Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Trahedya dahil sa isang terminong hindi nauunawaan ng lahat

$
0
0

Kapag ang ating pamahalaan at media ay may balita tungkol sa sakuna, kadalasang gumagamit ang mga ito ng mga siyentipiko at teknikal na salita. Sa pagkakaalala ko noon sa Super Typhoon Yolanda, ilang beses ibinalita sa telebisyon ang salitang “storm surge” – subalit maraming kababayan natin ang hindi nakaunawa at hindi pamilyar sa terminong ito. Ang akala nila ay humahagupit na bagyo at malakas na pag-ulan lamang ang maaaring dumating at mawawala rin ito. (READ: 'Storm surge' not explained enough – PAGASA official)

Dapat mas simple at madaling maunawaan ng lahat ang isang salita, dahil ang lengguwahe ay hindi lamang dapat para sa iilan kundi sa lahat ng mamamayan. Dapat ay epektibo ang ating sistemang pangkomunikasyon tuwing may sakuna upang maiwasan ang pagkaulit ng malagim na trahedyang katulad na lamang ng sa Bagyong Yolanda.

Madaling sabihin na pamilyar na tayo sa mga sakuna, subalit sa scientific at teknikal na mga salitang kadalasang ginagamit sa agham, pamilyar ba tayo? Ang sagot: hindi. Kaya dapat paigtingin ng pamahalaan ang kakayahan nitong gawing epektibo ang sistemang pangkomunikasyon sa panahon ng kalamidad. Hindi lamang bahay at ari-arian ang mga nakasalalay, kundi buhay din ng tao na hindi na maaaring palitan nang dahil lamang sa isang salitang hindi tayo pamilyar. (READ: Tsu-balod or tsunami? Making disaster terms understandable)

Kaya ngayon, sa pag-alboroto ng Bulkang Taal, tungkulin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology at ng Department of Science and Technology ang ipaliwanag at ipaunawa sa lahat ang kahulugan ng mga salitang katulad ng “phreatic explosion” at “dust mask.” Kung sa mga termino pa lamang na ginagamit sa tuwing may bagyo at lindol ay hindi na tayo pamilyar – halimbawa: "aftershocks" o "tremor" – paano pa kaya sa mga terminong ginagamit kapag nag-aalboroto ang bulkan, na minsan o bihirang-bihira lamang natin mararanasan sa buong buhay natin?

At paano na rin kaya sa mga susunod pang sakuna? Kaya malaking bagay sa ating lahat na malaman at maunawaan ang scientific terminology, dahil milyon-milyon pang mga buhay ang maaaring mailigitas nito mula sa kapahamakan. 

Kung may magsasabi man sa akin na may Google naman, ang tanong ay, may wi-fi at signal ba ang lahat upang ma-access ang website na ito? Paano ang ating mga magsasaka, mga mangingisda, mga nasa kanayunan na wala namang wi-fi at signal? Paano ang mga hindi nakababasa at hindi nakasusulat, na ang tanging paraan lamang ay pakikinig sa radyo o panonood ng balita sa telebisyon? Kaya kapag may sakuna, hindi lamang dapat ang sarili ang iniisip.

Maaaring i-search ko lang iyan sa Google at mauunawaan ko na, pero paano naman ang ating mga kababayan na hindi masyadong nakasasagap ng balita? Kung may masagap man silang balita ay ilang araw nang huli. Huli na ngang dumarating ang balita sa kanila, hindi pa nila nauunawaan ang mga terminong ginamit. 

Dapat isipin nating hindi lamang tayong mga nasa siyudad ang kawawa, kundi iyung mga malapit sa kalamidad, kagaya na lamang ng mga nasa bukid, nasa dagat, nasa mga pagkalayo-layong pook. Hindi namimili ang salitang “trahedya,” at hindi rin dapat namimili ang salitang “kaligtasan.” 

Kaya nang dahil sa pagkakamaling ito ng pamahalaan, dapat itong maging bukas sa puna at pagkatuto. Kapag dumating man ang sakuna, dapat handa itong magbigay-abiso – sa wikang nauunawaan ng lahat. – Rappler.com

Si Eugero Vincent G. Liberato ay laking-San Juan at nag-aaral sa University of the East. Kumukuha siya ng Humanities and Social Sciences Strand. Natuklasan niya ang hilig sa pagsusulat nang siya'y nasa ika-9 na baitang. 

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>