Kahiya-hiya. Ito ang napapailing na bulong ng maraming Pilipinong sumusubaybay ngayon sa nalalapit na pagbubukas ng Southeast Asian Games dito Pilipinas.
Ang mga football player ng Timor Leste tatlong oras pinaghintay sa airport – nakatulog na nga ang mga atleta sa mga upuan sa NAIA – at pagkatapos ay dinala sa maling hotel. Ang football team ng Myanmar, naghintay din umano ng "matagal" sa paliparan. Pagsakay nila ng bus, "hindi komportable" at masyadong masikip para sa mga atleta ang mga upuan.
Ang team naman ng Cambodia, naghintay din bago naka-check in sa kanilang mga kuwarto dahil hindi pa handa.
Ang mga Thai naman nagreklamo rin dahil pinagsiksikan ang 3 atleta nila sa mga kuwartong pandalawahan. Masama rin ang loob nila dahil napilitan silang magkansela ng ensayo. Napakalayo ng itinalagang football stadium na pagpapraktisan nila (Biñan) sa kanilang hotel sa Makati.
Ang Philippine women's football squad, naghintay rin nang matagal bago mabigyan ng kuwarto at mapalad pa nga ang mga Thai sa kanila: nagsiksikan ang 5 atleta sa kuwartong pandalawahan.
Sabi sa social media ng isang Pinoy na atleta: "Nakalulungkot na kami ang host team pero ganito ang trato sa amin. Hindi ko ma-imagine ano ang nararamdaman ng ibang mga bansa."
Humingi ng paumanhin ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC).
Hindi ba't nakapanliliit na ang pambungad na pahayag ng mga organizers ng Pilipinas ay "welcome" na may kakambal na "sorry"?
Sabi naman ng tagapagsalita ng Pangulo na si Salvador Panelo, what's “more important and more pressing is PHISGOC has committed to do better.” Ano raw? Hindi po ito pa-liga sa barangay, Ginoong Panelo.
Cramming, Philippine-style. Ang Rizal Memorial Complex at Philsports Arena sa Pasig – kinukumpuni pa. Ang skate park, BMX track race, under construction pa rin. Kalakaran sa ganitong mga internasyonal na patimpalak na magkaroon pa ng kaunting panahon ang mga manlalaro upang makapag-ensayo at magamay ang mga pasilidad, pero maraming mga dayuhang atleta ang nagkuyakoy na lang.
Hindi handa, nagkukumahog, kalat-kalat.
Totoong masalimuot ang isyu, at isa sa pangunahing ugat ay ang bangayan ng mga pinuno ng sports sa bansa na inuna ang pulitika at hindi ang ikabubuti ng mga atleta at ikagaganda ng imahe ng bansa. Limang buwan bago ang palaro, nagre-regroup pa lang ang Philippine Sports Commission. (BASAHIN: Isang bagsak para sa mga atleta, isang batok sa mga opisyal)
Marami ring tanong nang nag-take over si Alan Peter Cayetano at binuo ang PHISGOC. Bakit kailangan pa itong buuin? Hindi raw kinaya ng budget department, Philippine Olympics Committee, at Philippine Sports Commission ang trabaho, kaya binuo ang isang “multi-stakeholder” foundation.
Paano nangyari na nawalan ng public bidding para sa P1.5 bilyong mga proyekto para sa SEA Games?
At kamakailan lang, sinabi ng Office of the Government Corporate Counsel na kuwestyonable ang P11-bilyong kasunduan ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at Malaysian firm MTD Capital Berhad para itayo ang New Clark City sports facilities sa Capas, Tarlac.
Most expensive campfire. Andiyan din ang tinawag ng komentarista sa sports na si Bill Velasco na "pinakamahal na campfire sa kasaysayan ng bansa" – ang cauldron na nagkakahalaga ng P55.9 milyon.
Makapagpapatayo ng 55 silid-aralan ang tinustos sa minsan lamang na gagamiting cauldron, sabi ni Senador Frank Drilon. Sabi nga ng isang nagkomento sa social media, puwede naman daw gawing palangganang panlaba o kawa para sa paella pagkatapos ng palaro. Mukhang panibagong white elephant na naman ito. Hindi na tayo natuto sa karanasan ng APEC ni dating pangulong Fidel Ramos.
Habang inaatupag ng mga opisyal ang "image-building," ayon din sa impormasyon ni Velasco, marami pang mga equipment ang hindi pa nao-order dalawang linggo bago ang Games.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng mga pinunong nangampanya na Pilipinas ang mag-host ng SEA Games 2019 na hindi handa ang pamunuan at mga pasilidad – at lalong kapos sila sa management skills upang madiskartehan ito nang hindi mauuwi sa isang higanteng face palm.
Sa traffic pa lang na susuungin ng mga delegado, tingin ba nila'y matutuwa sa Kamaynilaan ang mga kapit-bahay natin sa ASEAN? HIndi nga masolusyonan ang traffic sa ordinaryong payday Friday, paano na kapag dumagsa ang mga banyagang koponan?
Puro dada, sabit sa gawa. Mula lohistika hanggang pasilidad, mukhang pinatutunayan ng Team Duterte (na bukod kay Cayetano ay kabilang si Senador Bong Go, ang coach niya na si BCDA Chairman Vince Dizon, at kapatid ni Cayetano na si Senador Pia Cayetano) na wala itong kakayanang maglunsad ng world-class event.
Malupit na kombinasyon ang incompetence at hokus-pokus sa pinansya. 'Yan ngayon ang naka-showcase sa SEA Games 2019. Kahiya-hiya. – Rappler.com