Hindi na kami magpapaligoy-ligoy pa. Natulala kami na isang heneral na pulis – hindi isang hamak na SPO lamang – ang nanghablot ng cellphone ng isang mamamahayag na kumukuha ng video ng isang debotong kinuyog ng mga pulis at inilampaso sa kalsada.
Opo, nang-snatch na parang snatcher. At dinig na dinig sa mismong video – na tinangka niyang, ngunit nabigong, burahin – si General Snatcher na nag-uutos na “Burahin mo, burahin mo. Kuha ni Jun Veneracion. Putangina nagku-kwan eh.”
Ang unang tanong: bakit pina-delete ang video? Guilty ba sila ng police brutality? Bakit ayaw nilang makunan ng camera ang insidente? Kung panonoorin ang video, mukhang ginamitan ng “unnecessary force” ang pobreng deboto ng Nazareno.
Pangalawang tanong: bakit nagsinungaling si General Snatcher, este, Brigadier General Nolasco Bathan, na hindi raw niya namukhaan si Jun Veneracion ng GMA7 gayong dinig na dinig siya sa video?
Pangatlo: Sabi ni Bathan sa kanyang paghingi ng paumanhin sa GMA reporter (hindi sa publiko na nagpapasweldo sa kanya), “I mistook GMA reporter for a threat.” Sabi pa niya, pagod na sila. Excuse ba ‘yan sa asal kriminal?
Ang sabi nga ng boss nila sa Interior Department na si Eduardo Año: "He shouldn't have done that even if that person wasn't Jun Veneracion. Even if he was just an ordinary person, you can't just get and snatch a phone. That shouldn't be done by a police officer.”
Pang-apat na tanong: Naglunsad nga ng imbestigasyon si acting Philippine National Police chief Debold Sinas pero bakit hindi man lang sinuspinde si General Snatcher? Maliit na bagay ba ito sa mata ni General Sinas? Hindi ba’t bilang isang opisyal, higit nga ang tungkulin ni Bathan na maging ehemplo sa pagdakila sa batas?
Merong sarkastikong nagkomento na ano raw ba ang mas malala sa snatcher na heneral? Ang sagot: ang heneral na pumalpak burahin ang video sa cellphone na inisnatch nya. Sinungaling na nga, pulis patola pa.
Pero ang mortal na kasalanan ni Bathan ay hindi incompetence o pagsisinungaling – ito ang pagtataksil sa sinumpaang tungkulin at pagyurak sa pangalan ng kapulisan.
Pero sa totoo lang, wala na yatang malinis na sulok sa kaluluwa ng kapulisan na pwedeng marumihan – dahil tila nanggigitata na ang buong kabahayan.
Matagal nang tumahak sa landas ng pagkawasak ang pulisya natin— ang road to perdition sa wikang Ingles. Andiyan si Oscar Albayalde, ang protektor umano ng ninja cops. Andiyan ang pagpatay sa loob ng headquarters ng PNP ng isang Koreanong kinidnap-for-ransom ng mga pulis. Andyan ang kaso ng pangre-rape ng isang kinse anyos ng isang pulis para sa ikalalaya ng kanyang mga magulang. At higit sa lahat, andyan ang pagpatay sa mga tulad ng 17 años na si Kian delos Santos na umano'y nanlaban – pero walang habas na pinatay – sa gyera laban sa droga.
At isa lang ang kahulugan niyan: hindi natin mapagkakatiwalaan ang mga bantay-salakay, ang mga baluktot ang prinsipyo, at mga walang dangal na alagad ng batas.
Hindi kami naniniwalang sakit lang ito ng kalingkingan at hindi ng buong katawan.
Dahil iyan ang ehemplo at pamana ni Pangulong Rodrigo Duterte: kapag sinasabihan niyang, “Kill bishops, all they do is criticize.” Kapag nagbibiro siya sa mga sundalo, “If you had raped 3, I will admit it, that’s on me. Kapag sinasabi niya sa mga nagtatanggol ng karapatang pantao na, “I’ll kill you along with the drug addicts.” Kapag sinasabi niya sa mga biktima ng extrajudicial killings, “You enjoy your human rights there in heaven because God promised you that victims of EJKs go to heaven.” Kapag sinasabi niya sa lahat ng nakikinig, pati mga bata, “If you know of any addicts, go ahead and kill them yourself.”
Ano ba naman ang pang-iisnatch ng cellphone? – Rappler,com