“Anak, ano na ang mangyayari sa ABS-CBN?” ‘Yan ang kabadong tanong ng isang lola sa amin matapos pumutok ang balitang nanganganib ang pagre-renew ng prankisa ng higanteng network. Nagulantang siya sa mga binitiwang salita ni Presidente Rodrigo Duterte laban sa network: “I will see to it that you are out” at “Kung ako sa inyo, ipagbili 'nyo na ‘yan.”
Alam nating lahat kung saan nanggagaling si Lola. Kaligayahan na niya at ng kanyang pamilyang manood ng Showtime at ASAP 'pag tanghali, mga teleserye tulad ng Ang Probinsyano 'pag gabi, at mga talent show tulad ng I Can See your Voice kapag weekend. At siyempre, abangan ang mga dramang nagtatampok sa mga sikat na love teams ng ABS-CBN.
Hindi ito biro – para sa mga masang fans ng Kapamilya network, mangangahulugan ito ng pagtatapos ng isang nakagisnang buhay.
Hari pa rin ang telebisyon sa entertainment sa Pilipinas. Simpleng kaligayahan ng marami pagkatapos ng gawaing bahay o mahabang araw sa trabaho at trapik ang manood ng telebisyon. Libre ito – maliban sa kuryente – walang internet charges at walang bayad sa Netflix. At higit sa lahat, nagbibigay aliw ito sa lengwahe at kulturang swak sa panlasa nila.
Mabalik tayo sa Presidenteng hindi nakakalimot. Tatlong taon na siyang nanggagalaiti na na-swindle daw siya ng estasyon noong kampanya ng eleksyong 2016. Ganoon din ang makapangyarihang Speaker ng Mababang Kongreso na si Alan Peter Cayetano na nag-alborotong hindi raw patas ang ibinigay na airtime ng ABS-CBN sa mga kandidato sa pagka-bise presidente (kung saan pumangatlo lamang siya.) Hindi bale na kung may utang na loob ang pamilya niya sa ABS-CBN sa pagsasadula ng buhay ng yumaong ama – at pagpapaalala sa buong bansa na si Pia Cayetano ay anak ni Compañero Rene bago ang eleksyon ng 2004. Nanalo siya bilang senador noong eleksyong iyon.
Sabi ni Duterte, duda siyang ire-renew ng Kongreso ng prankisa ng ABS-CBN. Nagtataka ba tayo na hanggang ngayon ay hindi pa natatalakay ang anim o pitong mga pending bills, dalawang buwan bago mag-expire ito? At ano itong patutsada ng chairperson ng House committee on legislative franchises na “hindi karapatan kundi pribilehiyo” ang prankisa?
Tulad ng maraming bagay sa pamumuno ni Duterte, garapalan na naman itong pang-aabuso ng kapangyarihan. Susuwayin ba siya ng rubber stamp na Kongreso kung saan kaututang-dila niya ang Speaker at hawak niya sa leeg ang di kukulanging 200 kongresista rito?
Kaya’t ang sagot sa tanong ni Lola ay ito: “Malabo po.” At tila hindi naman alintana ni Duterte ang mga tulad nina Lola, Ate, Nanay, at mga OFW sa ibang bansa na mapagkakaitan ng aliw – ang isyu niya ay makaganti sa mga nagmamay-ari ng ABS-CBN. At parang nagmana ng kaharian ang mga kumpare niyang negosyante sakaling magbenta ang mga Lopez tulad ng sulsol niya.
At hindi lamang ito isyu ng pangingialam at lantarang pang-iimpluwensya sa isang prosesong lehislatura, isyu rin ito press freedom. Tulad ng Inquirer at Rappler, tinitira niya ang ABS-CBN kung saan ito pinakamalulumpo: sa negosyo.
Alam ng tusong si Duterte na sa pagpapaluhod niya sa ABS-CBN, umaalingawngaw din ito sa ibang matitigas ang ulo na media na patuloy pa rin sa pagbatikos sa kanya. At bihasa sa laro ng takutan si Duterte.
Alam ng bawa’t PIlipinong mamamahayag na tagos sa buto ang pananakot ni Digong sa media dahil ramdam ng mga journalist ang self-censorship ng kani-kanilang mga kompanya. Ito ang epekto ng tatlong taong pang-aalipusta sa social media at paggamit ng megaphone ng Malacañang.
Nais rin nating ipaalala na habang may responsibilidad ito sa shareholders, may kakambal na responsibilidad din ito bilang tagapagbalita. At bilang network na pinakamalalim ang bulsa at pinakamalawak ang naaabot ng entablado, may kapangyarihan itong kalingain ang kalayaang pamamahayag, gabayan ang mamamayan sa paghimay ng tama at mali, at higit sa lahat, bantayan ang katotohanan.
Tangan ng ABS-CBN ang kapangyarihan – sa bilyon-bilyon nitong manonood, sa relasyong binuo nito sa publiko bilang “kapamilya,” sa dekada nitong pagkakawang-gawa, sa bawa't halakhak at luhang pinuhunan ng manonood dito.
Sana’y mahimasmasan ang pamunuuan ng ABS-CBN na ang nagpapa-bully, lalong binubully. Sana’y alalahanin nito ang leksyon ng kasaysayan ng mga Lopez na nanindigan (sa bandang huli) sa hagupit ng kamay na bakal ng Batas Militar. Kahit halos ibinigay na lahat ni Don Eugenio ang kanilang mga negosyo kay Ferdinand Marcos at mga crony nito, nanatiling nakakulong si Geny Lopez at nakalaya lamang nang tumakas sa kulungan (na ginawang pelikulang Eskapo).
Minsan nang sinabi ng mga Lopez na sila’y phoenix na muling bumangon at namayagpag matapos silaban at maabo. Higit pa sa alamat nito, kailangan lamang nitong alalahanin ang sariling slogan, ang umano'y “north star” ng estasyon: in the service of the Filipino worldwide.
Habang nakaamba ang panakot na ipapasara ito, dapat itong gabayan ng aral ng sarili nitong kasaysayan: tapang at paninindigan ang panangga sa harap ng panggigipit. – Rappler.com