw ituring na pantay-pantay ang mga lengguwahe sa Filipinas, at huwag payagang may isang mangingibabaw.  

Mahigit 8 dekada nang katuwiran ang inaangklahan ng pagtutol na ito – na ang national language nating Filipino ay Tagalog lang din, isa lang sa 8 pangunahing lengguwahe, kaya’t bakit itinatanghal bilang “pambansa,” at sa gayon ay nakatataas sa iba? 

May mga mas pumipilipit pa ng usapin – dahil umano Tagalog lang ang inalagaan ng pamahalaan, napabayaan ang ibang wika, kaya’t ilan sa mga ito ay nanganganib nang maglaho. (BASAHIN: Buwan ng Wika 2019 itatampok ang mga katutubong lengguwahe

Ituwid natin ang mga nabaluktot na balita at akala. 

Sa 1935 Constitution – na nagtakdang Espanyol at Ingles ang pambansang wika – unang ipinag-utos ang pagsusulong ng isang “common national language” na nakabase sa isa sa mga katutubong wika. 

Tagalog ang napiling maging basehan, ngunit hindi ito kapritsosong pagtatangi. Ang pumili ay isang komite na ang mga miyembro’y gumagamit ng mga wika ng iba’t ibang rehiyon. Pinamunuan sila ng Waray na si Jaime de Veyra. Pinili nila ang Tagalog dahil ito ang pinakamaunlad o may pinakaganap na sistema ng mga tuntunin. Pinakamalaki rin ang populasyon ng mga gumagamit nito kung ihahambing sa iba pang pangunahing wika.   

Kalaunan ay tinawag nang Pilipino ang Tagalog, at idineklara itong opisyal na wika, kasama ng Ingles, sa ilalim ng 1973 Constitution. Sa saligang batas na ito, ipinag-utos muli ang pagsusulong ng national language na tatawaging Filipino. 

Sa 1987 Constitution unang idineklarang pambansang wika ang Filipino, na “samantalang nalilinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na mga wika ng Pilipinas at sa iba pang mga wika (as it evolves, it shall be further developed and enriched on the basis of existing Philippine and other languages).” 

Sa simula pa, ang intensiyon ay gawin lang basehan ang Tagalog ng isang pambansang wikang pinayayabong pa lamang, at gamitin ang mga tuntunin nito para lang bigyan ng sistema at estruktura ang paggamit ng mga salita at konseptong mula sa mga wika ng mga rehiyon. We had to start somewhere. 

Malinaw din sa estado at pamahalaan na kasabay ng paglilinang sa Filipino ay ang pagpapaunlad ng wika ng mga rehiyon. Walang intensiyong manlaglag o mang-iwan. Ayon sa Article XIV, Section 9 ng Konstitusyon, ang “isang komisyon ng wikang pambansa” ay dapat “binubuo ng mga kinatawan ng iba’t ibang mga rehiyon at mga disiplina na magsasagawa, mag-uugnay at magtataguyod ng mga pananaliksik sa Filipino at iba pang mga wika para sa kanilang pagpapaunlad, pagpapalaganap at pagpapanatili (composed of representatives of various regions and disciplines who shall undertake, coordinate, and promote researches for the development, propagation, and preservation of Filipino and other languages).”  

Sa Section 7, kung saan sinabing “wikang opisyal (official languages)” at “wikang panturo (medium of instruction)” ang Filipino at Ingles, kinikilala rin ang mga wikang panrehiyon bilang “pantulong na mga wikang opisyal sa mga rehiyon at magsisilbi na pantulong na mga wikang panturo roon (auxiliary official languages in the regions and shall serve as auxiliary media of instruction therein).” 

Kung pinapansin lang sana natin ang mga polisiya, plano, at programa ng Komisyon sa Wikang Filipino o KWF, makikita natin ang bukod at ibayong paglilinang nito ng iba pang katutubong wika– nagsasalin ng mga libro, nagwo-workshop sa pagtuturo, nakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan sa pagsasaliksik, at iba pa. Nagpapatayo ito ng mga Bantayog-Wika o language markers sa mga bayang kailangan ng dobleng sikap at inspirasyon para buhayin ang kanilang katutubong wika.

Kung sa mga nakaraang panahon ay nagkaroon ng pagkukulang ang pamahalaan sa paglilinang ng iba pang pangunahing wika, ngayon ay may pagkakataon ang mga kritiko at eksperto na maging katuwang ng KWF para isulong ang wika ng mga rehiyon.  

Bigyan natin ng pagkakataong yumabong ang Filipino – ang pambansang wikang dapat ay nagbubuklod sa atin anuman ang katutubo nating wika. Hindi isinasantabi ng Filipino ang wika nating kinalakhan at ang kulturang nagpausbong nito. Hindi binubura ng Filipino ang ating pagkakatangi. Tulay itong naglalayong pag-ugnayin tayo sa kabila ng ating pagkakaiba-iba. Hindi Filipino ang kaaway. 

Habang ang pinagtutuunan natin ng pansin at galing ay ang pagtutol, pagsalungat, o paninira sa konsepto ng Filipino bilang pambasang wika – dahil lang nagsimula itong nakabatay sa isa at hindi iba pang katutubong wika – ang namamayagpag ay ang Ingles, na isang opisyal mang wika ay mananatiling banyaga. – Rappler.com 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>