Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Pinoy love in the time of hashtag

$
0
0

 Sa mundo ng nagmamadaling materyalismo at mas nagmamadaling nearly-4-hour-Marikina-to-Malacañang-commute challenge, magpapaka-existentialist muna ako. Minahal ka na ba? Nagmahal ka na ba nang lubos at taos, iyong baliw na baliw na pagmamahal na alam mong matalino ka pero hindi mo alam ang silbi ng research sa agrikultura? Hinde, joke lang. Basta, na-in love ka na ba at minahal in return? 

Ipinahayag mo na ba itong pagmamahal na ito sa Facebook? Ginamit mo ba ang “In a relationship with...” status? Kung oo, idurugtong ko: Nakipag-break ka na rin ba? Eh paano iyong sangkaterbang retratong magkasama kayo? Sino ang magbubura? Sino ang mag-a-adjust? Paano ang dating masasayang alaalang patuloy na isinasaksak sa iyo ng social media via “you have a memory with” reminders, lalo kung hindi mo pa ito ikino-customize? O tuluyan mo nang inabandona ang lumang social media account mo to start all over again?

Dalawa ang dahilan kung bakit ako napagawi sa paksang ito. Una, dahil sa ipinaalala sa akin ng Facebook na ang “most liked” na larawan na ini-upload ko noong 2011 ay ang larawan ng bagong silang kong anak na wala pa sigurong isang oras ang gulang. Nasa nursery ng ospital sa aming lalawigan. Kinuhanan ng picture ng nurse na kinasabwat ko noon. 

Dahil hindi pa malaganap noon ang data plan, nakisawsaw ako sa isang establisimyentong may libreng Wi-Fi. At doon, wala pang isang araw pagkapanganak sa mortal na mundo ng pinakamamahal kong bunso, iniluwal naman siya sa social media. Na dinagsa kaagad ng “Congrats!” at “Like.” Wala pa noong emojis at heart-heart. 

Matapos ang walong taon, siyempre, nai-share ko uli. Mabisang tagapagpaalala ang social media sa halos ay nalimutan ko nang hitsura ng aking infant na anak 8 years ago. Na-trigger ako ng larawan. Dumagsa ang alaala ng araw ng kaniyang kapanganakan. Kung paano kami sumugod sa ospital, naghintay, nagbantay, at, ayon sa asawa ko (hindi ko na masyadong maalala ito), nag-check daw ako ng exam. Siguro nga. Panahon iyon ng pagtatapos ng semestre sa unibersidad na pinagtuturuan ko. Huh, multi-tasking master. Habang nagle-labor ang asawa, in-between ng paghilab ng tiyan kung kailan kailangan ko siyang alalayan sa tabi, nagche-check naman daw ako ng papel.

Sabi ko sa caption ng ipinaalala ng Facebook na larawan, “Walong taon na palang anak ng social media ang anak ko.” Nasubaybayan, hindi lamang ng kaniyang magulang kung hindi ng malalapit na kamag-anak at kaibigan, ang paglaki niya. Partikular ang mga kamag-anak ko sa Obando at Valenzuela. May mangilan-ngilan sa Amerika at Australia. Hindi man nila nakakasama nang madalas sa mga reunion – magastos bumiyahe at ma-traffic at lubhang nakakapagod ang pagluwas-luwas – nasusubaybayan naman nila ang paglaki at pagtanda hindi lamang ng aking mga anak kung hindi ng aming buhay na rin mismo. 

As early as 1990s, napulsuhan na ng visionary na si Manuel Castells sa kaniyang aklat na Information Age: Economy, Society and Culture (1998) na ang ibubunsod na teknolohiya ay magtutulak sa atin papasok sa “new era, enabled by electronic technologies, in which space is a space of flows and time is timeless.” Wala na rin daw heograpikal na espasyo, ang mayroon na lang ay ang “concept of space that is (defined) not by relations of geographical contiguity but by the exchanges between the different places in which actors are found.” Wow, profound.  

Hindi naman talaga nawawala ang pangmarka sa lugar at oras. Minus the mainit na yakap, makapag-uusap naman kayo ng mahal mo kahit pa ikaw ay nasa mall sa Cubao ngayon at siya ay nasa barko, naglalakbay sa pagitan ng Nauru at Kiribati, na ang petsa ay kahapon. 

Sa akin, 8 taon pa rin naman ang lumipas simula noong 2011. Ang sinasabi ni Castells, sumasambulat ang impormasyon ngayon na halos ay wala nang kinikilalang oras maliban sa time stamp ng social media at detalye kung kailan kinuhanan, say, ang video o larawan. At ang impormasyong ito ay ang ating alaala. At bihira na ang walang alaala lalo’t may malaking kakayahan na tayong umalala sa tulong ng mga device natin at ang mismong kalawakan ng internet na naging repositoryo ng ating collective memory.

Hindi na natin kailangang tumingala sa mabituing kalawakan kapag gabi, beer in hand, nakaupo sa damuhan, umaagos ang masaganang luha sa pisngi para sariwain ang isang partikular na pangyayari, noong ikinasal ka, halimbawa, some 10 years ago. Noong hindi pa uso ang same-day edit and showing ng wedding video sa reception at pagpapabaha sa news feed ng rehearsed prenup photos. 

Ngayon, kung may larawan o status o video ka ng nakaraan, balikan mo lang. Browse browse sa social media o pumunta ka sa gallery ng iyong smartphone kahit saan ka man naroon. Kung nai-save na sa external hard disk, isaksak uli. Panoorin. Hindi na kailangang tumingala sa bituin.

Kaya nga, hindi ko ma-imagine ngayon kung paano lumaya sa nakaraan. Kung paano tuluyang lumimot kung marami kayong mutual friends sa Facebook. Lalo kung ang nakaraang gusto mong ibaon sa digital Hades ay isang terrabyte ang kabuuang sukat ng mga larawan, kanta, laro, video na pinagsaluhan. Sana nga, nasa iisang hard disk lang. Para puwedeng i-reformat na lang. Pero hindi. 

Which leads me sa ikalawang dahilan kung bakit ako napagawi sa paksang ito. 

Kabaligtaran kasi ang sa akin. Kung sa iba maraming digital na alaala, ako, bago ikasal, kaunti o halos wala. Walang masyadong de-film na litrato. Nabaha pa sa Valenzuela ang iilan na nga. Lalong walang video.  

Hirap na nga akong alalahanin ang mismong sandali nang ikasal kami ng asawa ko, isang Pebrero, some decade and a half years ago sa isang bayan sa Quezon. Wala kaming masyadong picture noong magkasintahan pa lang kami. At nang ikasal sa probinsiya, to offset ang kawalan ng larawan, kumuha ako ng serbisyo ng photographer. Nakalagay ngayon ang mga pre-manicured photo era na larawan sa isang album na mga isang tonelada ang timbang. Ang mas malupit, dahil kulang sa budget, wala akong kinuhang magvi-video.  

Hindi pa uso ang multi-gigabyte na smartphone noon. VGA camera pa lang ang meron, if at all. Iyong camera na ang kuha ng retrato sa cellphone ay malabo, parang may mantekilyang nakapahid sa lens ng camera. Buhay ka pa pero mukha ka nang kaluluwa o aparisyon.  

Walang nakapag-video ng kasal ko kahit pa mula sa mga kaibigan ko. Hanggang ngayon, pinagsisihan ko kung bakit hindi ako nangutang noon para lang maipambayad sa video coverage. Hanggang ngayon, pilit kong binubungkal na lamang sa papahina nang papahinang memorya ang nangyari sa aming kasal. Kung paano, halimbawa, sumagot agad ng “Opo, Padre...” ang asawa ko kahit hindi pa tapos magtanong ang pari kung mamahalin ako sa hirap at ginhawa.  

“Huwag kang magmadali,” biro ng pari. <Natatawa na ako ngayon habang isinusulat ito, yari ako sa asawa ko kapag nabasa ito.> Nakakatanggap pa rin ako ng malambing na kurot sa tagiliran kapag ipinapaalala ko sa asawa ko ang sandaling iyon. Atat na atat, 'ka ko, kasi siyang matapos na ang kasal at maselyuhan na ako <kurot na naman>.  

Bueno, paano na nga kung may mga makasintahang naghiwalay? Paano ire-reformat ang alaala? Minsan, naiisip ko. Mabuti na lang nabuhay ako sa panahong itong naranasan ang lumiham gamit ang papel at ballpen, natutong mag-text, at ngayon, video call sa messenger. Mabuti na lang, may naipon din kaming alaalang hindi kailangan ng data at baterya para balikan.  

Ibang usapan naman kung paano lumimot. Lalo’t hindi lamang dapat maghiwalay sa relasyon kung hindi sa maraming hashtag at pinagsaluhang status. – Rappler.com 

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, research, at seminar in new media sa Departamento ng Literatura at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas, research fellow din si Joselito D. delos Reyes, PhD, sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Siya ang coordinator ng AB Creative Writing Program ng Unibersidad ng Santo Tomas. 

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>