Dalawang punto ang tatalakayin ng editoryal na ito: Una, paano naghanda ang mga LGU? At pangalawa, anong prayoridad ang ibinigay ng gobyernong Duterte sa mga disaster?
Sa pagputok ng Taal, inaasahang 40,800 ang mawawalan ng tirahan sa Batangas at Cavite habang halos 300,000 ang maaapektuhan kapag nangyari ang “imminent hazardous explosion” o ang malaking pagsabog.
Nagbida nga ang Pangulong Rodrigo Duterte at idineklarang No Man's Land ang Taal Volcano Island. Sa totoo lang, ang huli, kahit magaling, hindi na maihahabol.
Nakatira sa isla ang 4,000 na matagal nang pinagbalakang ilikas pero hindi natupad-tupad. Aminadong hindi simple ang isyu ng pagre-relocate sa kanila. Malaking kabuhayan ang turismo at pagsasaka sa paligid ng bulkan habang mahalagang pinagkukunan ng isda ang lawa. Ubod nang ganda ang tanawin ng Taal – dahil dito, buhay na buhay ang komersyo sa Tagaytay.
Kung ililikas nga ang mga taga-isla, dapat nakahanda ang isang engrandeng plano. Alam ng mga lokal na pamahalaang political suicide maglikas mula sa isla nang walang malinaw na plano, walang naitayong bahay para sa relokasyon, at walang pamalit na kabuhayan. Kaya’t ginawa nila ang isang bagay na napaka-Pinoy – ipinaubaya na lang kay Bathala ang lahat.
Sa katunayan, walang plano ang Calabarzon (mga probinsya ng Calamba, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) – o kung meron man, hindi ito alam ng mga tao. Sa isang survey, sinabi ng 99.8% sa mga kabahayan na walang disaster management plan na partikular sa pagputok ng bulkan. Boom.
May isang matagumpay na modelo sa disaster mitigation ang probinsya ng Albay para sa bulkang Mayon. Maraming aral na ipinamana ang Albay na kapupulutan sana ng Calabarzon pero mukhang hindi na nagamit ang mayamang karanasang ito.
Sablay ang prayoridad. Nitong Byernes, Enero 16, 2020 umapila si Interior Secretary Eduardo Año sa publikong mag-donate ng esensyal na gamit para sa mga nasalanta ng Taal.
Sabi ng mga nasa social media – hindi ba't ang laki ng badget para diyan?
Totoong may pondo nga. Pero mula P38.9 bilyon noong 2016 naging 20 bilyon na lang ito nitong 2019, at ngayong 2020 ay bumaba pang lalo sa P16 bilyon. Apat na bilyon ang tinapyas mula 2019, habang umaatikabong P22.9 bilyon ang natapyas mula 2016.
Aminado sina Deputy Speaker Mikee Romero at Speaker Alan Peter Cayetano na hindi nga sasapat ang pondo. Hindi kasya ang P16-billion calamity fund para sa Taal dahil halos kalahati nito ay nakalaan na para sa Marawi at Davao. Kailangan pang magpulong muli ang mga mambabatas upang ma-otorisa ang paggamit ng dagdag na pondo.
Sabi nga ni Senador Ralph Recto tungkol sa madugong proseso: “Parang wiring ng kuryente. From request to release to procurement to delivery of reconstruction materials, easily 100 steps. Kawawa talaga ang mga local governments.”
Sa madaling salita, isang daang tumbling pa para makarating ang tulong sa mga taong nasalanta. Tama si Año. Mas madali ngang mamalimos.
Tama ba ang nabubuong big picture, Pangulong Duterte, Speaker Cayetano, Senate President Tito Sotto, dating budget secretary Ben Diokno at mga pinuno ng Calabarzon?
Sa kabila ng pagiging #9 sa disaster-risk sa buong mundo ng Pilipinas, nasa gitna ng Pacific Ring of Fire, dinadalaw ng 20 tropical cyclones taon-taon, at 74% ng populasyon ay di ligtas sa disaster – nagbawas kayo ng budget sa kalamidad mula 2016 ng P22.9 bilyon?
Sabi ng promotor nito na si Diokno, mas mainan na i-reduce ang budget sa kalamidad dahil may mga taong hindi ito nagagamit at bumababa ang spending. Meron naman daw supplemental budget na pagkukunan kung magkasakuna.
Pero tumataginting na P8.2 bilyon ang budget para sa “confidential and intelligence funds?” O ang P10 milyon na kaldero sa SEA games?
Sa harap ng nakaambang pagsabog ng bulkan, muli na namang aasa ang Pilipinas sa mga ginintuang pusong magdo-donate sa loob at labas ng bansa. Hindi pa ba tayo natuto sa Yolanda?
Kung babasahin ang pananalapi ng bansa, prayoridad ang maniktik sa mga maka-kaliwang organisasyon, mga guro, at estudyante. Prayoridad ang ubusin ang mga durugista sa kalye. Prayoridad ang magpaganda ng imahe sa international stage.
Pero hindi prayoridad ang kalingain ang mga nasalanta ng gyera, bagyo, lindol, at bulkan. Sa bandang huli, sa panahon ng kagipitan nabubuking ang may puso para sa taumbayan at wala. Ang kaya lang sabihin ni Duterte ay kakainin niya ang ashfall at iihian niya ang Taal. – Rappler.com