Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] Isang bagsak para sa mga atleta, isang batok sa mga opisyal

$
0
0

Paminsan-minsan, nagsasabwatan ang mga tala at nabibiyayaan tayo ng konting kaligayahan tulad ng tagumpay ng tatlong gold medalists sa pandaigdigang entablado: si Carlos Yulo sa gymnastics, si Ernest Obiena sa pole vault, at si Nesthy Petecio sa women’s boxing.

Andyan din ang silver medalist na si Eumir Marcia sa boxing at ang bronze winner na si Hidilyn Diaz sa weightlifting.

Sa kabila ng...

Lilinawin namin. Ang mga tagumpay na ito ay “in spite of.”

Sa buong mundo, kalimitan ay magkatambal ang institusyon at kayod ng atleta. Dito sa Pilipinas, nagtagumpay ang mga atletang ito sa kabila ng hindi pantay-pantay at tuluy-tuloy na suporta, kapos na sistema ng training mula sa murang-edad, at walang katapusang pamumulitika ng mga opisyal ng sports commissions.

Habang busog na busog sa insentibo ang mga atleta ng basketball na umaani ng mga perks tulad ng pakotse at bonggang allowance sa kolehiyo pa lamang, madalas ay tirik ang mata ng mga atleta ng mga ‘di sikat na sports.

Nagkakasya na lamang sila sa maliit na allowance na nagbubunga sa hindi angkop na diet. Walang kapaguran silang namamalimos ng uniform, at palagiang kumakatok sa mga korporasyon para sa sponsor.

Marami sa mga nanggaling sa mahirap na pamilya ay 'di nagtutuloy sa karera sa sports dahil hindi na kayang matiis ang naghihikahos na kaanak. Sa ibang bansa, tinitiyak pati ang kalagayan ng pamilya ng mga atleta upang makapag-training sila nang walang alalahanin.

Sa kaso ni Carlos Yulo, sinuportahan siya ng private sector at gymnastics enthusiasts na maaga pa lang ay kumilala na sa kanyang galing. Totoo, dapat bigyan ng special mention ang Palarong Pambansa NCR team na unang nagbigay ng tulak sa kanya. Pero ang pagdya-Japan ni Yulo at pagte-training sa ilalim ng isang batikang Japanese coach ang naging susi sa kanyang tagumpay.

And'yan si Hidylin Diaz na isinama pa ng mga intrigero sa Duterte “ouster matrix.” Bumaling din siya sa Facebook upang humingi ng tulong pinansyal para sa kanyang pangarap sumali sa Tokyo 2020 Olympics. Sabi niya, “Hirap na hirap ako.”

Noong 2012, tulad ng 3 naunang Olympics, luhaan ang Team Philippines na lumahok sa London Olympics dahil wala silang naiuwi kahit na anong medalya. Noong 2016, pinalad si Hidilyn na maka silver sa Rio Olympics — at 'yan ang tanging medalyang napanalunan natin.

Sa 21 Olympic Games mula 1924 na sinalihan ng Pinas, nakasungkit ito ng nakapanlulumong 10 medalya – 3 silver at 7 bronze.

Puso at talento

Ano ba ang problema ng Pilipinas? Hindi naman tayo kulang sa puso, at lalong di rin kulang sa talento. Sa isang panayam sa Rappler, sinabi ng sports analyst na si Ronnie Nathanielz noong 2012, "Our athletes, we lack nutrition, we lack physical and mental conditioning.” Dagdag pa niya, "How can you be mentally strong if you're not physically strong? We don't have training facilities. There's no effort to develop these."

"Lack of vision" ang nakikitang ugat ng problema ni Nathanielz. Ang huling pangulo raw na nagbigay ng matinding suporta sa sports ay si Fidel Ramos. 

Pitong taon na ang lumipas, halos tumpak pa rin ang paglalagom ni Nathanielz.

At paano magkaka-vision kung laging nagbabangayan?

‘In shambles’

Noong Mayo 2019, taghoy ni Philippine Sports Commission Chairman Butch Ramirez, “Today, we wake up to a Philippine sports world in shambles.” Hindi namin alam kung nagmamalinis lang siya at hindi siya bahagi ng problema. Ano't ano man, hindi pa nagkaroon ng iisang kumpas ang mga commissioner ng sports habang ang mga atleta’y naiiwan sa ere.

Anim na buwan bago mag-host ng Southeast Asian Games, nauubos ang oras ni Southeast Asian Games Organizing Committee Chairman Alan Peter Cayetano sa pagde-deny na may kuwestyonableng kasunduang pinasok ng komite.

Marami nang napapailing, napapalunok, at napapadasal na sana'y hindi mapahiya ang bansa sa SEA Games

Gulpe de gulat

Bumalik tayo sa selebrasyon ng tatlong talentong nagwagi ng ginto sa world stage. Sa unang pagkakataon, napatugtog ang pambansang awit ng Pilipinas sa mga kompetisyong ito.

Tulad ng ipinakita ng bumangong koponan ng University of the Philippines na 3 dekadang talunan, hindi lamang puso ang susi kundi training sa ilalim na mahuhusay na coach, pera para sa tamang diet, transportasyon, at uniporme at pasilidad na magpapayabong sa skills ng atleta. (Kinumpuni na ang UP gym at hindi na ito madilim at tumutulo.)

Sana'y maging gulpe de gulat ito sa ating mga sports fans, na hindi lamang tayo magwawagayway ng bandila, manonood at tatalon sa tuwa. Kailangan tayo ng mga atleta mula sa kanilang unang kompetisyon, hanggang makarating sila sa tugatog.

Sana'y magsilbing gulpe de gulat ito sa mga otoridad – na sa kabila ng pagkakalat nila, nagtatagumpay ang mga bayaning atleta. – Rappler.com.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>