Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Tara, tong-its!

$
0
0

 Hindi ko alam kung may interesado pang magbasa at umunawa o mag-comprehend (pun intended), pero may sasabihin pa akong baka may kinalaman sa Organisation for Economic Co-operation and Development at sa kanilang Programme for International Student Assessment noong 2018. More specifically, tayo raw ang pinakamababa sa reading comprehension sa 79 bansang kasama sa survey. 

Rumagasa ang puna at pintas sa sistema ng edukasyon dito sa atin, na, may malaking tsansa, sinabi nang hindi muna binasa nang maayos, if at all, ang resulta ng assessment. Only shows – hello! – legit na legit na tayo nga ang pinakamababa sa reading comprehension.

Samantala, nagpalabas ng statement ang Department of Education hinggil sa resulta ng assessment na ito. Oo nga naman, it must start somewhere, gaano man kasakit ang pagsisimulang ito. At least, on a more positive note, mukhang wala nang ibababa pa. Sagad na sagad na sa ibaba, wika nga. Nowhere to go but up.

Bueno, iiwanan ko sa reading experts ng bansang ito kung paano ida-dissect ang sitwasyon, at kung ano-anong makaagham na interbensiyon pa ang magagawa para mapagbasa ang bansa, huwag nang isama ang maging magaling sa matematika at agham.  

Gusto ko lang isalaysay ito: tong-its. Larong baraha, sugal sa marami. At sa kahit anong dinideskartehang sugal, kailangan ang mathematical acumen. Huwag ’nyo muna akong i-judge. Ganito lang muna kasi kakitid ang nakikita ko para mailapat ang pagbabasa sa domain ng kahit anong macro skills.

Alam ’nyo kasi, may lihim na teknik ako sa pagbabasa at galing sa pagkukuwenta. Kasi bago ako naging marangal (nakakakilabot, sa totoo lang, na tawagin ko ang sariling marangal, pero tinatamad na akong mag-isip ng ibang adjective) na guro sa kolehiyo at graduate school sa isang matandang unibersidad, bago pa ako maging mag-aaral ng edukasyon sa Pamantasang Normal ng Pilipinas, at bago pa ako mag-aral ng high school sa dating Valenzuela Municipal High School, sugarol muna ako. Again, huwag ’nyo muna akong i-judge.

Sa ilang pagkakataong maimbitahan kasi ako para magsalita sa mga guro, dahil nga panitikan ang itinuturo ko, lagi nang may pahapyaw na mga tanong: Paano ko raw ba nagawang maging mahilig sa pagbabasa ang mga anak ko? O paano ko raw napagbabasa ang mag-aaral kong hindi palabasa nang hindi tinatakot na babagsak sila? O paano ko raw ginagawang kawili-wili ang pagbabasa? Or variations thereof. 

Simple lang ang karaniwan kong tugon: “Tara, tong-its.” Magtatawanan, natural, ang audience kapag narinig akong sabihin itong “Tara, tong-its.” Hindi yata nila inaasahan mula sa mga taong may elaborate academic suffixes ang magyayang magtong-its sa kaniyang audience.    

For the uninitiated, na alam kong kakaunti lang bagamat nahihiyang aminin, ang tong-its ay card game na, sa pagkakaalam ko, inimbento ng Pinoy. Kung sino man iyong nakatuklas, salamat, dapat kang kilalanin at bigyan ng parangal.  

Ideally, pantatluhang players ang tong-its. Pero may nakita ako at nilabanang pang-apatan noon. Pero mas buo ang diskarte kapag tatluhang players. Mas maraming bubunuting cards, mas maraming on-hand na baraha. Mas maraming base sa probability kung ano ang barahang hawak ng kalaban o kung ano pa ang barahang hindi nabubunot. 

Gaya ng ibang sugal tulad ng poker, may bluff din ang tong-its. Puwede mong hamunin ang kalaban mo – to a certain price point o money pot, depende sa dami ng pera o lakas ng loob ng player – para ipakita niya ang kaniyang baraha at magbilangan kayo ng value ng kartada. Pababaan ng value. Basta, komplikado. Alam na ito ng marunong magtong-its.

Samantala, kung hindi ka marunong, huwag mag-alala, basta marunong ka ng kahit anong sugal, may malalim na diskarte man gaya ng pusoy o tong-its, o walang masyadong intervention ng bluff o odd-stacking gaya ng bingo o cara y cruz (ang diskarte lang namang nakikita ko sa bingo at cara y cruz ay kung tataya ka pa ba o hindi na, kung susugal ka nang malaki o hindi, maliban doon, hindi ko na alam), alam mo ang tinutukoy ko. 

At ang tinutukoy ko ay ang pagsagot ko ng “Tara, tong-its.” Magtatawanan sila. Naghihintay yata ang audience na magsabi ako ng mga lihim na teknik ng mga lihim na kanluraning propesor na isinulat sa lihim na aklat na madalas i-quote sa thesis o sa mga academic practice tulad ng kumperensiya o seminar.

Pagkasabi ko ng “Tara, tong-its,” hihiritan ko pa: “Sino sa inyo ang marunong maglaro ng tong-its?” Bihira ang magtataas ng kamay na para bang nakaririmarim na sakit ang ibig sabihin ng pag-amin na nagtotong-its sila. Reluctant sa simula, but, upon serious prodding, marami nang magtataas ng kamay. Wala na ang stigma ng “Yuck, titser na marunong magtong-its, yuck. Napaka-pedestrian na sugal.” 

Itatanong ko sa mga nagtaas: Anong subject at anong grade o anong year level sa high school itinuro ang tong-its kaya nila natutuhan? Natural wala. Pero natuto sila. 

Ganito kasi. Bata pa lang, natuto na akong maglaro ng baraha. Mga kaibigan ko ang nagturo sa akin. Pero ang napansin ko ay ang isang mas nakababatang kalaro at kaibigan. Kalaro namin ang kaniyang tatay. Marathon tong-its. High school ako. At kailangang tumayo ng tatay para umuwi muna sandali. Nagkataong nanonood ang bunsong anak na, kapapanood sa paglalaro ng ama, natuto.  

Pinalaro ng tong-its ang anak. Siya raw muna ang substitute sa umuwi sandaling ama. Kalaban pa rin kami. Nanalo ang bata. Magaling dumiskarte kahit na elementary pa lang. Pagdating ng ama, natuwa sa nakitang panalo dahil nagdagdagan ang perang iniwan. Noong sandaling iyon hindi na umupo pa ang ama sa harapan. Nanood na lang sa “gifted” na anak. Mula noon, ang anak na ang kalaban namin sa tong-its. Gumaling nang husto sa kahit anong card games. Nakilala sa lugar namin. Hindi siya nakatapos ng high school. Hindi raw niya kailangan. Politiko na siya ngayon sa aming barangay. Manager din ng isang planta sa Bulacan. May sariling bahay at sasakjyan. May PhD naman ako. Pero namamahalan sa galunggong. 

Bagamat naniniwala akong nakuha ko ang mathematical acumen ko sa sugal, hindi ko tinuruang magtong-its ang anak ko. Wala pa kasing tsansa. Ang gusto ko lang namang ipunto, gaya ng pagbabasa, kapag nakikita ng anak na nawiwili ang magulang at kapitbahayan sa isang soft skill developing hobby gaya ng tong-its, naks, madali itong matututuhan ng bata. 

Nakita ko sa nanay ko, na Grade 6 lang ang natapos, ang pagkahumaling sa Liwayway at komiks. Tuwing alas-tres ng hapon, humihinto siya sa pananahi para magbasa kami ng komiks. Wala siyang sinasabing kailangan kong magbasa para maintindihan ang kasawian ko sa buhay o para mapataas ang resulta ng metrics ng kung anong assessment agency sa tabi-tabi, pero damang-dama ko sa kaniya ang saya kapag nagbubuklat na ng Liwayway at mangilan-ngilang aklat sa bahay. Kung sakit ito, nahawa na ako. At hindi na nawala ang sakit na ito mula pa noon.

Sinasabi ko rin sa mga nagtatanong kung paano ko napagbasa ang mga anak ko. Simple lang. Nagbabasa ako sa lugar na makikita nila. Noong dadalawang taong gulang ang panganay ko, inaasar niya ako lagi, inaagaw ang kahit anong binabasa ko. Naghahamong maglaro. Kunwari, makikipag-agawan ako. Maiinis ako kunwari. Matutuwa siya. Gusto kong ipakitang mahalaga sa akin ang librong inagaw niya, gusto kong ipakitang mahalaga sa akin ang magbasa.  

Nakakalat ang mga aklat sa bahay. Partly, justifcation ko rin na tamad akong magligpit. Conspicuously placed ang mga aklat. Sinasadya kong makita ng mga bata. Hanggang gayahin nila kaming mag-asawang mahilig magbuklat at magbasa. Natuklasan din ng mga anak ko ang lugod ng pagbabasa nang hindi ko pinipilit. Iyan ang mahirap ituro, ang paghahanap at pagtuklas sa lugod ng pagbabasa. 

Minsan, aminin natin, ang mismong guro ang hindi makatagpo sa lugod. Kaya kapag nagtuturo ako sa magiging guro balang araw, mas madiin ang bilin kong hanapin ang lugod sa pagbabasa higit sa teorya, hanapin ang kasiyahan at gawing kawili-wili at natural.  

Kaya nga kapag naiimbita ako ng mga guro sa mga kumperensiya at seminar, sa huli, ibinibilin kong sila muna ang dapat malugod sa pagbabasa, sila muna ang dapat masiyahan bago ang kanilang mag-aaral. Dahil hindi kayang isalin kahit ng pinakamasinop na learning plan at daily lesson log at lihim na teknik ng mga kanluraning paham ang lugod at kawilihang dulot ng pagbabasang kasama ang pamilya at pamayanan. Maganda yatang dito natin simulan. – Rappler.com 

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, research, at seminar in new media sa Departamento ng Literatura at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas, research fellow din si Joselito D. delos Reyes, PhD, sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Siya ang coordinator ng AB Creative Writing Program ng Unibersidad ng Santo Tomas. 

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>