Madalas mong maririnig ito sa mga naghihirap na nagsusumikap: "Magtatapos ako ng pag-aaral upang makaangat sa hirap." Sa Pinoy, edukasyon ang solusyon – ito ang great equalizer. Hindi baleng mahirap ka basta magkadiploma, tama?
Ang sagot diyan ay depende. Depende sa kalidad ng edukasyong natamo mo.
‘Yan ang tumingkad sa nakapanlulumong gradong nakamit ng Pilipinas sa Programme for International Student Assessment o PISA. Pang-79 ang bansa sa pagbabasa. Mababa rin ang score ng bansa sa math at science: pang-78. Sa katunayan, kulelat tayo sa listahan.
Pasang-awa. Maaaring sisihin dito ang kulturang pasang-awa na kung saan pinalulusot ang mga bumabagsak at nakakaakyat sa susunod na antas. Nagkaroon tuloy ng ibang kahulugan ang "No Filipino Child Left Behind." Ang mas mahalagang tanong: bakit sila bumagsak, in the first place? At bakit umiral ang mentalidad na ito sa mga guro?
Ma'am, pabili ng longganisa. At napag-uusapan din lang ang mga guro, kakaunti ang gustong maging titser dahil na rin sa reputasyon ng mga guro na kayod-kabayo, abonado pa sa mga school supplies, at higit sa lahat, naghihikahos kaya't nagtitinda na rin ng tocino at longganisa. Sa harap nito at ang nauusong "teacher-shaming," paano gaganahan ang mga high school graduates na kumuha ng kurso sa edukasyon?
Gulong ng buhay. Ayon din sa internasyonal na organisasyon, malakas daw ang kaugnayan ng pang-ekonomikong status ng mag-aaral sa husay n'ya sa eskwelahan. Mas mahirap ka, mas malamang na mababa ang reading scores mo.
At dito pumapasok ang vicious cycle ng buhay-mahirap: kung mahirap ka, lalong kumikitid ang hagdan ng pag-angat mo sa lipunan.
Mas mahirap ka, mas mailap ang makabuluhang edukasyong magbibigay sa iyo ng kakayanang magsuri at maglagom.
Eto ang trahedya ng lipunan natin: nananatiling mahirap ang mahirap at nananatiling mayaman ang mayaman – at pangunahin ang papel ng palpak na edukasyon sa pagpapanatili ng mga bitak nito.
Bulnerable sa mind control. Ayon sa pandaigdigang pag-aaral, hirap magsuri ang 1/10 ng mga estudyante sa buong mundo, edad 15 anyos, ng fact (bagay o pangyayari na kinikilálang totoo) o opinyon.
Dito pumapasok naman ang papel ng maling edukasyon sa pagkalat ng disinformation. Hindi lalaganap ang pekeng balita kung mapanuri tayo bilang isang pamayanan. Mawawalan ng pangil ang mga ulupong sa internet kung hindi tayo kapos sa dunong at kumakagat sa nilasong mansanas.
Pero mabalik tayo sa isang salita: kalidad.
Budget cuts. Makikita sa PISA na magkakabit ang bituka ng matataas na reading scores sa budget spending sa edukasyon.
Totoong pinakamalaking bahagi ng badyet nitong 2019 ay napunta pa rin sa edukasyon – pero nakatikim din and Department of Education ng matitinding budget cuts sa Basic Education Facilities Fund.
Malaki nga ang badget, mukhang hindi pa rin ito sapat upang makapaghatid ng kalidad na edukasyon na "world-class." Dahil napakataas ng enrollment rates at napakababa ng proficiency ng mga mag-aaral.
Pero isang dimensyon lang 'yan ng problema, wala pa riyan ang out-of-school youth. Ayon na mismo sa Multidimensional Poverty Index ng Philippine Statistics Authority, 5 sa 10 pamilya ay walang access sa batayang edukasyon.
Kung tutuusin, band-aid lang ang badyet, kumpara sa nagnanaknak na sugat sa edukasyon. Kaya't humihingi ang departamento ng P30 bilyong increase sa 2020.
Nadagdagan man ang taon ng pag-aaral dahil sa K-12, hindi pa nakakahabol ang kalidad ng mga pumapasok ng kolehiyo. Ayon sa inisyal na feedback ng mga guro, mas mature nga raw ang mga estudyante sa pangkalahatan, pero kapos pa rin sa mga paksang dapat ay natutunan na nila sa K-12.
Isa rin sa napag-alaman ng PISA ay ito: tanging 31% lamang ng Pinoy na estudyante na edad kinse anyos ang may growth mindset– o may paniniwalang uunlad sila sa pag-aaral at pagsusumikap. (Bilang reference, ang growth mindset sa bansang nasa ilalim ng Organisation for Economic Cooperation and Development o OECD ay 63%.)
Nagtataka pa ba tayo? Habang bukambibig ang "sipag at tiyaga" at "magsumikap ka," hungkag na ito para sa maraming nagsikap at walang pinatunguhan dahil na rin sa ampaw ang kanilang edukasyon. Idagdag pa diyan ang bias ng mga kumpanya sa pag-eempleyo ng mga gradweyt ng mga premyadong institusyon tulad ng Ateneo, La Salle , UP, UST atbp.
May mga nagsasabing sa kabila ng nakalulunos na grado, unang hakbang ang pagsali ng Pilipinas sa PISA upang magkaroon ng baseline – at sa kasong ito, gulpe de gulat.
Isa lamang rebolusyon sa sistemang edukasyon ang maghahatid ng isang turnaround dito. Pero may maaasahan ba tayong pagbabago kung lumolobo ang badyet para sa intelligence at Opisina ng Pangulo, at natatapyasan pa ang pondo ng edukasyon?
Inuna pa nga natin ang P50 milyong kalderong pang-display sa SEA games kaysa sa 50 silid-aralan, di ba?
Sa bandang huli, sintomas lang ito ng baluktot na prayoridad ng mga pinuno, magmula kay Corazon Aquino, hanggang kay Rodrigo Duterte. At ang kabataan – ang kinabukasan ng bayan – ang ating ipinagkanulo. – Rappler.com