Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON | STAKEOUT] Wiretapping at iba pang pag-espiya

$
0
0

Una sa dalawang bahaging kolum.

Naisip ko, ganito ba talaga kabobo ang tingin sa ating mga Pinoy ng mga opisyal ng China at pati na ang ating Pangulo ay gustong harap-harapan pa na bilugin ang ulo o matagal nang nabilog?Nang alukin si Pangulong Rodrigo R. Duterte ng isang mataas na opisyal ng bansang China na bibigyan siya nito ng cellular phone na umano’y hindi maaring i-monitor, nanlaki ang mga mata ko at napabulong : “Lokohin mo lelong n’yo at ikuwento na lang 'yan sa pagong!”

Mabuti na lang at todo tanggi si Pangulong Duterte sa ibinibigay na cellular phone, dahil kundi, napipiho kong hanggang tenga ang ngisi ng mga opisyal ng China sa paglabas nito sa Palasyo ng Malacañang.  

Sa ganang akin kasi, kundi pambobola ay panlalamang na naman ito – dahil alam na alam kong sa modernong teknolohiya sa ngayon, napaka-imposible na magkaroon ng cellular phone na makaliligtas sa matinding “eavesdropping” o monitoring, lalo pa nga’t target ang gadget na ito, ng isang malawakang “espionage operations” ng intelligence community ng isang bansa.

Wiretapping

Mabigat ba sa mata at tenga n’yo ang sinabi ko? P’wes pagaanin natin, ganito kasi 'yan. 

Noong dekada 70 hanggang kalagitnaan ng dekada 80, ang tawag sa “monitoring” o pakikinig sa mga nag-uusap sa magkabilang linya ng landline telephone ay “wiretapping”. 

May ikinakabit (isinasabit) sa mga kable o “audio line” – na gustong mapakinggan ang nag-uusap – na aparato na kung tawagin ay “black box” at sa isang iglap ay ‘pwede nang mai-record at mapakinggan ang usapan sa naturang linya. Sa situwasyon na ganito – ang tawag sa linya ay naka-“wiretapped” na!

Nitong kalagitnaan ng dekada 80, ang pagre-record ay 'di na kailangan pang bantayan, dahil sa tulong ng isang voice activated tape recorder – na kusang umaandar para mag-record kapag may narinig na boses, at namamatay naman kapag tumahimik na ang linya – na ikinakabit sa “black box” na nakasabit naman sa kable ng teleponong subject ng “wiretapping” operations.

Ang “wiretapping” ay iligal – violation ito sa privacy ng indibidwal – kaya ang palusot ng mga kaibigan kong matitinik na operatibang pulis, basta 'wag lang pahuhuli habang ginagawa ito, kahit na upang kunan ng ebidensiya ang isang notorious na kriminal. Dahil sa oras na mahuli ka, tapos ang maliligayang araw mo bilang isang operatiba!

Mahirap itanggi ang katotohanan na matagal nang ginamit ito ng mga operatiba na kung tawagin ay “technical operatives” ng military, police, at maging ng mga pribadong “security and investigation agency” upang mangalap ng impormasyong makatutulong sa imbestigasyon ng kasong kanilang hinahawakan – ngunit hindi upang gawin itong ebidensiya sa korte.

Maaari namang maging ligal ang paggamit ng “wiretapping” ng mga operatiba – hihingi lang ng pahintulot sa husgado – subalit mas madalas na 'di nila ito ginagawa sa takot na mag-leak ang kanilang tinatrabaho at mabulilyaso lamang.

Mahabang paliwanagan kung bakit hindi ito maaaring gamitin na ebidensiya sa korte. Basta ang alam ko na madalas kong marinig sa mga kaibigan kong matitinik na abugadong imbestigador ay dahil sa “legal doctrine” na – “Fruits of the poisonous tree”.  

Ang isang kaso ng “wiretapping” na napatanyag dalawang dekada na ang nakararaan, ay ang “Hello Garci tapes,” na naging dahilan upang humingi ng paumanhin sa sambayanang Pilipino ang nakaupong pangulo noon na si Gloria Macapagal Arroyo.

Landline to cellular phones

Medyo nabawasan ang pagwa-wiretap nang maglabasan ang mga “analog cell phone” – ito ang first generation cellphone noong 1983 at tinawag itong AMPS (Advanced Mobile Phone) – dahil hindi na kailangan ang black box para i-monitor ito. 

Maliban na lamang kung ang nag-uusap ay nasa cellphone sa isang linya at landline naman sa kabilang linya – ganito sa palagay ko ang nangyari sa “Hello Garci tape” -- dahil pwede pa ring magsabit ng blackbox sa linya ng may landline, gaya nang ginawa ng operatibang umamin na siya ang nagsabit ng blackbox sa linya ng landline na tinawagan gamit ang cellphone mula sa Malacañang.  

Ngunit 'di naman ito nangangahulugan na ‘yung “analog cell phone” ay ‘di maaaring ma-monitor, pwedeng-pwede nguni’t di na nga lang “wiretapping” ang dapat itawag dito – wala naman kasing wire na sasabitan dito – bagkus ay “interception” na lang ito ng kung tawagin ay “audio signal” o mga tunog na gaya ng naririnig natin sa mga radio set sa bahay.

Kung pamilyar kayo sa tinatawag na VHF radio transceiver – yung gadget noon na kapag ginagamit ay madalas mong maririnig ang mga salitang 10-4 saka over-over – halos kapareho lang ito ng mga naglabasang cellphones noon. Pareho ang mga ito na namo-monitor gamit ang gadget na kung tawagin ay “scanner” dahil tumatakbo ang “audio waves” nito sa halos magkakadikit na “frequency band”. 

Yun lang, mas mataas ang “frequency band” ng mga cellphone kumpara sa mga VHF transceiver kaya’t mas malinaw pakinggan ang pag-uusap sa cellphones. Kung baga – parang paghahambing ito sa malinaw na audio ng FM radio kesa sa mga AM radio.

Analog to GSM

Ngunit naiba ang sistemang ito nang ang dating “analog communication gadgets” na mga madaling ma-monitor, ay napalitan ng bagong system na kung tawagin ay GSM - pinaikling salita ng “Groupe Spécial Mobile” na sa huli ay tinawag na “Global System for Mobile communications” o ang digital cell phone na mas kilala ngayon bilang mga smart phone. (Sundan ang huling yugto)  – Rappler.com

 

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>