Wala naman talagang banig. At kung meron man, mahirap magsulat nang nakahiga. Bukod sa masakit sa likod dahil, karaniwan, noong bata pa ako halimbawa, sa sahig o papag na matigas nakalatag ang banig na pinahihigaan sa amin kapag dadayo kami sa bahay ng pinsan ko tuwing piyesta sa Obando. Pero hindi ko iniinda ang sakit ng paghiga at pagtulog sa banig noon, masigla ako at alipin ng kasiyahan para makapaglakwatsa sa tatlong araw na piyesta.
Ginamit ko lang itong “banig ng karamdaman” sa pamagat bilang pag-alala sa nalimot nang sawikain o idyoma o matalanghigang pananalitang katangian ng marami sa atin, ang magpahayag na laging may euphemism o pahiwatig.
Wala talaga ako sa banig ng karamdaman. Ang totoo lang ay may karamdaman ako ngayon, heto’t may nakasaksak na electronic thermometer sa kilikili ko habang tinitipa ang talatang ito. Teka. Tumutunog na. 38.7 degrees. <Tumayo, uminom ng paracetamol, bumalik sa harap ng monitor> Medyo naliligalig pa rin ako ng hilo, pero mas maayos na ito kesa kahapon kung kailan ako parang idinuduyan ng hilo, sakit ng ulo, at pananakit ng mga kasukasuan. Nang mag-browse ako kanina sa social media, hindi ko alam kung malulugod akong malaman na hindi ako nag-iisa sa nararamdamang lagnat, ubo, sipon, at trangkaso.
Galing ako sa klinika ng unibersidad kanina. Maayos na ang vital signs maliban nga sa mataas-taas pang temperatura. Walang inihatol na antibiotic. Kapag nilagnat, paracetamol. Ayos. Puwede na muling magtrabaho. Kaya heto. Nagsusulat habang nakaupo na lang sa banig ng karamdaman. Which leads me to, may nakakaalam pa kaya ng banig ng karamdaman? I mean, oo, euphemism lang ito ng pagkakasakit – ng malubhang sakit, mind you, dahil nakahiga na. Pero parang hindi na ginagamit sa mabilis na pagbabago ng mundo at lalong mabilis na patutsadahan ng intriga ng pamilyang hindi malaos-laos.
Mahilig tayo sa pahiwatig dahil, marahil, nag-iingat tayong makasakit ng damdamin. Kaya nga itunuturing nating hindi magandang ugali ang diretsuhan kung magsalita. Tactless. O taklesa. Iyong walang pakialam sa mararamdaman ng kinakausap.
Kaya ayaw nating tawaging malubha o naghihingalo ang isang tao, nag-aagaw-buhay lang. Ayaw tawaging namatay kaya sumakabilang-buhay na, o lumisan na. Kaya may salitang yumao bilang pantumbas sa namatay. Yumao. Umalis. Walang bahid ng pagkagimbal lalo kapag ginagamit ng matatanda sa amin noon sa Bulacan. Yayao na, aalis na. Pero ngayon, at napapanahon dahil mag-uundas, yumao. Umalis na rito sa mortal na buhay. Nasa kabilang buhay na.
At marami pang iba.
Halimbawa, ang katagang “usad-pagong.” Matagal nang tinatawag na usad-pagong ang daloy ng trapiko sa Kalakhang Maynila. Bata pa lang ako, usad-pagong na. Pero marami nang nagbago. Mainly, lalong bumagal ang trapiko at sumikip na ang kalsada sanhi ng maraming sasakyan. Kaya hindi na dapat idinadamay ang kawawang pagong para ilarawan ang trapiko. Ang pagong, kahit mabagal, consistent ang andar. Mabuti pa siguro, usad-Philippine justice system. Iyan, talagang mabagal. Iyan, napaka-inconsistent. Depende sa kakayahan mo, bibilis o babagal o tuluyan nang hindi uusad ang minimithing katarungan.
Minsan, kailangan ko pang ipaliwanag sa isang millennial sa paraang literal ang katagang “hindi mahulugang karayom.” Maliit ang karayom, pero dahil sa sikip, hindi babagsak ang karayom mula sa pagkahulog. Kaya hindi mahulugang-karayom ang siksikan sa dami ng tao. Hindi mahulugang karayom ang LRT at ilang pampublikong tren na parang, isa pa muling pananalinghaga, sardinas na sa sikip. Masikip pa rin ba ang lata ng sardinas? Para ba talagang pambayang tren? O, relatively, mas masikip na ang tren dahil walang puwang ang inihuhulog na karayom o sarsa ng sardinas? Kung may ilusyon kang maayos pa rin ang trapiko sa lungsod, sumakay ka ng PNR mula Alabang hanggang Sampaloc. Matatauhan ka. Teka, matatauhan. Natauhan. Another pahiwatig!
Biruan namin dati sa tropa, suotan ng matibay na helmet ang kasintahan o asawa. Baka mauntog at matauhan. Baka biglang mang-iwan.
May dalawang prominenteng kahulugan ang salitang “natauhan.” Una, iyong tapos nang mawalan ng malay o hinimatay. Natauhan. Pansinin: hinimatay. Ang salitang-ugat ay “patay.” Iyon lang nawalan ng malay ang hinimatay, parang patay. Natatauhan matapos bumalik ang ulirat. Mula sa mistulang kamatayan ay pagbabalik para maging tao uli. Ganyan ang unang kahulugan ng “natauhan.”
Ikalawa ang mas matalinghagang “natauhan.” Oo nga’t hindi nawalan ng malay, pero natatauhan ang gising at buhay pero nagbago ang isip. Iyong polarisadong pagbabago. Extreme.
Halimbawa, dating uto-uto pero natauhan dahil ginamit na ang kritikal na pag-iisip. Dating sumusuporta sa isang pulitikong halos sambahin, natauhan nang malaman ang kabulukan sa pagkatao at pamamalakad ng pulitiko.
Natatauhan kapag ginagamit na ang isip. Natatauhan dahil nagkakaroon na ng pagsusuri sa mga sitwasyon. Natatauhan dahil hindi na lang sunud-sunuran, na, kaugnay ng salitang “natauhan” ay dating mistulang tau-tauhan.
Ano ba ang tau-tauhan? Namulat ako na ang tau-tauhan, at least iyong literal na ibig sabihin nito sa akin, ay mga laruan ko noong bata ako. Iyong mga action figures. Tau-tauhan ang tawag namin. Hitsura at hubog ng tao na pinaglalaruan. Mayroong parang sundalong may hawak na baril. Gawa sa plastik.
Paglalaruan ko ang mga action figures. Gagawa ako ng kuwento na sila ang tauhan. Gusto ko iyong nasa tambak ako ng lupa. Iisipin kong bundok. Iisipin kong gubat ang mga halaman ng nanay ko. Iisipin kong dagat ang maliit na butas sa lupang may tubig.
Gagawa ako ng laruang bangka at isasakay ko ang mga tau-tauhan kong nabili sa tindahan ng laruan sa gilid ng daan ng Obando kapag piyesta sa bayang ito ng aking ina. Iyon ang tau-tauhan, pinaglalaruan o minamanipula ng isang mas makapangyarihan. Sa mga tau-tauhan ko nararamdaman ang kapangyarihan kong gumawa ng kuwento.
Kaya naman kapag sinabing para kang tau-tauhan, ang ibig sabihin talaga ay sunud-sunuran sa gustong ipagawa ng nagmamanipula o, gaya ko noon, naglalaro. Mistulang laruan ang tau-tauhan. Iginagawa ng kuwento. Bibigyan ng papel. Pero ang nasusunod ay ang nagmamanipula ng tau-tauhan.
Nang tumanda, gumawa na talaga ako ng kuwento. Sumulat. Iyong nasa aklat. Mayroon akong aklat, ang Troya: 12 Kuwento, na inilathala ng Visprint Inc noong 2016 (walanghiyang plugging alert!). Bili kayo. Nasa mga nangungunang bookstores sa bansa ang aklat ko.
Sa aking mga kuwento, kailangang may tauhan. Iba na ito sa tau-tauhan. Ang tauhan, mistulang tao pero katha ng kuwentista. Hindi nabubuhay, hindi makikita ni mahahawakan gaya ng tau-tauhan. Nasa papel lang ang tauhan. Nabubuhay sa imahinasyon ko at ng aking mambabasa.
Totoong taong may katawan ang natatauhan. Natatauhan lang tayo kapag nagbago ang ating isip mula sa isang pinaniniwalaan, tao man iyon, pananampalataya, o pulitika’t ideolohiya.
Hindi masama ang matauhan. Katunayan, dapat ngang paminsan-minsan ay matauhan tayo mula sa, halimbawa, lubos nating sinasambang pulitiko. Lumayo sa ideyang tagapagligtas ang pinuno, sa halip, pagnilayang tao rin silang natatauhan o tau-tauhan ng kung sinong baka nasa banig din ng karamdamang gaya ko. – Rappler.com
Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, research, at seminar in new media sa Departamento ng Literatura at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas, research fellow din si Joselito D. delos Reyes, PhD, sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Siya ang coordinator ng AB Creative Writing Program ng Unibersidad ng Santo Tomas.