Mali ka ng akala. Hindi ito tungkol sa mga naglipana at nakakatawang “Mahal ka ni Ninong” memes sa social media hinggil sa nalalapit na Pasko. Bagamat masasabi kong tungkol din ito sa aginaldo, pero ang mas malalim at nakasisira sa lipunang aginaldo.
Ganito kasi iyon. Sa loob lang ng 3 araw, kasama na ang araw habang ginagawa ko ito, 3 malalaking isyu ang nagkapatong-patong sa news feed ko.
Una, iyong tungkol sa pobreng teacher at ang kanyang pagbibitiw para maisalba ang kung ano mang natitira pang dangal dahil, alam naman natin, ginawa siyang social media specimen sa isang public affairs radio and television show na nagpapanggap ding instant katarungan vending machine.
Ikalawa, ang kapalpakan – at ang napipintong mas malaking kapalpakan! – sa hindi pa man nagsisimulang SEA Games. (BASAHIN: [EDITORIAL] Ang higanteng face palm na SEA Games 2019)
At ang huli, ang pagkakaalis (o pagkakasibak, baka ito ang mas preferred mong termino, depende kung saan traditional political yard ka kabilang) sa puwesto ng ating bise presidente bilang co-chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs.
Inaasahan ko na ang dalawang huli na mangyayari simula pa lang. Political gut feel. Instinct.
Ang kay VP Leni, ramdam ko namang hindi sincere ang alok ng administrasyon na makipagtulungan simula’t sapul. Kaya nang kasahan ang alok na puwesto (sorry, na inakala ko talagang pang-aasar lang ng mga taga-Palasyo), ang hinihintay ko na lang talaga ay kung kailan siya tatanggalin. Tapos in less than a month – higit na maikli sa ipinangako dating 6 na buwan.
Iyong sa SEA Games, simula pa lang nang ilabas ang bilog-bilog na logo at sago-sagong mascot noong nagdaang taon, alam ko nang magkakaganito. Icing on the cake na lang ang kaldero sa New Clark. Ang bilis ng mga pangyayari. Ambilis sumambulat sa social media. Hindi makasabay ang news feed ko sa mga balitang sumisingaw sa bawat oras na sumisilip ako para alamin kung may notification akong dapat malamang mas mahalaga pa kesa magkamit tayo ng gintong medalya at kaldero sa biennal sports meet ng rehiyon. Nakakapagod ang mga ganitong update. Nakakahiya, even. Pero wala eh, they’re bound to happen.
Sa kabila ng aberya, mariin pa rin naman ang pagsuporta ko sa mga atletang Pinoy kahit pa parang lamang lang nang kaunti sa inter-barangay high school athletics competion ang pag-oorganisa ng mga nilalang sa likod ng biennal games na ito ng rehiyon.
Palagay ko naman ay marami pa ring mapasasaya ang SEA Games. Maraming kuwentong tagumpay ang aanihin, lalo kung mapapanood natin nang live.
Dahil sa kuwento ng tagumpay ang pangunahing dahilan ko kung bakit masarap tumangkilik ng sports sa kabuuan. Kaya tara, suportahan pa rin natin ang mga kababayan nating atleta. (BISITAHIN ang SEA Games 2019 site ng Rappler.com.)
***
Bueno, iyong sa pinakauna, iyong katarungan vending machine via radio and TV show, mas nauna kong nahiwatigang mangyayari iyon. Mas naka-embed na kasi sa kultura natin ang mga ganitong uri ng extra-judicial justice dispensation – ang mga ganitong uri, lalo na, ng pamamadrino.
Oo, padrino sa kahit anong proseso hindi lang sa paghingi ng katarungan.
For better or for worse, kasama na kasi itong sa ating cultural DNA. May tawag pa nga tayo rito: padrino system.
May negatibong konotasyon agad sa ating lipunan ang salitang “padrino.” Sa ating bansang laganap ang krimen at korupsiyon, maraming “padrino” ang nilalapitan ng kung sino-sino para humingi ng pabor. Kung ayaw sumunod sa proseso at may kilala naman sa loob na magpapabilis sa transaksiyon, bagamat ilegal o imoral, gagamitin ang “padrino.” Hindi ba imbes na magreklamo sa kinauukulang ahensiya ng pamahalaan ang mga magulang, sa padrino sila lumapit? Ang bilis nga naman ng hatol.
Palakasan din sa puwesto o promosyon ang kasingkahulugan ng padrino system na bahagi ng ating kultura. Ibig sabihin, basta may kapit ka sa makapangyarihang tao sa sistema, mapo-promote ka, makukuha ang kontrata, o mapipili ka sa isang posisyon kahit pa hindi ikaw ang pinakakalipikado. Ito ang iyong aginaldo buhat sa iyong padrino. Sa nangyayaring SEA Games brouhaha, may napapansin ba kayong pamamadrino?
Kaya naman nakakainis na makarinig na may padrino ka sa isang ahensiya ng gobyerno. Na para bang ipinagmamalaki mong kaya mong mapadali ang isang gawain; na kaya mong hindi sumunod sa proseso.
Neutral na termino naman talaga dapat ang salitang Español na “padrino” mula sa salitang Latin na “patrīnus,” na ang literal na ibig sabihin ay “ng ama” o “of a father” sa Ingles. Pero mas pamilyar tayo sa pangkaraniwang ibig sabihin ng padrino: godfather o, sa Filipino, iyon na nga, ninong. Kaya “Mano po, Ninong!”
Kung paanong naging “ninong” ang “padrino” ay maaaring sa paraan natin ng pagbigkas, na sa katagalan, umikli at nagkaroon ng, sa linguistics, ay morpho-phonemic changes.
Sa ating bansa, mayroong salitang ninong at mayroon pa ring salitang padrino. Iisa ang kahulugan kung pagbabatayan ang literal na ibig sabihin. Pero kung sa paraang figurative o patayutay, hindi. Ang maging ninong sa kasal o binyag ay karangalang maging ikalawang magulang na magpapayo o tutulong sa inaanak. Ang maging padrino ay maging kasabwat.
Pero, hindi ba, iyon naman talaga ang isang tungkulin ng ninong? Ang tulungan ang inaanak? Hindi ba bago ang binyag, ipinapaliwanag ng pari ang mga gawain ng ninong na malaya namang tinatanggap ng mag-aanak sa binyag, kumpil, o kasal?
Ang malungkot, mayroong ninong na gusto ring maging padrino. May mga magulang na kumukuha ng ninong – nakakatawa ito, pero ganito talaga ang kayarian ng pangungusap na ito! – para maging padrino ng anak. Redundant? Sa kulturang Filipino, hindi.
Ngayon, kung ang padrino ay sa ninong, saan naman galing ang salitang “ninang”? At ginagamit din ba ito sa ating kultura sa parehong may negatibong konotasyon gaya ng padrino?
Galing sa salitang Español na “madrina,” na buhat sa salitang “madre” o “mater” sa Latin. Halos pareho lang din ng salitang padrino na naging ninong ang pagbabagong morpo-ponemiko. Pero pansinin, hindi tayo masyadong pamilyar sa salitang madrina, hindi ba?
Ang paggamit kasi natin ng salitang “padrino” ay gender neutral. Maaaring magpadrino sa iyo ang babae man o lalaki. Ninong o ninang. Hindi nagsasabi ang marami sa atin na may “madrina” siya sa loob ng isang ahensiya ng pamahalaan. Padrino pa rin kahit na babae. Pero ang higit na malungkot na usapin sa paksang ito ay ang katotohanang usong-uso at namamayagpag pa rin ang padrino system sa bansa. Patunay? Magbasa o manood lang kayo ng balita sa pahayagan, telebisyon, at news feed. – Rappler.com
Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, research, at seminar in new media sa Departamento ng Literatura at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas, research fellow din si Joselito D. delos Reyes, PhD, sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Siya ang coordinator ng AB Creative Writing Program ng Unibersidad ng Santo Tomas.