Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Tapaojo: Pagmuni-muni pagkatapos mag-unfriend sa Facebook

$
0
0

 

Ang hirap sa pagbabasa, minsan, matutuklasan mong dati na palang umiiral ang iniisip mo pa lang na konsepto. Iyong matagal mo nang pinaglalaruan sa isip at inaakala mong bago, tapos mababasa mong may isa na palang iskolar – o sige, kahit tambay, dahil wala na namang halaga kung ano ang propesyon ng naunang nagkaroon ng parehong idea – sa ibang bansa ang nakapag-isip nito halos 20 taon na ang nakararaan.  

Ganito rin ako dati nang sumusulat pa ng tula at kuwento. Iyong makakabasa ako ng napakagaling na akda, tapos panghihinayangan ko kung bakit hindi ako ang unang nakaisip, hindi unang nakapagsulat, lalo’t mistulang simple pero napakagaling ang pagkakapahayag. May ganitong panghihinayang. May ganitong, sige, hindi ko na ikukubli, paninibugho. 

Bilang manlilikha at akademiko, bilang iskolar, nakapanlulumo ito. Iyong akala mo unique sa bansa natin ang kakaibang paggamit natin ng social media, pero hindi pala. May tumalakay na sa isang aklat hindi pa man sumisikat ang social media, ni wala pa sa guni-guni marahil ni Mark Zuckerberg ang Facebook. Ang pantas na ito, isang abogado mula sa Harvard Law School, ang nag-predict ng notorious dynamics ng sociality ng internet at new media bilang platform ng pakikipag-ugnayan o hindi na pakikipag-ugnayan sa kapwa. Platform hindi na lang ng komunikasyon kung hindi ng pagkakahati at pagpapalalim ng pagkakahating ito habang tumatagal tayo sa social media at iba pang abenida ng ugnayan sa internet. 

Nataya ng abogado at propesor sa Harvard Law School na si Cass Sunstein sa kanyang akdang republic.com (Princeton University Press, 2001), na nakabatay sa kanyang pagsisiyasat sa takbo ng pamumuhay ng mga netizen ang pagkakapangkat-pangkat at paglalim ng paniniwala, to the point of extremism, ng mga gaya nating nilalang na babad na babad sa internet, social media, at new media sa kabuuan. 

Sinipi naman ng aklat na Understanding New Media ni Eugenia Siapera (2nd edition, Sage, 2018) ang irony ng pakikisangkot natin sa maraming birtuwal na pamayanan. Kasapi tayo ng maraming pangkat sa internet. At hindi mapipigilan ang marami pa nating pakikisangkot dahil sa accessibility ng teknolohiya at impormasyon, pero sa lahat ng ito, mistulang naglulunoy pa rin tayo sa batis ng indibidwalismo dahil sa dali ng customization ng new media platform kung saan tayong mga Filipino ay tumatambay 10 oras kada araw.

Halimbawa, dahil mahilig ako sa vintage watches at fountain pens, member ako ng mga Facebook group at forums tungkol sa kinahihiligan kong ito. Ilang oras ang nauubos ko rito kapag walang masyadong trabaho at utos ang asawa ko. Bumibili at nagbebenta ako minsan ng mga hindi ko na ginagamit na relos (walang wrist time, sa jargon ng horologists) at fountain pens. 

Dahil nagtuturo naman ako sa unibersidad na may aktibong sports program (Go, USTe! Maisingit lang), kasapi ako ng mga grupo at forum sa internet na sumusuporta sa aming basketball team. 

Iba pa ang membership ko sa mga pages na tungkol sa Lucban dahil doon ako nakatira, sa Valenzuela dahil doon ako tumanda. Iba pang grupo ang sa marami kong batch sa paaralan. Kasapi ako, at least sa Facebook groups, ng ilang alumni associations. Iba pa ang mga writers group at interest groups at ang maraming interes ng pagiging akademiko; iba pa rin ang mga Facebook group ko sa iba’t ibang tungkulin at pagkatao ko sa buhay. May direktang silbi man sa buhay ko o wala.  

Marami ito dahil aktibo ako sa napakaraming kinabibilangan ko sa lipunan. Hindi ko na babanggitin dito ang pagiging kasapi ko ng showbiz fans clubs. Shout out nga pala sa mga kapwa ko Popsters.  

Napakadaling sumali at mag-customize. Hindi nakatulong dito ang kakayahan natin sa pagpinid ng birtuwal na pinto sa iba. Kung makakabasa ka ng lubhang annoying at paulit-ulit na status sa Facebook, puwedeng i-unfollow. O i-snooze for 30 days muna para mabigyan ng pagkakataon, baka sakaling maging maayos pagkatapos ng isang buwan. Puwedeng mag-unfriend o mag-block ng kaibigan o kakilala. O kaibigang putik.  

Hindi mo gusto ang kanyang extreme political stand? Hindi mo gusto ang kanyang paulit-ulit na pag-share ng fake news? Ang kanyang paniniwalang dapat mamatay ang kahit sinong “nanlaban”? Kahit kaibigan mo pa ito, kahit kumare, kamag-anak, kapatid, puwedeng pagsarhan ng birtuwal na pinto. Puwedeng ikubli sa kailaliman ng social media Hades mo. Never to be seen, never to be found and heard again. Ang gaan sa pakiramdam. 

Dahil kung sa realidad, mahirap ang ganitong uri ng pakikitungo, pagpapatahimik, pag-iwas, o pagwawakas ng pagkakaibigan. Pero dahil birtuwal, kaydaling putulin ng ugnayan. Hindi mo kailangang mag-ipon ng lakas ng loob, mag-ipon ng salita. Isang click lang, paalam. 

At ito ang delikado. Marami sa atin ang nag-a-unfollow dahil hindi natin kasundo sa anumang pinaniniwalaan natin. Napi-filter na lamang natin ang gusto natin. Nasusubaybayan at nasusuportahan ang pinaniniwalaan. Kung kokontra kahit pa makatuwiran, buburahin. Hanggang dumating ang napakadaling panahong ang mababasa, mapapanood, maririnig na lang natin sa news feed ay paborable sa atin. Sabi ni Siapera, “[This] polarization is not good for society which ends up becoming fragmented – less a society and more a collection of polarized groups that share little, if anything, with each other.”   

Ito raw, ayon kay Sunstein, batay sa pagsipi ni Siapera, ang maaaring pagmulan ng extremism. Habang nililinis mo at kino-customize ang mapapanood at mababasa, lumalalim ka sa iyong pinaniniwalaan. Wala na ang kasalungat na insight. Wala na ang kritikal na pagsusuri dahil sa highly customizable platform tulad ng Facebook. Wala na ang peripheral reason. Ang meron na lamang ay ang virtual tapaojos.  

Tapaojo. Salitang Español na ang ibig sabihin ay piring sa mata. Bakit hindi ko na lang tinawag na piring o takip? Kasi ang tinutukoy ko rito ay ang inilalagay na takip sa mata ng kabayo para maging limitado ang makikita. Diretso lang. Wala nang peripheral vision. Walang ibang makikita kung hindi ang nasa harap. Ganito ang karamihan sa atin. Bakit nga naman magpapa-stress sa kasalungat ng katuwiran, puwede namang i-block? Puwedeng i-customize ang makikita, mababasa, mapapanood natin 10 oras sa isang araw.

Gaya ngayon. Lumulunsad ang binabasa mong ito sa internet. Maaaring hindi mo ito magustuhan kaya ia-unfollow mo ang Rappler. Pero kung magugustuhan, maaaring i-share sa ibang kapanalig mo. 

Aaminin kong ilang ulit na akong naglinis ng news feed. Ilang ulit nang in-unfollow o in-unfriend ang kasalungat ng aking pinaniniwalaan, lalo sa highly divisive na karnabal ng politika sa bansa. Pero kailangan kong magtira, dalawa o tatlong kasalungat ko ng pinaniniwalaan. Kailangan kong makabasa ng kasalungat na opinyon upang matimbang ang mga bagay-bagay kahit pa, sa totoo lang, nakaka-stress. Dahil habang lumalalim ang mga bias ko, dapat nakikita ko pa rin ang kalawakan ng mundo, kaya wala akong tapaojo. – Rappler.com 

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, research, at seminar in new media sa Departamento ng Literatura at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas, research fellow din si Joselito D. delos Reyes, PhD, sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Siya ang coordinator ng AB Creative Writing Program ng Unibersidad ng Santo Tomas. 

 

 

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>