Malayo pa ang birthday ko pero kailangan ko lang matalakay ito: edad. Gaano katagal nang nabubuhay sa mundong ibabaw. Kung ilang taon na, ilang ikot ng mundo sa araw habang nabubuhay ang isang tao. Mukhang harmless na isyu ang human construct ng edad, pero hindi.
Ganito kasi iyon. Gaya marahil ng karamihang commuter ng Kalakhang Maynilang kahapis-hapis, kung pupunta rin lang ako sa lugar na bihira kong puntahan, pinagsasabay-sabay ko na ang dapat gawin. Para isang sakit na lang ng katawan sa pagsagupa sa trapiko. Kaya, noong isang araw, isang tuhog na lang lahat ang 5 appointment sa Quezon City.
Oo, sa Quezon City lang. Mula sa Maynila, sa apartment na tinutuluyan ko sa Sampaloc, bihira akong magawi sa Quezon City. Naglalakad lang ako pagpasok sa trabaho, at kung umuuwi sa probinsiya, sa malayong ruta sa Timog Katagalugan, iyon, doon lang ako nagko-commute. Out of way sa akin ang Quezon City. Kaya pinaplano kong mabuti ang mga lakad ko kung lalabas sa aking Sampaloc comfort zone.
Unang appointment, sa isang major network, para kumuha ng isang dokumento na magagamit sa promosyon ko sana sa trabaho. Ikalawa, sa isang malaking mall sa malapit sa network, para makipag-meeting sa isang tao. Ikatlo, sa UP Diliman, para puntahan ang isang opisinang may pangako sa aking ibibigay na mga aklat. Ikaapat, kausapin naman ang isang propesor sa dako ring iyon para ikonsulta ang isang proyekto. Huli, makipagkumustahan sa isa pang kaibigang propesor sa UP na ilang taon na ring hindi nakakakumustahan nang personal.
Tungkol sa edad ang naging simula ng kumustahan namin ng propesor na huling dahilan kung bakit nga ako dumayo sa lupalop na iyon ng Diliman. Matagal ko nang kaibigan, mula pa noong late ’90s, ang propesor na ito. At noong araw na iyon, kuwento niya sa akin, pinagpaplanuhan na niya ang napipintong pagreretiro. Nabigla ako. Lumipas ang panahon na hindi ko nabibilang ang kaniyang edad.
Biruan nga namin, parang kailan lang ang lahat. Mabilis. Gasgas na kataga to the point of cliché na parang kailan nga lang ang lahat, hayun at pagreretiro na ang kaniyang iniisip.
Limot naman ng propesor na ito kung ilang taon na ako, kaya nang sabihin ko ang edad ko, kahit pa kaibigan ko, parang kayhirap niyang papaniwalain na 43 years old ako. Sa dami ba naman ng uban ko sa bumbunan, sa dami ng pileges sa mukhang sinalanta ng karanasan; sa hitsura talaga, kaya talagang maraming hindi naniniwala sa totoong edad ko. Iniisip nila, siguro, mga 50 anyos na. Masakit dati ang mga pasaring, lalo ang totoong pagkabigla pagkatapos malaman ang totoo. Pero nakasanayan ko na naman.
Nagsimula ang kuwentuhan namin tungkol sa mga plano sa pagreretiro at sa edad habang naghihintay ng taxi para magtungo sa isang restaurant. Tuloy ang kuwentuhan tungkol sa edad hanggang sa makasakay. Hanggang sa baybayin ng taxi ang kahabaan ng Quezon Avenue. Habang nakaipit sa inaasahang traffic, napansin ko ang katabi kong tsuper. Sa hitsura, sigurado akong senior citizen. Payat, hukot, pero sigurado ang pagmamaneho. Beterano. At dito na naglundo ang dahilan kung bakit paksa ko ang edad.
Tinanong ko, in a very polite manner, kung ilang taon na ang tsuper. “Kung okay lang pong malaman, Kuya, kung ilang taon ka na po?” Ganyan. Magalang. Maingat. Kuya at hindi tatay. Lalong hindi lolo. At kung sasagutin, nakahanda ko nang itanong ang kasunod, kung ilang taon nang nagmamaneho.
Puwede naman niyang sagutin na “hindi okay” na malaman ang kaniyang edad dahil bahagi naman iyon ng tanong ko. Kaya nga “kung okay lang,” ’ka ko. Obviously, hindi okay. Kaya naglitanya si kuya. Kesyo nakakainsulto na raw na tanungin siya kung ilang taon na, marami na raw nagtanong at hindi niya sinasagot. Para saan pa daw ba? Et cetera. Napataas pa ang boses. Nagalit yata sa akin dahil sa pagiging mausisa ko. Humingi ako ng paumanhin sa pag-uusisa. Pasensiya na, ’ka ko. Okay lang naman kung talagang ayaw niyang ipaalam. ’Buti na lang, malapit na kami sa pupuntahang restaurant.
That, I think, was the height of my insensitivity. Noon pa man, alam ko nang impolite magtanong hinggil sa edad ng isang tao. Lalo kung walang gatol at pakundangan. May ibang ipinagmamalaki ang tunay na edad, lalo kung mukhang bata o epektibo ang pagpapamukhang-bata regimen, pero merong ibang ikinukubli ang totoo. Nagiging tampulan biruan o asaran. At kung anuman ang dahilan sa pagtatago ng totoong edad, dapat igalang. Unless, of course, kailangang-kailangan.
Ipinapangaral ko iyon sa mga klase ko simula pa noong una. Pero kung gusto talagang malaman, pangunahan ng ganito ang tanong: “Kung okay lang, p’wede po bang malaman kung ilang taon na kayo?” Or “Would you mind if I ask how old are you?” Ganyan, dahil may mga tao talagang ayaw mapag-uusapan ang edad kaya dapat alamin muna kung okay lang, or if they will mind.
Bahagi ng tanong ko sa tsuper ang “kung okay lang,” pero, siyempre, sa antas ng pragmatics, hindi naman na ito bahagi ng statement. Mas mapapansin ang kung ilang taon na. Diretsohan pa rin, wala pa ring pakundangan ang dating sa kaniya. Nakalala pa marahil ang paksa ng kuwentuhan namin ng kaibigan kong propesor habang bumibiyahe: pagreretiro. Samantalang hayun si kuyang tsuper, mukhang retirado na sana pero kailangan pang pumasada. Ang sama ko.
Kaya dati may pagkakataong hindi rin ako diretso kung sumagot kung ilang taon na ako. Dati, may halong pagkainis, sasagutin ko nang totoo. Tapos magdududa ang nagtatanong. “Forty-three ka lang? Weh?” halimbawa. Sasabihin ko, “’Tatanong ka, tapos hindi ka maniniwala.” Nabubuwisit ako noon. Again, manhid na ako ngayon.
Dahil napakapersonal sa marami sa atin ang usapin ng edad. Some people don’t want to look their age. Kaya nga laganap ang produktong magpapamukhang bata: pampakinis ng balat, pampaitim ng buhok, cosmetic products and surgery, pormahang usong-uso. Ito ang alok ng mga tagline at patalastas, halimbawa, ng sabong magtatanggal o magkukubli ng wrinkles sa mukha o magpapatubo ng buhok sa ulong dumaranas ng taglagas.
Maliit na usapin kung susuriin. Edad. Numero. Ilang ikot ba ng mundo? Pero sa iba, napakasensitibo. Kaya noong araw na iyon, hindi lang ako basta tumanda. Muli akong nagtanda. – Rappler.com
Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, research, at seminar in new media sa Departamento ng Literatura at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas, Research Fellow din si Joselito D. De Los Reyes, PhD sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Siya ang Coordinator ng AB Creative Writing program ng Unibersidad ng Santo Tomas.