Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Sad reax onli

$
0
0

 

 Aaminin ko, na-fascinate ako at patuloy na napa-fascinate sa viral at trending posts sa social media. Kinunsinti ko rin ang mga nagpa-like at nagpa-hear-heart reax dati. Na-curious din ako sa dynamics at sustainability ng katanyagan ng ilan sa lubos na mapagkunwaring social media. Ganoon na lamang ang fascination ko kaya naglakas-loob akong magturo ng New Media sa unibersidad, armado ng kung ilang aklat at pananaliksik na nabasa at isinabuhay.

Pinag-aralan ko sa antas ng produksiyon, uploading time, shareability, timeliness of issues, or sheer pleasure ang dahilan kung bakit dinudumog ang isang post na buhat naman sa kung saang tagong barangay na kinuhanan ng kung sinong kargado lamang ng cheap consumer electronic device at aandap-andap na internet connection. 

Naramdaman at nasaksihan ko ang paggamit sa social media bilang armas. Alam ko ang uniqueness ng social media weaponization sa ating bansa kumpara sa ibang kumukonsumo nito sa rehiyon. Mas madali tayong maapektuhan ng kung anong ibinabato sa atin sa social media dahil mas marubdob tayo sa paggamit ng platform na ito. Sige, konserbatibo ako sa pagsasabing paggamit ng platform na ito.” Ang totoo, dahil sa dami ng gumagamit at sa dami ng panahon na ginugugol sa harap ng monitor, hindi lang tayo basta gumagamit ng socia media, nalululong na tayo. 

Laganap ang cyberbullying sa atin. Lalong laganap ang tahasang panlilinlang at pangmamangmang gamit ang social media. Samantalang maraming malalakas magsigamit ng teknolohiya at gadget, siya namang hina sa paggamit ng kukote sa pagsusuri ng nababasa at napapanood sa social media at sa kabuuan ng internet.

Kunsabagay, nitong huling mga nagdaang buwan na lamang naman naging concerned ang mga kompanya sa paglaganap ng kabulastugan sa kanilang platform. Kailan lang ba sinimulang linisin ng mga kompanya ang kanilang platform laban sa mga nagpapakalat ng mali o pekeng balita? 

Pangunahing agenda ng mga kompanyang nagmamay-ari at namamahala ng social media platform ang sinasabi ni Eugenia Siapera, isang propesor ng Digital at Social Media at may akda ng Understanding New Media (2nd Edition, Sage, 2018), na magbenta ng patalastas: “The main business model of social media is to sell advertisements, or rather users (and their data), to advertisers.” 

Tayo na ang consumer, tayo pa rin ang produktong ibinebenta. Tayo ang gumagawa ng content sa mga post na nagiging produktong kinokonsumo ng marami sa atin na akala natin ay libre. Ano nga ba naman ang babayaran mo sa pag-share ng status? Pag-haha o pag-heart-heart? Pero ang ibinabayad talaga natin sa paggamit ng social media ay oras at damdamin natin. At saka ang pagpapaubaya ng kritikal na pag-iisip. O sige, minsan pera na rin nga kabibili ng kung anong-anong produktong akala mo ay kailangan mo dahil paulit-ulit na lumilitaw sa newsfeed mo.   

Nang dahil sa social media metrics 

Pamilyar na rin ako dahil may ilang viral posts na rin ako. Batay sa dami ng ha ha” o heart reax, inaakala kong kinatuwaan ng marami; may na-inspire daw, batay sa mga komento; mayroon din namang nam-bash, at, seryoso, nagbanta sa buhay ko. Ilan na ba ang naging totoong kaibigan kong natuklasan sa sintetikong ugnayan ng Facebook? On the other hand, ilan na bang inakala kong totoong kaibigan naman ang naglaho dahil sa hindi pagkakaunawaan sa prinsipyo, lalo’t lumulunsad sa social media ang bungangaan? Sa social media na isang nagmamadaling abenidang bihira ang makabuluhang diskurso? 

Mula nang pahalagahan ng marami sa atin ang trifecta of instant gratifications ng social media – reactions (like lang ito dati, ngayon may heart na, haha, wow, sad, at angry), comments (sige, isama na ang sangkatutak na emojis, memes, GIF, at iba pang uri ng multimedia comments), and shares – lumunsad na palayo sa makabuluhang talakayan ang platform. Ano kung bopol ang argumento, ang mahalaga, ni-like at nai-share ng maraming netizen. Ang mahalaga nag-trending. Kaya nakakatakot sa mga tulad kong nagtuturo sa unibersidad ang social media. Bihira sa platform na ito ang may kakayahang magbasa nang medyo mahaba, bihira ang gaya mong nagbabasa ngayon (salamat, nakarating ka sa bahaging ito ng pagbabasa, apir!).  

Kunsabagay, aminin man nila o hindi, complicit sa pangangalakal ng virality at trending posts ang media outfits, traditional man o ang new media. Ilang ulit na ba tayong pinakitaan ng ganitong banner o pamagat o lead ng balita: “Trending ngayon sa social media ang kuha ng CCTV sa <insert lugar> tungkol sa <insert pangyayari>”? O “Trending ngayon ang status ni <insert personality o about-to-be virtual personality> tungkol sa <insert paksa> na umani na ng <insert bilang ng likes at/o shares>.” Huwag ninyong sabihin hindi kayo pamilyar? 

O kung hindi pa quantifiably viral at trending ang post, magiging viral dahil gagawing balita ng mga friendly neighborhood news outlets ng bansa na ang karamihan ay umaasa sa dami ng online interaction. Ilalagay ang link sa balita, at voila! Magiging trending talaga ang kababalita pa lamang na paksang nagte-trending diumano sa social media.   

Naging by-product ng virtual metrics (bilang ng shares, reactions, o followers sa social media) ang pagkakaroon ng mga tinatawag na influencers o iyong mga personalidad na nag-aakalang nakakaimpluwensiya sila sa kanilang mga followers” na ang totoo ay subscribers lang naman sa kanilang social media accounts. Nagbunsod na rin ito ng mga personalidad na itinatalaga sa matataas na posisyon ng pamahalaan na ang pangunahing kalipikasyon marahil ay maraming followers sa social media *ubo, Ex-Usec. Mocha, ubo* kahit pa kuwestiyonable kung may organic reach ba talaga ang kanilang account. Minsan na rin naging requirement ang metrics ng social media para makakalap ng balita sa Palasyo. Kaya naman nagbigay ito ng kapangyarihan sa ilan para maglabas ng opinyon hinggil sa kahit anong isyung kaya nilang sawsawan. Katuwiran siguro: pakinggan at basahin ninyo ako, marami akong followers, may saysay ang opinyon ko. Or so they thought. 

Kaya malaking bagay sa akin na malaman ang hakbang ng social media giant na Facebook, na pinag-aaralan nang tanggalin ang bilang ng reax sa mismong status. Isang hakbang ito para maibalik ang kalidad sa diskurso at hindi lamang matuon sa bilang ang masasabing pananaw, huwag nang pag-usapan kung may saysay o wala. Madaling mabulag sa dami ng interaksiyon ang kahit sinong nasa social media na sumusubaybay sa kahit anong isyu. Kaisipang baka tama ang pananaw kasi popular? Sa hakbang na ito ng tech giant, hindi na mapapahalagahan kung nag-trending ba o hindi ang isang status bagkus posibleng matutuon na lamang – at mabuti ito – sa mismong nilalaman o mensahe, sa sustansiya, sa talino ng kuro-kuro.

Gayunman, nararamdaman kong maraming malulungkot, thus the Sad Reax Onli title, sa gagawing hakbang na ito ng Facebook. Pangunahin na sa malulungkot ay iyong nagkakaroon ng patol dahil sa dami ng interaksiyon sa kanilang account, organic man o hindi ang interaksiyong ito.  

Ikalawa ay iyong naghihintay ng tiyempong mapansin nang lumunsad ang katanyagan sa sintetikong platform ng social media. Huwag mag-alala, kung talagang may saysay ang status – video man iyan, meme, larawan, o kahit isinulat na post lang – may makakapansin pa ring hindi nagpapahalaga sa bilang ng views, reax, like. At, palagay ko, ito ang mas mahalaga: dumako muli tayo sa sustansiya ng diskurso higit sa kung ano na lang ang ipinapauso. – Rappler.com 

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, research, at seminar in new media sa Departamento ng Literatura at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas, research fellow din si Joselito D. delos Reyes, PhD, sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Siya ang coordinator ng AB Creative Writing Program ng Unibersidad ng Santo Tomas.

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>