“Daplis lang,” yan ang dalawang salitang naglalarawan ng malasakit ng gobyerno – o kawalan nito – sa mga sinawimpalad na mangingisda ng Gem-Ver.
Ang mga salitang unang sinambit ni Energy Secretary Alfonso Cusi ang tumutumbok sa postura ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng gabinete niya sa mga mangingisda. At malinaw ang pahaging nito: huwag na kayong mag-alboroto, ‘di naman kayo namatay. Diyan din nanggagaling ang komentong “maritime incident” lamang ito.
Matapos banggain ang Gem-Ver, nagkumahog ang gobyernong pahupain ang galit ng taumbayan sa mga Intsik. Matapos kausapin (o brasuhin?) ni dating agriculture secretary Manny Piñol ang mga mangingisda, nagbago ang tono ni Kapitan Junel Insigne. Hindi na raw siya sigurado na sinadyang banggain ang kanilang barko.
Marami mang publicity ang tulong na ibinigay ng pamahalaan, sa bandang huli, kapos pa rin ito upang makabawi ang lahat ng naperwisyo. Tinatantsang nasa P2.2 milyon ang kitang nawala sa mga mangingisda sa loob ng 4 na buwan. Nasa P1.2 milyon lamang ang natanggap na ayuda ng may-ari ng Gem-Ver. Nasa P2 milyon naman ang nagastos ng may-ari ng Gem-Ver sa pagkukumpuni nito.
Sa kabuuan, pagbibigay ng palimos ang naging approach ng pamahalaan.
May kasabihan, “Give a man a fish and you feed him for a day; teach a man to fish and you feed him for a lifetime.” Binigyan sila ng gagastusin, pero hindi sila tinuruang palaguin ang sana’y naging kapital para sa ibang pagkakakitaan. Binigyan sila ng bigas, pera, at maliliit na bangka, pero walang naman silang barkong pampalaot at lalong hindi sila pinapayagan sa karagatang pinakamayaman sa isda.
Ang pinakahuling kalamansi sa sugat ng mga mangingisda: ang regalo ng isang kompanyang Intsik – ang M/V Pengyou – na isang tingin pa lang ay alam na ng mga mangingisda na hindi uubra sa Recto Bank. Bakit? May bitak ang bangka sa hull nito at may lamat ang beams. Pero nahiya silang isauli ito sa mga Intsik.
Ano ang naging papel ng Special Envoy to China na si Ramon Tulfo na umano’y nag-asikaso sa pagpapaabot ng “regalo” sa mga mangingisda? Kaya ba substandard ang biniling barko ay para ‘wag sila makarating sa malayong laot at nang hindi na makadagdag sa yamot ng Tsina?
Balikan natin ang big picture: taon-taon, pababa nang pababa ang huli ng mga mangingisda tulad ng Gem-Ver sa deep sea. Mula 135,310 metric tons noong 2012, ngayo’y nasa 123,781 metric tons na lamang.
Ibig sabihin, nagtatagumpay ang Tsina, ang No. 1 na producer ng yamang-dagat sa buong mundo, sa pambabakod ng resources na hindi naman sa kanila.
Malayong-malayo man sa buhay natin ang buhay ng mga mangingisda, malapit naman sila sa bituka natin. Sila, kasama ng mga magsasaka at ibang batayang sektor, ang nagtitiyak na may maihahain tayong pagkain sa hapag-kainan sa resonableng halaga.
Lahat tayo ay damay. Sa kalaunan, sa larangan ng ekonomiya, magmamahal ang isdang huli sa deep sea ocean, at magkakasya na lamang tayo sa isdang pinalaki sa fish pen at pinataba ng fish feed.
Dati nang busabos ang mga mangingisda. Sila ang tinatamaan ng climate change at mga climate phenomenon tulad ng El Niño at La Niña.
Sila rin ang tinatamaan ng hagupit ng pangangayupapa ng pamahalaan natin sa mga Intsik. Ang mga mangingisda ang binubully sa karagatan. Sila ang lumiliit ang kita o sadyang nawawalan ng hanapbuhay. Sila ang magugutom. Ang mga anak nila ang hindi makapagtatapos ng pag-aaral.
Sabi ng may-ari ng Gem-Ver, "Parang alipin po tayo ng China. Parang wala tayong karapatan sa sarili nating nasasakupan."
'Yan ang kuwento ng inabandonang mangingisda ng Gem-Ver, at ganoon na rin ng mangingisdang Pinoy.
Una silang inabandona ng bumanggang barkong Intsik. Sa isang banda’y inabandona sila ng ilang ulit pa – sa kabila ng dumagsang tulong – sa aspetong pulitika at suportang moral.
Isa lang ang tunay na tulong na kailangan nila: pangalagaan ang karapatan nilang makapangisda sa karagatang ang may karapatan ay Pilipino. – Rappler.com