Kung bakit hinamon pang mag-commute si Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi namin alam.
May debate pa ba na usad-pagong ang trapiko sa Metro Manila? Kuwestiyon pa ba kung mayroon ngang “transportation crisis”?
Hind mahirap intindihin ang problema at kailangang lamang ng konting pagsasaliksik (at pag-iisip).
Kapag naintindihan na ng mga opisyal ng gobyerno ang tunay na suliranin, dito na papasok ang mapapait ngunit susing pagsasakripisyo – hindi ang mga kakatwang panukala tulad ng coding na nakabatay sa brand ng kotse mo (halimbawa, Lunes bawal ang Toyota, Martes bawal ang Honda, etc.) at ang one-way na EDSA at C5.
Ayon sa isang pag-aaral ng Asian Development Bank nitong 2019, pinakamasikip – barado – na lungsod ang Kamaynilaan sa 278 na lungsod sa developing Asia.
Sa mga sasakyang dumaraan sa EDSA, 67% ay kotse at 3% lamang ang bus. (So ano nga ba ang kuwenta ng bus ban sa EDSA?)
Ang LRT, 35 taon na; ang MRT, 20 taon; ang LRT2, 16 na taon. Panahon pa ni Rizal ang Philippine National Railways o PNR.
Noong 2017, nasa average ng 10 kada linggo ang insidente ng pagtirik ng MRT. Noong 2018, halos araw-araw ang breakdown. Simula noong 2016, nakatengga ang Dalian trains, maliban sa ilang unit na tinesting, dahil hindi tugma sa riles.
Noong 2012, tinukoy ng isang pag-aaral ng ADB ang mga hamon ng transportasyon:
• Mababang kalidad ng network ng mga kalye
• Hindi magkakaugnay ang iba’t ibang anyo ng trasportasyon o “poor intermodal integration”
• Mahinang pamamalakad ng gobyerno at mahinang institusyon ng transportasyon
• Kakulangan ng de-kalidad na urban transport systems
• Limitadong pamumuhunan ng pribadong sektor sa impraestruktura
Isa sa mga nasa limbo ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na naglalayong mag-phase out ng mga lumang jeepney sa kalsada. Wala ito sa budget para sa 2020. Kaya’t masidhi ang damdamin ng mga drayber na nagtigil-pasada bilang pagtutol dito. Sila ang mawawalan ng hanapbuhay habang walang matinong ayudang maibibigay ang pamahalaan. (BASAHIN: PUV modernization gets no budget in 2020: Who suffers?)
(Samantala, ang tanging alam gawin ng tagapagsalita ng MMDA na si Celine Pialago ay kutyain ang umano’y di matagumpay na tigil-pasada na nauwi sa suspensyon ng trabaho at eskuwela. Tsk, tsk.)
Mabalik tayo kay Panelo. Mukhang hindi lamang ang krisis sa transportasyon ang tumingkad – maging ang “authenticity crisis” ng mga tagapagsalita ng gobyerno ang litaw na litaw.
Hindi kailangan ng bayan ng mga utak-butiking gimik at grandstanding. Sa bandang huli, tumataginting na halos 4 na oras ang kinailangan ni Panelo para makarating mula New Manila sa Quezon City papuntang Malacañang. Hirit ng isang motorista sa social media, "Doing it a day is not the same as doing it 365 days for 20 years."
Walang pagtatatalunan. May krisis sa transportasyon – at lalong may krisis sa EQ at IQ ng gobyerno para maintindihan ang problema.
Ano na ang ginagawa ni Transportation Secretary Arturo Tugade matapos niyang iurong ang panukalang mabigyan ng emergency powers ang Pangulo (na ipapasa naman sa kanya bilang hepe ng Department of Transportation) para malutas ang problema sa trapik? Totoo ba ang hirit ni Senadora Grace Poe na puro "dream plan" ang kalihim at ginagamit ang hindi pagkakaroon ng emergency powers na sangkalan ng kapalpakan?
Hindi rin natatangi sa administrasyong ito ang palpak na pangagasiwa ng trapiko. Marami sa mga problemang ito’y nagsimula sa mga sablay na kontratang pinasok ng administrasyong Aquino sa ilalim ni dating transportation secretary Jun Abaya.
Kung paniniwalaan si Panelo, tayo na ang reklamador, tayo na ang spoiled. Tayo na ang ayaw gumising nang maaga upang makarating sa paroroonan nang maaga.
Dahil gusto nating huwag lustayin ang oras sa trapik. Dahil sawang-sawa na tayong umalis ng bahay habang tulog pa ang mga anak natin, at dumating sa bahay na tulog na ulit sila. Dahil nais natin ng buhay na hindi nakatunganga nang 6 hanggang 7 oras sa trapik. Araw-araw.
Parang tambutso ang spokesman na nagbubuga ng nakakalasong polusyon habang tinatabunan ang katotohanan.
Parang awa mo na, Panelo, huwag ka nang pa-challenge-challenge at baka lalo kang makalanghap ng masamang hangin.
Baka madagdagan pa ang mga gimik mong palso, nakakainsulto, at mapanlait sa paghihirap ng taumbayan. – Rappler.com