Nakayayanig ang mga nahalungkat sa mga hearing ng Senado tungkol sa katiwalian sa Bureau of Corrections.
- Papeles ng good conduct na binebenta
- Certificates ng pagkakasakit na may presyo
Marami ring kuwento ng pagpasok ng mga prostitute, kontrabando, marathon na pasugal, kidnap-for-ransom ng mga asawa o kasintahan ng mga convict – at sa malamang ay may katotohanan ang iba.
Ang siste, ang kinuhang subject-matter-expert ay si dating BuCor OIC Rafael Ragos, isa sa mga nagdidiin kay Senadora Leila de Lima. Ilang beses na rin siyang nasangkot sa korupsiyon, pero tila itinuring ng mga senador na busilak ang kanyang mga pasabog. Sana’y ‘di totoo ang bulung-bulungan na cottage industry na rin daw ang witness for hire sa BuCor.
Hindi na tayo nagtaka nang naging lynch mob ang Camara de Representantes sa ilalim ng dating House Speaker na si Bebot Alvarez, nang tambakan nito ng nakaiintrigang mga chismis at kaso si Senador Leila de Lima. Pero ngayon, mismong mga kasamahan na niya sa Senado ang kumakaladkad sa kanya sa putikan.
Bakit? May kuro-kuro riyan si dating professor Solita Monsod – sa kanyang artikulo sa Inquirer na pinamagatang, “Three against Leila.” May axe to grind daw sina Dick Gordon, Ping Lacson, at Francis Tolentino.
Totoong maraming dapat ipaliwanag si De Lima sa usaping command responsibility nung siya’y hepe ng Department of Justice. Ito ngayo’y lubhang nakomplika ng kuwento at kathang-isip ng mga convicts na nag-testify laban sa kanya.
Pero paano na ang command responsibilty ng dalawang huling hepe ng BuCor – si Bato dela Roxa, na ngayo'y nakaupo sa Senado, at si Nicanor Faeldon?
Kung pinanood mo ang hearing sa ilalim ng giya ni blue ribbon Chairman Gordon, lihis na lihis sa dalawa at pawang nakatutok ang machine gun ng duda kay De Lima.
Tila limot na ng mga senador na si Faeldon ang muntik nang magpalaya sa rapist at murderer na si Antonio Sanchez? Tulad din ni Presidente Duterte na nagsabing “I still believe in him” sa kabila ng pagsisisante sa kanya?
Tila ibinaon na rin sa limot na minsang nagtangka si Bato na hingin sa DOJ ang kapangyarihang magpalaya nang maaga ng mga convict nang siya’y hepe ng BuCor?
Ni hindi pinagpawisan si Faeldon at Bato sa hearing sa kabila ng trail of bread crumbs na dumaan sa pintuan nila. Tsk, tsk.
Ngayon ay sinasabi ni Bato na magulo ang IRR na isinisisi ng mga chuwariwap kay De Lima, dating local government secretary Mar Roxas, at dating Presidenteng Noynoy Aquino. Pero kung pagbabatayan ang sulat ni Bato, minsan ay kumpiyansa siyang panagutan ang pagpapalaya ng mga katulad ni Sanchez. 'Yan ba ang aksyon ng naguguluhan?
Siya rin ang nagsabing baka “changed man” na si Sanchez dahil nagpapalda at nagli-lipstick? Eto ba ang dunong na balak na ipamalas ni Bato sakaling naibigay sa kanya ang kapangyarihan?
Mga ginoong senador, paano malilinis ang gobyerno kung may blinders na suot kayong mga nag-iimbestiga at nakukulayan ang mga pananaw niyo ng galit sa mga dating nakatunggali sa pulitika?
At ang sumatotal nito: napawalang-saysay at napulitika ang isang imbestigasyon na sana’y nagpanagot sa mga may responsibilidad at sa mga nagpabaya – kaibigan man sila ng Presidente o kaaway.
Sa isang special report ng Rappler, naging konklusyon ni Lian Buan na mga butas sa implementasyon ng mga administrasyong Aquino at Duterte ang ugat ng nabubulok na problemang may kinalaman sa good conduct time allowance (GCTA).
Noong 2014 lamang, nakalaya ang 1,663 inmates – 62 sa kanila ang nakonvict dahil sa heinous crimes.
Masalimuot ang problema ng GCTA. Bulok at talamak ang korupsiyon sa BuCor.
Simulan na nating gamutin ang nagnananang sugat na ito. Magsisimula 'yan sa walang kinikilingang paglalagom ng problema. – Rappler.com