Dapat nang magtirik ng kandila para sa isang bangkay sa templo ni Tatay Digong.
Maraming pumatay sa kanya. Andyan si Chief Presidential Legal Counsel and Spokesman Sal Panelo na mabilis pa sa alas-singko magdemanda ng apology nang ibalita ng Rappler at Inquirer.net na siya ang nagrefer sa clemency request ng pamilyang Sanchez. Matapos naman ibigay ng isang online network ang paumanhin ay bigla niyang nireject ito. Sabi nga ng Rappler, ipaliwanag niya muna ang conflict of interest niya.
Salarin din si kamakailan ay Bureau of Corrections Chief Nicanor Faeldon. Parang langaw laging nadidikit sa fly paper ng kontrobersiya itong si Nic – kahit saan siya pumunta mula Customs hanggang Bucor.
Pangunahin sa kumalabit sa gatilyo si Pangulong Rodrigo Duterte. Pansinin na habang tinawag niyang "honest man" si Faeldon nang pumutok ang kontrobersya sa mga inismuggle na droga sa Customs, sinisante niya ito dahil hindi sinunod to the letter ang bilin niya sa pagsagot sa media.
Mukhang kahit may "whiff of corruption," okay ka kay Digong, 'wag mo lang suwayin ang isang utos.
Ano ang tinutukoy nating templo? Ito ang kulto ng personalidad ni Pangulong Duterte na tumuklap sa propesyonalismo ng mga taga-Malacañang.
Tulad nga ng ipinaliwanag ni dating congressman Teddy Casiño sa opinyon niyang pinamagatang “Sal Panelo's sleight of hand,” ang “referral” letter na may seal ng opisinang nag-eendorso ay hindi simpleng pagpasa lamang ng isang animo’y naliligaw na sulat.
Ito’y nagtataglay ng kapangyarihan ng opisinang nagrerefer – at batid ng lahat na hindi pipitsugin ang kapangyarihan ng opisina ng Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman. Kapag ini-refer mo ang isang sulat, wala kang nakikitang mali sa sulat at kailangan nito ng agarang atensyon. Hindi ba ito endorsment na maituturing?
Kung tunay na busilak ang dangal ni Spokesman, dapat ay kitang-kita niya na unethical magpasa ng sulat ng dati niyang kliyente. Doon pa lang sablay na.
Bilang isa sa mga malalapit at pinagkakatiwalaang opisyal ng administrasyong Duterte, walang nakikita si Panelong palyado sa sulat ng dati niyang kliyente. Kahit na ilang beses nahulihan ng shabu, marijuana, at aircon sa kanyang selda si Antonio Sanchez.
Sa labas nga ng Munti, tinotokhang ang nahuhulihan ng marijuana. Sa templo ni Tatay Digong, narerefer pa ang sulat ng misis mo kahit ikaw ay rapist-killer. Tsk, tsk. ‘Yan ba ang tinatawag na koneksyon?
Dapat ay sinagot ni Panelo ang email ng pamilya at tahasang sinabi na wala siyang magagawa dito. Pero lumitaw sa paghahalungkat ng mga reporter na 3 beses pa palang nakipagmeeting si Panelo sa pamilya ni Sanchez.
Anong business meron ang mga Sanchez na magmemerito ng 3 meeting? Akala ba nati’y limot na niya na minsan siyang naging abogado ng pamilya? Hindi ba niya nakikita na sa pinakaminimum ay improper ito?
At nakipagkita rin pala siya sa pamilya ng dating kliyente na Ampatuan na sangkot sa masaker na kumitil sa buhay ng 58 na mamamahayag at sibilyan.
Sino ulit si Antonio Sanchez? Siya ang dating mayor ng Calauan, Laguna, na matapos makursunadahan ang isang estudyante ng University of the Philippines-Los Baños, ay ipinadukot ang coed pati na rin ang kasamahan nitong si Allan Gomez. Matapos halayin ay ipinagang-rape sa mga bodyguard 'tsaka pinatay ang dalaga, pati na rin ang kasama.
Pero higit diyan si Sanchez. Siya ang halimaw na nagbibigay ng nervous breakdown sa mga magulang sa Los Baños hanggang ngayon. Siya ang bangungot na nagpapataas ng balahibo ng lahat ng dalagang naglalakad mag-isa lampas takip-silim sa Laguna.
Pero para kay senador at dating Bureau of Corrections chief Bato dela Rosa, may karapatan siyang magkaroon ng “second chance.”
“May hawak na bibliya palagi, nakapalda, naka-lipstick. Bagay pa ba sa 'yo na magsiga-siga? … Hindi naman ibig sabihin na 'yun ang basis. Puwede na rin na masabi mo na mabait na ito, naka-palda na.” Ito ang baluktot na lohika ng dating hepe ng Bucor.
Ayon na rin sa retired judge ng Sarmenta-Gomez rape-slay na si Harriet Demetriou, dapat daw ay magbitiw si Panelo: "It is impossible that Panelo didn't maneuver the decision to favor his former client, given his position in the Duterte administration.”
Simpleng-simple sa mata ng dating huwes, dapat simple rin sa mata ni Duterte at ng kanyang mga tauhan. Pero walang sala si Panelo sa mata ni Digong.
Lumipat naman tayo sa sistema ng hustisya. Lahat sila’y sinisisi ang Good Conduct Time Allowance law (GCTA) na maaaring magpaikli sa mga sentensya ng mga nakakulong. Pero magkaiba ang kuro-kuro kung sakop ba nito ang mga tinatawag na heinous crimes katulad ng krimen ni Sanchez. Kailangan daw itong iakyat pa sa Korte Suprema dahil kulang sa linaw ang batas.
Lahat ng mga pagpapaikli ng sentensya ay batay sa pag-abruba ng hepe ng Bucor na si Nicanor Faeldon at ng justice department. Ay teka, hindi raw dumaan sa justice department!
Gustong palabasin ni Faeldon na sumusunod lang siya sa batas ng GCTA. Kasinungalingan ‘yan, dahil batay pa rin ang lahat sa approval ng Bucor at DOJ na kanyang na-bypass sa maraming pinaikling sentensya at pawang mga nakalaya na.
Gusto raw maiyak ni Faeldon nang marinig niya ang salaysay ng GCTA for sale sa Bucor. Hay naku, Faeldon, clueless ka ba talaga o nagbubulag-bulagan?
Kung ano man ang kahinaaan ng GCTA na layong bigyan ng bagong buhay ang mga tunay na nagrepormang convict – tungkulin ng Bucor at DOJ na bantayan ang pag-aabuso nito.
Malinaw na inaanay ang templo ni Digong, at pruweba ang mga palusot ni Panelo at Faeldon.
Sa kabila ng panata laban sa korupsyon ng administrasyon, mas matimbang sa maraming pinuno ang panata sa kaibigan, dating kliyente, sa amo. Para sa mga empleyado ng Bucor na nagpapalakad ng "GCTA for sale," mukhang may panata sila sa sariling bulsa.
Sino kamo ang namatay? Paglamayan na natin ang bangkay ng delicadeza sa gobyerno.– Rappler.com