Paskong-pasko, naiinis ako, na may halong lungkot, at may halong galit. Ito na ba ang inabot ng ating pulitika?
Hindi ito tungkol sa hamunan ng dalawang kandidato sa pagkapresidente, na nagsimula sa sampalan at humantong sa barilan. Totoong nakakabanas ang ganyang pangyayari, ngunit hindi ito tungkol sa kahit sinong pulitiko. Matagal nang mababaw ang inaasahan ko sa mga pulitiko. Matagal ko nang naisip na karamihan sa mga pulitiko ay umaayos lang kapag tinuruan sila ng taumbayan.
Kaya’t ang kinaiinisan ko ay tayo. Sige, ihanda 'nyo na ang mga puna: elitista, bayaran, nagmamalinis. Kahit ano naman ang sabihin ko, ng kahit sino sa atin, tungkol sa kung sinumang kandidato, ay mababastos nang wala sa lugar.
Lait, akusasyon, pagbabanta
Ganyan ang nangyari sa akin nang hiningi ko sa mahinahon at magalang na paraan ang medical certificate ni Miriam Defensor Santiago. Sa comments section ng artikulo at sa Facebook ng Rappler, sumabog ang mura, panlalait, pagbabanta, at akusasyon.
Bayaran daw ako at ang Rappler. Naku, ha? Hindi ako inosenteng naniniwala na walang bayaran sa media, nguni’t hindi po ako 'yon. Peksman. At hinahamon ko ang sinuman na ilabas ang ebidensya. Ito 'yung nakakainis: kapag hindi gusto ng ilang kababayan natin ang sinabi mo, sasabihing masama ang motibo mo – na bayaran ka, na kampi ka sa kaaway nila.
Mayroon ding pumansin sa mataba kong mukha sa litrato. O di ba, okey? Ang ibig bang sabihin nila ay kung mataba ang isang tao, di na p'wedeng magsabi ng totoo? Wala na ba tayong katinuan na aasahan sakaling humigit ang timbang ng isang tao sa palagay nating maganda?
May isang humingi ng hinahon sa mga bullies and trolls sa Facebook page ng Rappler. Huwag naman daw akong masyadong laitin at propesor naman ako ng UP. Ang sagot? Di ba raw propesor ng UP 'yung Gerry Lanuza na nag-viral at kinainisan ang post tungkol kay Tiffany Uy? Di raw dapat kabiliban ang mga taga-UP. Ang masaklap nito ay nag-viral din naman ang post ko na pinupuna ang post ni Propesor Lanuza. Tulad ng akusasyon na bayaran ako, walang kalaman-laman ang akusasyong pareho kami ng kaisipan ni Propesor Lanuza tungkol kay Tiffany Uy. Kabaligtaran ito ng katotohanan. At sakali mang pareho kami ni Propesor Lanuza, bakit naman lalahatin ang lahat ng propesor ng UP? Para sa taong 'yon, hindi kailangang santuhin ang katotohanan kung nakakahadlang ito sa kagustuhang kuyugin ang nagpahayag ng isang ideyang hindi niya nagustuhan.
At siyempre pa, ang paborito ko sa lahat, ang pabaon sa aking sana raw ay ako ang magkakanser dahil ipinakiusap ko kay Senator Santiago na ipaalam sa bayan ang kondisyon ng kanyang lung cancer. Ano kaya ang kasalanan ko sa taong iyon na gugustuhin niyang mamatay akong di naman niya kilala? Ganun kalaki bang kasalanan ang magkaiba kami ng pananaw tungkol sa kandidato?
Pansinin ang ingat ng aking pagkakasulat ng huling pangungusap. Kung babalikan ang aking sinulat, walang batayan na sabihin na hindi ko kandidato si Miriam. Sa totoo lang bilang propesor ng UP, hindi ko gagamitin ang kapangyarihang ibinigay sa akin ng taumbayan upang impluwensyahan ang boto ninyo. Labag po sa amin 'yun, sapagka’t ang makinarya ng gobyerno ay hindi dapat gamitin para sa kandidatura ng sinuman. Maaari po kaming pumuna, di po maaring mag-endoso. Kaya’t wala naman po akong kandidatong ikinakampanya. At lahat po ay pinuna ko na. (Ipapaliwanag ko po sa inyo mamaya bakit hinahayaan kaming maging nega kahit hindi p'wedeng mag-endoso.)
Ngunit di tulad ng ilang insecure at immature na botante, hindi ko nakikita na may perpektong kandidato. At hinding-hindi ko pa maisip na dahil lamang nakapili na ang isang tao ng iboboto, samakatuwid lahat ng pumupuna sa kandidato niya ay masasamang tao na dapat kuyugin.
Puksain ang mga abusante
Sa kabilang banda, huwag matuwa ang mga kumuyog sa akin dahil napansin ko pala ang mga 'sinulat ninyo. Alam ko naman ang damdamin ng mga mapang-api – masaya sila kapag nasaktan ang tampulan ng kanilang panlalait. Paumanhin po, pero wa epek po sa akin ang mga sinulat ninyo.
Di tulad ninyo, hindi ako takot sa pambabatikos. Hindi ako tinatamaan, hindi nawiwindang. Kaya’t binabasa ko sa abot ng makakaya ang mga reaksyon. Ngunit di tulad ng mga haters, alam ko ang pagkakaiba ng lehitimong pagtatalo at ng pambabastos. Natututo ako sa mga lehitimong pagtatalo, kaya’t binabasa ko ang comments. Ibinabasura ko lang ang mga banta at panlalait.
Ang ganitong attitude ay mabilis kong natutunan nang nagsimula akong magsulat. Kasama ito sa buhay ng isang manunulat – 'yung tanggapin ang panlalait ng mga walang pinag-aralan at desperado.
At kung ako lang naman ang nakaranas ng ganito, hindi ko na isusulat ang artikulong ito. Nguni’t maraming ibang naapektuhan.
Naapektuhan ang mga tulad ni Gab Valenciano na magalang ding nagpahayag ng kanyang puna tungkol kay Mayor Duterte. Kinuyog, minura, tumanggap ng death threats. At dahil wala siguro silang maipintas sa pisikal na pagkatao nito, ang pamilya niya ang tinira.
Dahil nahuli ang kandidatura ni Digong, siya ang naging pokus ng mga reaksyon, positibo man o negatibo. Kaya’t itong mga nakaraang linggo ang mga kritikal kay Digong ang inatake at binastos.
Ayon sa mga kaibigan, ang ilang attacker ay hindi ordinaryong mamamayan kundi mga empleyado ng mga PR ng mga kandidato. Kung totoo ito, mahiya ang mga kandidato at PR nila dahil sinasakyan nila ang kamangmangan at masamang kaparaanan ng ilang kababayan. Kung PR ka man at ito ang trabaho mo, umalis ka na riyan. Ang tanging lusot mo upang ipagpatuloy ang karumaldumal mong trabaho ay 'yung magugutom ka o ang pamilya mo. Kung hindi naman, nakakahiya 'yang hanapbuhay mo.
Ito ang isa pang problema sa estilo ni Duterte. Sa lahat ng kandidato, siya ang nagbibigay-inspirasyon sa barumbadong pamamaraan ng pakikipagtalo.
At kung madali kong palampasin ang mga nambabastos sa akin, nag-iinit ang ulo ko sa mga umaabuso sa ibang tao. Pasensya na, Gab Valenciano at iba pa, alam ko namang kaya 'nyo ang sarili niyo, kaya lang Pilipino akong tunay, ayoko ng abusado.
Demokratikong talakayan
Ang masakit, hindi naman 'yung mga nakakalamang sa pribilehiyo at edukasyon ang mas malulugi sa sitwasyong ito. Ang higit na malulugi ay 'yung mga mangmang na dahil hindi nakapag-aral, hindi natuto ng tamang paraan ng pakikipagpalitan ng kaisipan at tuloy ay nanlalait na lamang upang ipahayag ang kanilang di pagsang-ayon.
Ang isa sa pinakamahalagang natutunan sa paaralan, kung magaling ang mga guro, ay ang tamang pag-iisip, tamang paraan ng pagiging kritikal, tamang paraan ng pagdedebate. Ang isa sa pinakamahalagang sangkap ng demokrasya ay ang malayang tagisan ng magkakasalungat na opinyon.
Opinyon. Iba sa panlalait at pagbabanta. Pansinin na sa mga ehemplo ng mga Miriam at Duterte supporters, ang naging isyu ay 'yun tungkol sa pagkatao ng nagsalita, hindi ang isyu ng kalusugan ni Miriam o ang pagkapasista ni Duterte. Bakit kaya hindi nila kayang sagutin 'yung isyu?
Heto ang tip ko: kapag ang tinira ay ang pagkatao ng may opinyon sa halip na talakayin ang isyung itinampok, sigurado 'yang hindi kasi masagot 'yung isyu. Ipagpalagay 'nyo nang tama ang puna.
Heto pa ang tip ko: walang lugar sa isang demokrasya ang poot at galit dahil nagkakaiba tayo ng opinyon. Ang sinumang kandidato na kukunsinti ng ganitong klaseng diskusyon ay di karapat-dapat na lider.
Heto pa ang makataong sagot ko sa lahat ng nanlalait para sa mga kandidato: matuto ng tamang paraan. Kung insecure ka na may kakulangan ka sa debate, huwag pa rin matuksong magmura o manlait na lamang. Lumahok at magbigay ng opinyon nang mahinahon at magalang. Harapin ang isyu. Kung mali ka at tuluyang mabuko, hindi ito kahihiyan.
Lahat ng taong naghahangad matuto ay nangangahas at, samakatuwid, nagkakamali. Nguni’t ito ang paraan mong matuto, ang paraan mong maging mabuting mamamayan sino pa man ang napili mong kandidato. At sa lahat ng pagkakataon wala namang tao na tama na lang palagi. Kung bukas-puso kang lumahok sa pambansang talakayan, mabilis mo ring matutunan ang ilang mahalagang kakayanan na makabubuti sa buhay mo mismo – ang maghanap ng datos na mapagkakatiwalaan, ang makita kung alin ang kaisipang hinugot sa lohika at hindi sa haka-haka, ang maging mahinahon sa harap ng pagkakaiba ng paniniwala.
Ang pagpili ng ating lider, lalo na ng presidente, ay hindi parang pagpili ng koponan sa basketball. Hindi nakakatulong ang panatisismo na parang namimili ka ng celebrity idol. Lahat ng kandidato – LAHAT – ay may pagkukulang at kagalingan. Sa panahon po ng kampanya, sama-sama po tayong magsuri. Makinig tayo sa bawat isa. Ano naman kung makumbinse ang karamihan (pati na ikaw) na may pagkukulang ang kandidato mo? Ang kailangan natin ay hindi isang perpektong kandidato kundi isang kandidatong lamang ang mga positibong katangian sa mga pagkukulang. Masusukat lang ang mga kandidato sa pamamagitan ng magalang, bukas, malaya, at walang-takot na tagisan. Sa ganitong paraan lang tayo makakabuo ng tamang desisyon.
Batid ng karamihan kung gaano kabulok ang sistemang politikal ng bayan. Batid nating lahat na kung wawakasan natin ang kahirapan, kailangan ng reporma rito. Hindi natin dapat iasa sa kahit sinong lider ang ating kaunlaran. Kaya’t tayo, hindi sila, ang dapat maging halimbawa ng tamang paraan sa pulitika. Aayos silang lahat kung aayos tayo.
Kaya sa susunod na may mapansin kayong asal-panatiko, atakeng personal, panlalait, pagmumura, at pagbabanta, 'yun ang punahin ninyo kahit pareho pa man kayo ng kandidato. Sabihin ninyo sa kanya na dahil sa asal niya, baka makumbinse kayo na iba na lang ang iboto. – Rappler.com