Sa adhikaing mabawasan ang lumalalang problema sa basura, ipinatutupad ng gobyerno ang “No Plastic Policy.” Sa ilalim ng bagong batas na Single-Use Plastic Regulation and Management Act of 2019, obligado ang iba’t ibang establisimyento na huwag gumamit ng single-use plastic. Layunin ng ating gobyerno na wakasan ang problema sa basura sa loob ng 3 taon.
Sa aking rehiyon sa Mimaropa, ipinagbawal ng Regional Development Council ang paggamit ng mga single-use plastic, styrofoam, at iba pang basurang nakasisira sa ating kapaligiran. (READ: Plastic trash threatens dugong survival in Palawan)
Agaran ang aksiyon ng mga mamamayan at lokal na pamahalaan – kanikaniyang istilo ang mga siyudad, bayan, barangay, at maging mga paaralan. (READ: Philippine city shows zero waste is achievable)
Isa sa mga kaparaanang nakikita ko ay ang paggamit ng biodegradable plastic, paper bags, at eco-bags tuwing namimili ako sa palengke. Nakatutuwa ring makita ang pagbubukod ng iba't ibang klase ng basura gamit ang Materials Recovery Facility (MRF) sa bawat barangay at maging sa mga paaralan.
Idagdag pa natin ang reinforcement na ginagawa ng Department of Environment and Natural Resources, na pinagmumulta ang business establishments na lalabag sa nasabing polisiya: hindi lalagpas sa P100,000 sa unang offense, P250,000 sa ikalawa, at P500,000 sa ikatlong offense. Mayroon ding nakalaang multa para sa mga residenteng mahuhuling nagtatapon ng plastic sa mga pampublikong lugar.
Aminin man natin o hindi, sa matagal na pagpapatupad ng nasabing polisiya, tila pakaunti na nang pakaunti ang mga mamamayang tumutupad nito.
Nakalulungkot na tayong nagrereklamo tungkol sa lumalalang basura ay siya ring nagpaplastikan sa implementasyon ng polisiyang makakalutas sana sa nasabing problema. Nakakakita pa rin tayo ng mga basurang lumulutang sa dagat, ng mga puno sa plastic, at kung anu-ano pang basura.
Para bang sa simula lamang natin ipinakikita ang suporta sa gobyerno kontra-basura. Ngunit sino ba naman ang isang tulad ko para magreklamo, samantalang sa siyudad tulad ng Maynila ay nababawasan na nga ang mga dating tila "palamuti" sa daan?
Pero paano naman iyong mga nasa maliliit na bayan? Tila ibinaon na lamang natin sa limot ang polisiyangito, tulad ng pagbabaon natin sa mga basurang nakatambak lamang sa ating mga tahanan. (READ: Getting to zero: Japan town trying to recycle all its waste)
Sabi sa akin ng isang eksperto, mahigit 1,000 taon bago tuluyang ma-decompose ang plastic na basura. Nakababahalang ang katiting na balat ng kendi, na hindi man lang itinapon sa tamang basurahan, ay matagal bago tuluyang mawala sa ating kapaligiran.
Marahil ay hindi lubos na nauunawaan ng marami kung paano maaapektuhan ang ating mga likas na yaman kung di susundin ang “No Plastic Policy.”
Hindi pa ako nakaka-move-on sa dating pagpapasara ng Boracay dahil sa basurang palutang-lutang sa mga nililiguan ng mga turista’t mamamayan. Sinundan ito ng "6-month elective closure" sa El Nido, na ipinagmamalaki namin sa aming bayan.
Isama pa natin ang mga buhay-ilang na namataang patay dahil sa mga basurang nakukuha sa kanilang katawan.
Walang ibang maaaring sisihin kundi tayo ring mga nakikinabang at gumagamit ng plastic at iba pang basura sa araw-araw. (READ: Negros Occidental school opens plastic-free canteen)
Huwag na nating dagdagan pa ang plastic sa ating kapaligiran. Iwasan na natin ang pagiging "plastic" pagdating sa polisiyang ito. Baka magulat na lamang tayo na balang araw ay ibabalik sa atin ni Inang Kalikasan ang lahat ng ating kapabayaan. (READ: LIST: Zero-waste initiatives in the Philippines) – Rappler.com
Si Keanu John A. Pelitro ay mula sa lalawigan ng Palawan. Isang Grade 12 student sa Science, Technology, Engineering and Mathematics track, siya ay editor in chief din ng kanilang pahayagang SILICA.