Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] Duterte, tantanan mo na ang mind games

$
0
0

Anong mararamdaman mo kung bilang pangalawang pinuno o assistant, bigla kang iniwan ng boss mo at sinabi sa iyo: “Ayan, tapusin mo 'yang engrandeng proyekto ko. May 6 na buwan ka.” Ang siste, hindi nga niya nai-deliver ang proyekto sa 6 na buwan. Inabot ng taunan at wala pa rin.

Buwisit at pikon, 'di ba? Dahil alam mong ginagago ka at sineset-up na pumalkpak. Scapegoat ang tawag d'yan. Malamang ay hindi na niya matapos, o tinatamad na siya. Posible ring nakita niyang 'di niya pala kaya. Ano't ano man, mawawalan ka ng respeto sa boss mo.

’Yan ang ginawa ni Pangulong Rodrigo Duterte nang sinabihan niya si Bise Presidente Leni Robredo na bibigyan niya ito ng 6 na buwan bilang drug czar.

Ang backgrounder niyan ay ito: mahigit tatlong taon na at hindi pa nareresolba ni Duterte ang umano’y napakalaki raw na problema sa droga. Ang pangako nga niya, 3 buwan mula ng umupo siya, tapos na raw ‘yan. Tapos naging 6 na buwan. Ngayo'y mahigit nang 3 taon. Tsk, tsk, hindi naman April Fools' ngayon, 'di ba?

Wala tayong panahon sa mga mind games ng Pangulo. Tulad ng sinabi ng actress na si Agot Isidro: "Ikaw ang nangako. Ikaw ang nagkalat. Ikaw ang maglinis."

Pero bakit natin pinapatulan ang pahayag na ito? Dahil kinailangan ng isang Agot at ang maanghang niyang comeback upang maalala natin ang isang karimarimarim na katotohanan: na tinatantsang 27,000 ang pinaslang sa ngalan ng madugong giyera kontra droga ni Duterte.

Ngayong Undas – na sa ibang bansa ay Dia de Muertos o Araw ng mga Patay – huwag lang nating gunitain ang mga patay. Gunitain natin ang mga pinatay.

Sa 27,000, mahigit 50 sa kanila ay menor de edad. Si Kian delos Santos ay 18 taong gulang. Si Myca Ulpina ay 3 years old. Si Danica Mae Garcia ay 5.

Tingnan ang kanilang mga larawan sa artikulong ito. Dugo nila ang umagos sa drug war. Mukha nila ang mukha ng TokHang. Sila ang dapat gunitain, maliban sa ating mga kamag-anak, ngayong Undas.

Hindi na sila makapagsusuot ng costume ng Maleficent, Princess Elsa, o Spiderman sa Halloween, 'di tulad ng mga batang ito. At 'di tulad ng mga zombie ng kathang-isip, hindi na sila muling babangon.

Teka lang, nabilaukan kami. Ayon sa tagapagsalita ng Pangulo, isa raw "kind gesture" ni Digong ang alok kay Leni. "Neknek mo," ang isasagot ng lola ko d'yan.

Kapag may utak-zombing suhestyon ang mga halal na pinuno natin at ang mga spokesmen nila, huwag mag-atubiling patikimin ng malupit na tugon ang mga ganitong paandar.

Dahil sawang-sawa na tayo sa mind games. – Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>