Noong isang araw, inupakan ng aktor na si Enchong Dee sa Twitter si Celine Pialago, ang tagapagsalita ng Metropolitan Manila Development Authority – na may malawak na mandate na mangasiwa ng serbisyo sa metropolis, ngunit halos tinitingnan lang natin na tagpangasiwa ng daloy ng trapiko.
Sabi ni Pialago sa Facebook, patungkol sa mga nag-transport strike: “Despite the good intentions of the government, puro reklamo lang ang kaya niyong gawin. Nasasanay kayong gobyerno ang mag aadjust sa lahat ng reklamo niyo particularly dito sa PUV Modernization Program. You can never threaten the government.”
Sagot ng isang commenter kay Pialago, na nagsabing “gustong pilayin” ng mga nag-i-strike ang commuting system: “GURL??? Pilay na ang commuter system kahit walang strike. JUSKO MRT pa lang, pilay na pilay na pilay na. You don't need a strike to paralyze the commuter system in Manila. You've been doing that yourself without any help for years.”
Sabi ni Dee, sa kanyang tweet, “This person is clueless of the state of Metro Manila traffic.”
Dagdag pa ni Dee, “Why not provide for the jeepney driver’s modernization…” (BASAHIN: ‘Hodge-podge planning’: How DOTr mismanages PUV modernization program, according to senators)
Bago pa ipinanganak si Pialago, lehitimo nang pamamaraan ng pagprotesta ang strike sa buong mundo. ’Yan ang buod ng sagot ng maka-kaliwang si Renato Reyes. Pero hinaharap naman nina Reyes at ng mga militante ang panganib na mapalayo sa kanila ang masa sa palagiang paggamit nito.
Kapos lang ba talaga sa EQ ang mga spokesman? Kapos sa pag-aaral ng kasaysayan? Clueless? Manhid at insensitibo? Marahil ay lahat ng ito.
Andiyan din ang spokesman ni Pangulong Rodrigo Duterte, si Salvador Panelo, na mukhang hindi EQ ang problema kundi mismong moral compass niya. Ang talento ni Panelo ay ang pagpapaikot-ikot ng mga isyu at pagbabaluktot ng batas. Mahusay siya sa palusot at “creative interpretation” ng mga palsong sinabi ng amo niya.
Ang pinakamasugid nilang tagasuporta ay bloggers sa propaganda machinery ni Pangulong Duterte.
Pero hindi lamang sa Pilipinas umeeksena ang mga spokesman at spokeswoman. Andyan si Sarah Elizabeth Sanders, na ilang ulit nahuling nagsisinungaling upang pagtakpan ang kanyang boss, si US President Donald Trump, at mahilig magpalaganap ng mga video mula sa conspiracy theorists.
Andiyan din ang senior adivser ni Trump na si Kellyanne Conway, na nagtanggol ng immigration ban nito, at bilang depensa’y nagbanggit ng isang pangyayaring umano’y nagsasangkot ng terorista. Walang ganoong pangyayari.
Para silang mga toro na nakakita ng pula kapag nahaharap sa mga kritiko.
Sinasalamin nila ang aktitud ng mga administrasyon nila – at duda kami kung ang bayan ang itinuturing nilang amo, o kung may konsepto sila ng “serving the public good.”
Magaspang, mayabang, insensitibo, at borderline trolling.
Ano ang trolling? Ito ang panlalait o pagkomento gamit ang nakagagalit na lengguwahe – para mamikon, para magsimula ng away. Kadalasan, nagto-troll ang isang tao sa internet para gumulo at lumabo ang usapan, para mangibabaw ang emosyon sa mga pagtatalo.
Nasagot na natin kung ano ang silbi nila sa kanilang mga amo. Pero ano ang silbi ng mga ganitong spokesman at spokeswoman sa lipunan?
Imbes na tumulong na humanap ng solusyon at pag-ugnayin ang stakeholders, mistulan silang tangkeng humaharang sa mamamayang nagtatanong at nagrereklamo.
Bahagi sila ng aparato ng estado na sa ngalan ng pagtatanggol ay nanggugulo ng diskurso. Kaya magkakahawig ang kanilang asta, sagot, at askad.
May aasahan ba tayong dunong mula sa kanila? Magiging ehemplo ba sila ng tamang asal, katapatan, matuwid o ethical na pangangatuwiran?
Magkape na lang tayo, mga kaibigan. At huwag tayong magsawang patulan at bigyang liwanag ang pagpipilipit nila sa katotohanan. – Rappler.com