Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINION] 'Bumagsak din ako': Ang muling pagbangon ng isang guro

$
0
0

"How many of you know how to ride a bike? Can you guess how old I was when I learned how to ride a bike? Twenty years old.”

Ganito ko sinisimulan ang klase ko sa English sa unang meeting ko sa mga bata. Laging nagugulat ang mga bata. “Ay, naunahan ko pa si Teacher.” Kaya 'yun ang ginagamit kong halimbawa sa pagtuturo ng English.

"Learning English is like learning how to ride a bike. We only have 3 tips to follow in class: 

  1. Practice makes perfect.
  2. It’s okay to make mistakes.
  3. Learning English is fun."

Hindi ko magawa ang Tip #2. Hindi pala okay sa akin na nagkakamali. Mahirap pala magkamali. Mas mahirap 'yung bumagsak. Pero alam 'nyo kung ano 'yung pinakamahirap? 'Yung kakabagsak mo lang, kailangan mo nang bumangon kaagad. 

At sa loob ng dalawang taon sa pampublikong paaralan, 'yun ang paulit-ulit kong ginawa. Madalas, tinatanong tayo, “Para kanino ka bumabangon?” Madali lang sagutin 'yan. Di ba nga, #parasabayan, #parasabata? Pero 'yung hindi palaging natatanong, “Pagkatapos ng kada araw, paano mo pa rin nakakayang bumangon?” Hindi ko rin alam ang sagot dito. Pero tinuruan ako ng estudyante kong si Kino* kung paano.

Dalawang taon kong naging estudyante si Kino. Pagtuntong niya ng Grade 3 sa klase ko, nalaman kong hindi pa rin pala siya marunong magbasa. Kabisado niya ang alpabeto, pero hindi niya alam na ang tunog ng G ay /g/ at ng K ay /k/. At dahil hindi marunong magbasa, wala siyang naiintindihan sa klase namin, lalo na sa English.

Kapag oras ng klase, paikot-ikot lang siya, minsan nanggugulo ng kaklase, or naglilikot kung saan-saan. Minsan napapaaway tuloy siya. O napapagalitan. Ko. At ng lahat ng mga guro niya. Hindi pala minsan. Madalas. Palagi. Araw-araw.

Para tulungan siya, nagre-remedial classes kami pagkatapos ng klase, kasabay ang ibang kaklaseng "slow readers." Mahirap i-remedial si Kino dahil madali siyang mabagot. Minsan, tumatakas siya at umuuwi kaagad para makaiwas sa mga remedial classes namin.

Pagkatapos ng halos isang taon, pantig-pantig pa lang ang kayang basahin ni Kino. Hindi pa pang-Grade 4 ang reading level niya. Kahit Grade 3, hindi pa rin. Bagsak siya. Bagsak kami. Tanggapin ang pagbagsak. Ito ang una at pinakamahirap na itinuro sa akin ni Kino.

Bago magsimula ang bakasyon, kinausap ko siya at sinabing hindi pa siya handang maging Grade 4. Nangako akong magtutulungan kami sa susunod na taon para mahanda ko siya, kaya Grade 3-Kamagong muna ulit siya at si Teacher Irish pa rin 'yung teacher niya. 

“Okay lang ba sa 'yo, Kino?”

Umiiyak na siya habang tumatango. Naiiyak na rin ako, pero pinigilan ko ang luha ko. Namangha ako sa tapang ni Kino. Natanggap niyang bumagsak siya. Pero kahit sinabi niya na okay lang sa kanyang uulit siya, sa akin, hindi. Dahil bumagsak siya, bumagsak din ako.

Marami akong tanong. “Ginawa ko ba ang lahat? Sinubukan ko ba lahat ng paraan? Paano kung may hindi pala ako nagawa? Bakit hindi siya natuto?” Sa halos dalawang taon kong pagtuturo, ilang beses ko rin ito itinanong, hindi lang dahil kay Kino. Ilang beses kong naisip na baka hindi para sa akin ang pagtuturo, na baka imbes na natutulungan ko ang mga estudyante ko, may mas magaling na guro na puwedeng magturo sa kanila.

Pero tinuruan ako ni Kino na, minsan, kailangan mo lang talagang tanggaping pumalpak ka. Bumagsak. Amining masakit bumagsak, at umiyak. Umiyak, umiyak, at umiyak pa hangga’t may luha ka pang puwedeng pigain sa mata mo.

Naalala ko, noong mga unang 5 buwan ng turo, pumapasok ako kada Lunes na mugto ang mata dahil lang sa pag-iyak nang nakaraang gabi. Pero natutunan ko rin na kapag tapos ka nang umiyak, kapag natanggap mo nang bumagsak ka, puwede ka na ulit magsimulang mag-ipon ng lakas para bumangon. At mag-eyeliner para maitago ang pagkamugto ng mga mata. Laging susubok at huwag susuko. Pagkatapos mong bumagsak, minsan nakakatakot nang sumubok ulit bumangon. Masakit bumagsak eh, ayaw mo nang maulit 'yun. Pero kapag nanatiling takot, tuluyan ka nang malulugmok.

Natakot din akong baka mawalan na ng gana si Kino pagpasok ng ikalawang taon niya sa Grade 3. Kahit ako, nag-aalala. Paano kapag di pa rin siya pumasa? Pero noong unang araw ng pasukan, lumapit siya sa ’kin at nagtanong, “Ma’am, magbabasa ba tayo sa uwian?” Laging susubok at huwag susuko. Nakita ko kay Kino 'yun. Bilang sa isang kamay 'yung pag-absent niya sa klase at hindi na siya tumatakas kapag nagre-remedial reading classes kami.

Bukod sa pagbabasa, nagkukwentuhan din kami. Nalaman kong nakakulong pala ang papa niya. Sa isang ESP activity namin kung saan magsusulat ng dasal sa Panginoon na hindi pa natutupad, nagulat at naiyak ako sa isinulat ni Kino. Una, dahil marunong na siyang magsulat, at pangalawa, dahil ito ang laman ng sulat niya, “Panginoon, sana makita ko na si Papa.”

Noong unang taon ko, buwan ng Oktubre, nagsulat ako ng resignation letter. Hindi ko 'yun ipinadala sa manager ko, pero muntik na. Noong araw na nabasa ko 'yung dasal ni Kino, nagpasalamat ako sa Diyos na hindi ko 'pinadala 'yung resignation letter. Na hindi ako sumuko sa pagtuturo, na hindi ako sumuko kay Kino. Naisip ko, kung nag-resign kaya ako noong unang taon ko, may nagpatuloy kayang turuan siyang magbasa? Makakasulat na rin ba siya ng ganung liham? Marahil oo, marahil hindi. Hindi ko alam. Ang alam ko lang, ako ang gurong nakatulong sa kanyang maisulat ang kaniyang saloobin.

Paano nga ba patuloy na bumangon? Una, tanggapin ang pagbagsak. Damhin ang sakit at pait, ubusin ang luha kung maaari. At kapag ubos na, magsimula muling sumubok, at huwag susuko. At kapag nakabangon na, ano'ng susunod na gagawin?

Sa huling araw ng klase, pinagawa ko ang mga bata ng dalawang uri ng liham para sa isa’t isa. Liham ng pasasalamat at liham ng pag-asa. Noong oras na ng bigayan ng sulat, may iniabot sa akin si Kino. “Teacher, salamat sa pagtuturo sa akin.” Magpasalamat. Ang susunod na gagawin ay magpasalamat. Sa hindi mabilang na liham na natanggap ko sa loob ng dalawang taon bilang guro, iyon na yata ang pinakaespesyal sa lahat.

Magpasalamat. Iyon ang ang pinakamahalagang itinuro sa akin ni Kino tungkol sa pagbangon. Dahil minsan – hindi, kadalasan pala – mahirap talaga bumangon. Hindi natin kayang gawing mag-isa. Kailangan natin ng magtutulak mula sa ibaba, kailangan natin ng maghihila paitaas.

Kaya salamat sa Teach for the Philippines sa isang hindi malilimutang paglalakbay, salamat sa co-teachers kong naging kaibigan, kapamilya, at karamay. Salamat sa aking nanay at tatay sa kalayaang ibinigay. At salamat kay Kino, at sa halos 500 estudyanteng Pilipinong nagbago ng aking buhay.

Maraming beses man ang pagbagsak, ganung karaming beses din ang pagbangon. At sa bawat pagbangon ay lalong tumatatag ang pagtindig sa mga bagay na patuloy na ipinaglalaban, 'ika nga, para sa bata, para sa bayan.

Sa aming mga estudyante, salamat muli dahil tinuruan 'nyo kami kung para kanino at kung paano bumangon. Kayo ang tunay na mga guro. – Rappler.com

*Hindi totoong pangalan. Ngayong taon, nasa ikaanim na baitang na siya (at patapos na ng elemantarya), paminsan-minsan ay nakikipag-chat sa akin sa Messenger para mangamusta.  

Irish Joy Deocampo taught Grade 3 pupils at a public school in Quezon City for two years during her fellowship at Teach for the Philippines. Currently, she is a member of the Department of English and Comparative Literature faculty at UP Diliman. 

 

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>