Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Isinulat habang walang signal

$
0
0

  Dahil malapit ang apartment ko sa Quiapo, ngayong kapistahan ng Itim na Nazareno, gumising akong walang pumapasok na notification, ni hindi ko mabuksan ang social media account ko. Alam kong hihina o tuluyang mawawala ang signal ngayong araw na ito. Taon-taong nangyayari itong security protocol dulot ng malalakas na signal jammer sa paligid ng Quiapo. Ibig sabihin, walang data ang modem, walang signal ang smartphone. Wala kahit pantawag. Walang maipadalang mensahe kahit pa ang primitibo na ngayong SMS. Ibig sabihin, mistulang nag-iisa ako’t nagdidildil sa nakalulumbay na katahimikan sa birtuwal na mundong pagkaingay-ingay.

Iyong ginhawang iniaasa mo sa teknolohiya, lalo sa walang hanggang balon ng kaalamang kung tawagin ay internet, sarado ngayon. Wala akong internet. Wala ang dating ginhawang associated sa immediacy ng pag-Google kung may hindi maalala, kung gustong may balikang impormasyon. Wala ang manaka-nakang pagpukaw sa ginagawa dahil may mga notification na dapat tugunan agad. Wala ang panonood sa viral videos, mga pusang kumakanta at mga asong pagulong-gulong. Wala ang mga kalokohan ng memes na lagi nang dahilan para tumigil sa ginagawa, pag-aralan ang retorika ng larawan, font, layout, at context ng virality.  

Wala akong natatanggap na ulat sa kung saang legitimate news and media platform na gusto kong puntahan at paghugutan ng kaalaman. Ang mayroon lamang ay ang aking kakarag-karag na AM radio, na nakatutok sa Traslacion ng Nazareno, at FM band na built-in sa mga smartphone. Nasabi ko na ito noon pa: sanhi ng ilang pansariling polisiya, wala akong telebisyon dito sa Maynila mula pa noong 2007. Oo, alam ko, sad life.  

Hindi naman talaga walang-walang signal. Kailangan ko lang lumabas at lumayo sa apartment, mga isang kilometrong lakad, at naroon na uli ang signal. Magdadatingan ang mensahe, bilin, pakiusap, emoticons. Pagkabili ko ng tanghalian sa labas kanina, nalaman kong hindi pumasok sa trabaho ang asawa ko, masama raw ang pakiramdam. Sa ilang nakaw na sandali palabas sa aking pagiging virtual exile, nagawa kong kumustahin ang aking pamilya, sumagot sa ilang online inquiry, mag-check ng social media account. Saka ako bumalik sa apartment. Ngayon ko na lamang naalalang hindi ako nakapag-check ng email. 

Sa ganitong estado ng aking virtual isolation, at bunsod na rin ng mga sabi-sabi hinggil sa pagsisindi ng mitsa ng digmaan sa Gitnang Silangan, kaya ko ito isinulat. 

Wala namang kakaiba maliban nga sa wala akong internet habang isinusulat ito. Na hindi rin naman magtatagal dahil kailangan kong mai-email ito pagkatapos. Internet pa rin ang kailangan. Ang gusto ko lang sabihin, at palawigin, ay ang sensation na wala nga akong maaasahang sasalukan ng kaalaman, walang internet-based na libangan, at dahil magdadalawang taon na akong hindi naninigarilyo, kaya wala akong deviation sa monotonong gawaing tumipa ng keyboard maghapon.

Oo, mukhang OA, wala lang namang internet access, napakaarte. Eh babalik din naman iyon kinagabihan o kinabukasan. Sabihin na nating hindi na ako sanay. Kailangan ko ang internet tuwina para sa aking pakikipag-ugnayan, para sa aking pansariling kapanatagan lalo’t kailangang makibalita sa pamilya. Kailangan ko ng internet mula sa maliliit na gawain, gaya ng pagtunghay sa memes ng mga pusa dahil sa pagkainip, hanggang sa malalaki – buhay ko – gaya ng pag-alam sa estado ng aking pamilya sa probinsya. Nasa internet ang financial management plan ko, naroon ang isa sa dalawang journal, nasa social media ang mga update sa proyekto, at napakaraming iba pang aspekto ng aking pagkatao.

Isinusulat ko ito habang walang internet para pagnilayan kung kakayanin ko bang wala. Kaya ko naman, kinaya, wala namang masamang nangyari sa akin maliban sa technological anxiety at, siguro, ang FOMO, isang kinikilalang makabagong sikolohikal na suliraning ang ibig sabihin ay fear of missing out.  

Kaugnay ng sentimyentong ito ngayon, nitong nagdaang araw, muli kong nakasama ang isang kaibigan. Naging panauhing tagapagsalita siya sa isang event tungkol sa pamamahayag sa matandang kampus kung saan siya nag-aral at kung saan ako nagtuturo ngayon. Si Francis TJ Ochoa, ang kasalukuyang sports editor ng Philippine Daily Inquirer, ang tinutukoy kong kaibigan. 

Sa pagkakataong iyon, gaya ng magkaibigang matagal na hindi nakita, nagkuwentuhan kami nang matagal over brown bottles of bitter fluids. Napadako ang kuwentuhan namin sa buhay-buhay namin noong nasa kolehiyo. Noong kailangang makinilyahin ang term paper, noong wala pang delete ang keyboard. Noong wala pang Google at kailangang pumunta sa uugod-ugod na estrukturang tinatawag na library kung gustong makakalap ng impormasyon. Nagkakaisang tanong namin: Paano namin na-survive ang panahong iyon?

Sa pagitan ng bote-botelyang binubuksan at iniinom, binalikan namin ni Francis ang alaala ng transisyon mula makinilya hanggang electric typewriter hanggang Wordstar 4 at Word Perfect. Hanggang ngayong tinitipa ko ito sa institution-issued document software sa aking laptop. Napag-usapan namin ang mga sports personalities noong panahong kailangang gamitan ng correction fluid ang mga dokumentong mahirap nang maulit. Noong kailangang tupiin, length-wise, ang papel at bilangin ang characters ng pamagat, divide by two, kung ilan ang sagot, ganoon karaming backspace ang pipindutin gumitna lang ang pamagat. Samantalang ngayon, ilang command lang, naka-layout na. 

Saan nanggagaling ang ganitong agam-agam ng pagtawid sa nakaraan? Agam-agam sa kawalan ng ginhawang dulot ng internet signal? Simple lang: dahil nakasanayan. 

Nakasanayan. Comfort zone. Dahil nakasanayan, kasi narito na ang lahat ng magdudulot ng kaayusan, ng ginhawa. At ito ang delikado lalo’t kailangang mag-deviate sa comfort zone na ito. Ito ngang kawalan ng internet ang sa akin ngayon. Pero nakasanayan namin dati ang makinilya, nakasanayan ang primitibong document processing application; nakasanayanan namin dati nang hindi umaangal ang kung anong mayroon noong panahong iyon. Ten years ago, sanay naman lahat ang marami sa atin sa kawalan ng mobile internet. Pero dahil nakamit natin ang ginhawa, kaydali nating iasa ang buhay sa teknolohiya. Kaydali nating masanay, kaydaling makasanayan. Kaya naman parang kaylaki ng kawalan kung, isang araw, aalisin ang inaasahan. 

Hindi na naman ako bumalik sa Word Perfect habang isinusulat ko ito. At wala na rin naman akong pangarap pang magbalik sa Wordstar. Mas gugustuhin ko pang isulat-kamay ang artikulong ito. Pero dahil mabilis pa rin naman ang laptop kong nakakaisang buwan pa lang sa isang taong paghuhulog ng bayad, kaya dito ko ito isinulat kahit walang signal. Kaya kinabukasan ko pa ito mai-email. 

Sa totoo lang, nakakasulat pa naman ako nang longhand. Marami akong pansulat. Novelty na halos, at kapritso na ang pangongolekta ko ng fountain pen. Bumabalik-balik ako sa dating paraan para hindi masanay nang lubos sa lahat ng ginhawang hatid ng panahong itong, huwag naman sana, baka biglang mawala sanhi ng kaguluhang likha ng mga pinuno ng mundong karahasan ang pangunahing polisiya. – Rappler.com 

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, research, at seminar in new media sa Departamento ng Literatura at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas, Research Fellow din si Joselito D. De Los Reyes, PhD sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Siya ang Coordinator ng AB Creative Writing program ng Unibersidad ng Santo Tomas.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>