Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Ahhhrt, ‘tohl!

$
0
0

 

 Noong isang araw, dumayo ako sa isang gallery dito sa Lucban, Quezon. Opening kasi ng exhibit. Mula sa bahay namin sa linang o sa labas ng sentro ng bayan, pumara ako ng tricycle, sinabi ko sa tsuper, ihatid ako sa may pandayan, tunay na pandayan, dahil naroon, katabi ng tunay na pandayan, ang Project Space Pilipinas (PSP), ang gallery na itinataguyod ng pintor na si Leslie de Chavez. 

Gaya siguro ng maraming lugar sa lalawigan, mas kilala ng marami ang landmark higit sa mismong kalye kung saan ito nakatayo, higit kaysa GPS coordinates, higit kaysa programmable destination sa Waze at Google. Dito sa Lucban, mas kilala ang tindahan ni aling ano, o barberya ni mang ganyan, o kainan sa ganoon, o bilyaran sa tapat ni ganito, kaysa sasabihin mo ang exact address. Katunayan, maraming landmark sa Lucban ang hindi na nag-e-exist, at least physically, pero buo pa rin sa mga tagaroon ang pagkakakilanlan bilang point of reference kung saan ka nakatira o kung saan ka patungo. Classic example ang Gamzat, arkilahan ito ng Betamax at VHS noong dekada otsenta at nobenta. Malaon nang nawala dito sa Lucban ang silbi ng establisimyento sa bayan – nawala pati mismong teknolohiya ng VHS at industriya ng tape at CD rental at ng VHS rewinder na mukhang maliit na kotseng umiilaw – pero kapag sasakay ako sa traysikel para magpahatid sa bahay namin, Gamzat pa rin. Alam yata ng kahit sinong Lucbanin ang Gamzat. Oo, kahit na ng mga hindi na inabutan ang mismong Gamzat. 

Hindi ako marahil maihahatid ng tricycle kung sasabihin ko ang Project Space Pilipinas sa tsuper, o kung sasabihin kong sa gallery ni Leslie. Pero nang sabihin kong ihatid ako sa Pandayan ni Mang Valentin, larga. Wala nang ibang detalye pa dahil katabi ng dating pandayan ang gallery. 

Biro ko kay Leslie noong gabing iyon, kapag alam na ng mga tsuper ng tricycle sa buong Lucban at mga jeepney driver na biyaheng Sta Cruz-Lucena at Majayjay-Lucban ang PSP, made na, tagumpay na. At palagay ko, malapit na itong mangyari. 

Project Space Pilipinas IN Lucban, Quezon. Photo courtesy of PSP

Ayon kay Leslie, ang idea ng PSP bilang gallery at artist residency platform para sa emerging artists ay nagsimula noong siya ay nag-artist residency sa South Korea 2005-2006. Sinimulan niya kasama ang iba pang artist sa Asya ang idea na tinawag nilang NEAR o Neo-Emerging Artist Residency na parang magiging satellite residency program. Nagkaroon daw ng NEAR Manila, NEAR Dangsan Korea, NEAR Bangkok, NEAR Melaka Malaysia, at NEAR Jogjakarta sa Indonesia. Ang natuloy at tumagal lang ay ang NEAR Manila, ang ugat ng PSP ngayon, at ang sa Dangsan, South Korea. Kaya kung tutuusin, 2007 pa lang, may germination na ang PSP, sa Maynila nga lang.  

Pahayag pa ni Leslie, kasama raw sa idea sa pagbuo ng PSP ang magbigay ng “enough na resources, espasyo, at panahon to develop not only your craft, ideas, practice but also network/connection sa artistic at local community.”

Sa pagkakaalam ni Leslie, noong 2006 kung kailan siya bumalik mula sa South Korea, “walang nag-o-offer ng residency program sa Manila,” bagamat sa pagkakaalam din niya, may ilang nauna pero hindi na-sustain sa katagalan ang pagkakaroon ng artist residency platforms. Dagdag pa ni Leslie, ang PSP ay “designed as a platform to modestly provide an opportunity for emerging artists to improve their crafts, connections, and find opportunities for collaboration with other artists and arts professionals in and outside Manila. Springboard kumbaga, to further the reach ng mga artists, technically at conceptually, through exchange, discourse, workshops, and exhibitions here and abroad.” 

Kung gayong nagsimula sa Maynila noong 2006 (well, hindi naman sa Maynila talaga, sa Mandaluyong), noon namang 2012, inilipat ni Leslie ang PSP sa Lucban, Quezon. Kasabay ng paglipat ang pagbabago din ng direksiyon ng PSP: “Nag-evolve at na-redesign ang programs into development ng local audience at yung engagement sa local community at local artistic community.”

Kritikal na sipat pa ni Leslie hinggil sa “pag-uwi” niya sa bayan niya: “Of course, malinaw na sa akin, even then, na isa sa mahalagang magiging contribution [ng paglipat ng PSP] ay ang pag-decentralize ng Manila-centric art.” At art scene na rin sa kabuuan, siyempre.  

Project Space Pilipinas IN Lucban, Quezon. Photo courtesy of PSP

Dagdag pa ng artist at the helm of PSP: “This will be a very long haul, dahil compared to Manila, mas relaxed or late ang development ng contemporary art sa Lucban. So ang idea is grassroot, on the ground engagement. Walang pangakong pagsikat or pagyaman, kundi pagpapaunlad ng kaalaman at kabuluhan ng sining. Hangga’t maaari, ang community ang unang mag-e-enjoy at magbe-benefit sa mga programa ng PSP.”  

Kaya naman nakatutuwa ang mga exhibit sa PSP. Hindi dahil sa kalidad ng mga ini-exhibit, though talaga namang malulupit ang bawat “salang” (“SaLang” being the exhibition series ng gallery featuring artists buhat sa kung saan-saang lupalop ng bansa) kung hindi dahil sa mga pumupunta para tangkilikin ang sining. Motley crowd. And when I say motley crowd, hindi iyong kasama ko dating pumunta sa isang art fair sa isang mall sa swanky BGC recently: academics, collectors, fellow artists, laos na aktor, mga high-end na pintor, na ni katiting na anino ng pinta at talsik ng tinta sa dingding ay hindi magkakaroon ni sa guni-guni ang karaniwang lower, middle, o upper middle-class na obrero.

Community engagement ang nasa sentro ng bawat pagtatanghal at palabas ng PSP. Gaya na nga ng “SaLang,” na idinisenyo “para maging accessible sa local audience yung diverse forms, articulations, ideas, and practices ng mga artists. And to make the audience understand na hindi natatapos ang art sa painting lamang ng mga palayan at bukirin o ng malalaking rebulto ni Rizal at ng mga santo sa simbahan.” Ilan sa mga naisalang na sa “SaLang” ay sina Christopher Zamora, Eric Zamuco, Poklong Anading, Karl Castro, Gregory Halili, Geraldine Javier, Lyra Garcellano, Mark Salvatus, Father Jason Dy, David Medalla & Adam Nankervis (aka Mondrian Fan Club), Dansoy Coquilla, Mike Adrao, Tristram Miravalles, Paul Eric Roca, Marc Cosico, Kiri Dalena. 

Kaya bagamat bago sa konsepto ng sining ang audience, dahan-dahang ipinakikilala ng PSP ang “intimate encounter sa art.” Inilarawan ni Leslie ang pagpaparanas bilang “pagpapaunlad ng visual literacy” sa Lucban at sa malalapit na siyudad gaya ng Tayabas at Lucena.  

Project Space Pilipinas IN Lucban, Quezon. Photo courtesy of PSP

Samantala, maaasahan naman ang lalong masidhing community engagement ng PSP para bumukas ang isip ng lipunan, at least ng Lucban at kanugnog na bayan sa, ayon nga kay Leslie, “usapin ng art, ng forms, ng ideas, at ng pamamaraan ng pag-explore at articulations nito. Na yung artistic side at creativity natin ay malaki ang kinalaman sa strength ng komunidad pagdating sa pagresolba sa mga pang araw-araw nating problema at krisis sa buhay.” Wala nang mas sagely pang pahayag.  

Kaya nga noong malamig na gabing iyon, sinuong ng motley crowd ang PSP. Ang motley crowd na tinutukoy ko kagabi ay mga school children na napadaan dahil naglalaro sa kalsada, tapos biglang umulan; o mga batang mangangaroling sana pero, dahil umulan, nakisilong muna sa gallery; mga nanay na inimbitahan ni kumare; mga lolo’t lola na sinadya ang PSP dahil may bagong konsepto ng sining ang nakatanghal – yes, may mga suking lola talagang, ayon kay Leslie, laging pumupunta. May mga artist din siyempre, may mga titser, and, as far as I know, may academic (ako, nagpapanggap, o pinipilit). May mga galing din sa Lucena who braved the chilly afternoon commute at chillier night trip pabalik.

Walang art collector na pulitiko o may-ari ng mga mall, walang naka-barong tagalog o coat noong gabing iyon. Pero dahil maginaw sa Lucban, puwede naman talagang mag-coat. Wala ring booth na may libreng glossy catalogue. Walang maka-nasal hemorrhage (also known as nosebleed sa mga na-nosebleed sa nasal hemorrhage euphemism) na teorya about art and aesthetics and politics and religion and cultural studies and everything in between na -isms na karaniwang talakayan kapag nasa inaagiw na gallery sa akademya ang exhibit. Walang matataas na kristal na kopitang binabalungan ng red wine na mabibili lang sa Rustan’s. Ang meron lang ay pansit Lucban, suman, sinukmani, budin. Lahat ay kinain, habhab style, habang nakaupo sa isang mahabang bangko sa gitna ng gallery (well, sige na nga, napilitan lang akong tumikin). May beer din pala. Ang saya!

Direktang matatanong ng mga bata ang pintor hinggil sa proseso ng pagbuo ng obra, puwedeng tanungin si Leslie kung bakit “kahawig/kahalintulad” ang pamagat ng group exhibit. Sagutin ko na: bersiyon ng self-portrait ang “kahawig,” representasyon naman ng sarili ang “kahalintulad” segment ng bawat diptych o dalawang magkaugnay na pinta ng bawat artist. Kewl.

Project Space Pilipinas IN Lucban, Quezon. Photo courtesy of PSP

Nakilala ko ang ibang pintor na, true to the motley crowd representation, karamihan ay hindi graduate ng nangungunang fine arts school sa bansa, karamihan ay hindi eccentric na artist: may magsasaka, may tambay (well, maraming tambay pero, hindi ba, ang buhay ay isang mahaba-habang pagtambay talaga?), may dati at kasalukuyang OFW sa Italy, may estudyante. May graduate din siyempre sa mga nangungunang fine arts school sa bansa. Thank heavens, walang laos na artistang nagdo-drawing ng kung ano-ano. 

Inabot din ako ng malalim-lalim sa gabi. Kung hindi nga lang ako pagod dahil sa walong oras na biyahe noong araw na iyon mula Maynila hanggang Gamzat hanggang sa tabi ng Pandayan ni Mang Valentin, mas lalo sana akong gagabihin.

Tatagal ang exhibit hanggang January 11, 2020. Sa mga pupunta, bring your own lambanog o gin. Libre ang entrance, basta makipag-ugnayan sa Project Space Pilipinas. – Rappler.com   

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, research, at seminar in new media sa Departamento ng Literatura at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas, research fellow din si Joselito D. delos Reyes, PhD, sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Siya ang coordinator ng AB Creative Writing Program ng UST.

 

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>