Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Sampung panata ko sa birtwal na pakikipag-ugnayan sa kapwa

$
0
0

Unang panata. Kahit nagsisiklab sa galit o inis, isasaisip kong kapwa pa rin ang nasa kabilang dulo ng monitor na dumudutdot sa keyboard. Tao, hindi bot. Tao, kahit galawang troll. Troll na baka nagtratrabaho, nag-iipon ng pangmatrikula para makapag-aral at matuto, o naghuhulog ng bayad sa kabibiling smartphone o sapatos.

Ikalawang panata. Mas magiging sensitibo ako sa anumang komento. At mas magiging eksakto sa sasabihin. Lalo iyong laksa-laksa ang maaaring ibig sabihin o ipahiwatig. Dahil kung hindi, bakit pa? Bagamat minsan ginagawa ng marami sa ating kumpisalan, pedestal, eskaparate ng nakamit sa buhay, sa akin, platform pa rin ng pakipagtalastasan ang social media. Tandaang marami nang nasirang relasyon at buhay buhat nang bigyan natin ng maraming kahulugan sa text at pm ang sagot na “K.” lang. K?

Ikatlong panata. Dahil guro ako sa isip, sa salita, at sa gawa kaya guro ako hindi lang sa loob ng silid-aralan. Paninindigan ko ang pagiging guro hanggang social media. Magiging mabuting halimbawa ako. Hindi ako magshe-share ng fake news lalo’t may kinalaman ito sa usaping pambayan; dahil bawat usaping pambayan ay usaping pang-edukasyon din. Oo, pakaiingatan ko ang pagbuo ng status at pagshe-share kahit ng balita hinggil sa suspensyon ng klase kapag malakas ang ulan. Kailangan ng double o triple accuracy check. Kailangan ding mag semblance ng maayos na gramatika ang aking isusulat anumang wika, diyalekto, o sociolect ang gagamitin ko.

Ikaapat na panata. Higit sa pagpapakalat ng fake news, hindi ako magiging kasangkapan ng tahasang disimpormasyon saanmang panig ng social at political spectrum nagmumula ang panlilinlang na ito. Papanig ako sa katotohanan. Uungkatin ko ang katotohanan. Ito ang batayan ng aking pagpapahayag.

Ikalimang panata. Kaugnay ng ikaapat, pupunahin ko sa paraang konstruktibo at may pag-unawa ang sinumang kaibigan ko, lalo iyong mga kaibigan kahit sa labas ng salimuot ng social media at nakakaengkuwentro ko nang personal tuwina, na makikita kong nagshe-share ng fake news at disimpormasyon. Ipi-pm ko kaagad. Sasabihing may malaking tsansang fake news o disinformation ang nai-share. Emphasis on ”may malaking tsansa” dahil hindi ko naman gustong magtunog know-it-all lagi. Bagamat minsan, kailangan. Kaya mag-iiwan pa rin ako ng puwang para sa kaniyang discernment hinggil sa kawastuhan ng kaniyang status. Baka kasi mapahiya ang kaibigan ko, baka lalong panindigan ang kamangmangan. Tandaan, may mga taong mas pipiliing manatiling mangmang huwag lamang tahasang mapatunayang mali sila.

Ikaanim na panata. Dahil lagi kong pahahalagahan ang pagkatao ng sinumang magkakamali sa social media lalo iyong nasa thread ko kaya ie-engage ko sila nang mas malinaw, mas mahinahon, mas mauunawaan ng marami hanggang sa malinawan siyab hindi man niya deretsuhang aminin. Pambihira kasi ang umaamin ng kamalian at lalong pambihira ang humihingi ng paumanhin sa nagmamalaking mundo ng social media, lalo iyong well-followed influencer and propagator-of-disinformation kind. Kailangan ng matalinong engagement minsan hindi para sa taong sinasagot mo kung hindi para sa mga nakakabasa ng thread. Oo, masarap magbasa ng thread kung may talino ang palitan ng ideya.

Ikapitong panata. Kay daling makapanira ng pagkatao ng social media. Isang download o screen grab lang ang katapat. Kaya bawat sasabihin, itatanghal, pupunahin ay pagninilayan nang husto. Pag-iisipan. Para sa kapakinabangan ng nakararami. Hindi lamang pangsarili.

Ikawalong panata. Magtatapos sa akin ang anumang chain message. Por diyes porsyento namang buhay ito, ilang sandali na lang, 2020 na, tapos marami pa ring gustong iasa ang kapalaran sa mga chain message o digital-orakulong nagkalat sa social media. Hula ko, marami pa ring lalabas na manghuhula. At hula ko, marami pa ring mabibiktima ang naglipanang manghuhula.

Ikasiyam na panata. Kung may mainit na isyung kumakamkam ng atensyon sa newsfeed, lalo iyong kay daling magpalago ng hatred (tandaan sana nating matabang lupang kay daling tubuan at laguan ng pagkamuhi ang social media), gagawa ako ng paraan para mabasag ang monotony ng galit at pagkamuhi. Oo, alam kong mahirap manawagan ng pag-ibig sa mga nagbabangayang magkabilang panig, pero wala namang masyadong mawawala kung paminsan-minsan, maglabas ka ng lehitimong positibong balita o babasahin o video na dapat panoorin for education or amusement. Maiba lang. Tapos pwede na muling bumalik sa bangayan. Bahala ka.

Ikasampung panata. Lagi akong mananawagang mas masarap pa rin sa pakiramdam ang pagdamay nang personal. Iba pa rin ang totoong balikat na maiiyakan. Ang haplos sa likod, tapik na may lambing. Totoong pagbatok. Masarap pa rin ang kuwentuhan nang may totoong halakhak, hindi emoji o virtual hug. Pero kung ang problema ay espasyo at oras at distansya, sige, pwede naman talaga ang social media. Basta ang mahalaga, huwag lang iasa ang balidasyon sa buhay sa pamamagitan ng bilang ng likes, haha, heart-heart, sad o angry reacts. Maglaan ng panahon para sa mas personal na danas ng pakikipag-ugnayan sa kapwa.

Sana maging mas makahulugan sa inyo ang hangad kong masaganang Bagong Taon para sa ating lahat. – Rappler.com

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, research, at seminar in new media sa Departamento ng Literatura at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas, Research Fellow din si Joselito D. De Los Reyes, PhD sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Siya ang Coordinator ng AB Creative Writing program ng Unibersidad ng Santo Tomas.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>