Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] Ilagay sa lugar ang pakikipag-kaibigan sa Tsina sa harap ng banta ng coronavirus

$
0
0

Nakakalula ang bilis ng mga pangyayari. Bigla na lang kumalat ang coronavirus na tinatawag ding 2019-nCoV.

Lilinawin natin, mayroong outbreak, pero wala pang pandemic ng 2019-nCoV. 

Gaano ba kahanda ang Department of Health o DOH sa 2019-nCoV? Nakagigimbal ang mga datos na lumalabas: ngayong Lunes nang umaga, a-tres ng Pebrero, higit 360 na ang namatay at kumalat na ito sa halos 30 na bansa.

At ang kakambal na tanong? Sa panahong sariwa pa ang kawalan ng tiwala sa DOH dahil sa dengue scare, paano ibinabalik ng departamento ang ating tiwala sa kakayahan nitong pamahalaan ang sitwasyon?

Taon ng mga outbreak ang 2019 para sa Pilpinas. Pumutok ang measles at polio – at pilay ang DOH sa pagtugon dahil sinisi ang dengue vaccine na itinurok ng nito sa pagkamatay ng ilang batang pasyente (bagay na 'di napatunayan.) Dapat sana'y naiwasan ang dengue scare at ang pagguho ng immunization program ng kalihiman na kagagawan ng takot, pagbibintang, at chismis. 

Ang leksyon ng dengue scare, polio, measles at iba pang sakit na dumapo sa mga Pilipino: unang rekisito ang wasto, napapanahon, at walang puknat na impormasyon – hindi pagtatago ng mga datos.

Sabi nga ni Inday Espina-Varona sa kanyang blog, “During crises, silence is the enemy.” (Pananahimik ang kaaway sa panahon ng krisis.)

Pinuna ni Varona na habang inanunsyo ng DOH na isang babae ang ginagamot sa 2019-nCoV – na sa kalaunan ay di naman lumala – nanahimik ito sa detalye tungkol sa "companion" ng babae. Nagbigay ito ng impresyong wala sa oras de peligro ang lalaking maysakit. 

Ang siste, ang boyfriend – isang 44-taong-gulang na Chinese at taga-Wuhan – ang unang namatay mula sa novel coronavirus sa Pilipinas at una rin sa labas ng Tsina. Sa pagkukubli ng detalye tungkol sa lalaki, pinalabnaw ng DOH ang tindi ng sitwasyon. 

Napansin din ng Rappler na dumaan sa tatlong airport ang magkasintahang may taglay na virus. Mula Hong Kong ay lumipad sila papuntang Cebu, pagkatapos ay Dumaguete, bago lumipad pa-Maynila. 

Paano nangyari ito? Sabi ng mga otoridad, may yugto ang impeksyon na hindi ito madaling ma-detect. Hindi ba ibig sabihin lamang nito ay hindi sapat ang mga safeguards na nakalatag? Hindi ba dapat ay otomatikong nai-red flag ang dalawa dahil sa last port of entry nila? 

Susing impormasyon ang kinimkim ng DOH na dapat ay maagang isinapubliko. Sasabihin siguro ng mga otoridad na ayaw nilang lumikha ng panic – pero tripleng panic ang naramdaman natin nang tumambad sa atin ang balitang sa Pilipinas nangyari ang unang pagkamatay sa labas ng Tsina.

Babalikan namin ang tanong: handa ba ang DOH? Totoong walang bansang 100% na handa sa ganitong outbreak. Pero tumataas lang ang hysteria kapag wala kang tiwala sa mga nag-aareglo ng krisis. Siguro ang tanong ay ito: handa na ba ang DOH maging matapat?

Ipinapaalala natin sa DOH – na tulad din ng fake news – walang silbi ang pekeng pagpapakalma. Transparency ang kailangan at ‘yan ang diwang nagtulak sa World Health Organization na magdeklara ng “international emergency over the deadly novel coronavirus." Ikalimang beses pa lamang ito. 

Ito raw ay hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng virus sa mga bansang may “weaker health systems.” Kailangan natin ito. Pupusta kami sa Rappler na kasama ang Pilipinas sa may "mahinang health systems." Una na riyan ang 'di malinaw na chain of command at workflows ng gobyerno.

Ang kailangan natin ay intelihenteng tugon sa krisis: tumpak, napapanahon at tuloy-tuloy na impormasyon, at tulong sa nagkakasakit. (BASAHIN: Panic ang pinakamalaking kaaway sa virus outbreak).

Kailangan din natin ng tiwala sa nagpapatupad ng lunas. Epektibo (at competent) na koordinasyon sa pambansang antas mula sa DOH na gagabay sa lokal na mga pamahalaan ang magiging mapagpasya sa antas ng barangay. 

Sabi nga ni dating DOH secretary Manuel Dayrit. “Usapin ito ng pagiging handa." 

Walang silbi ang pagpapakalma o assurances – dapat ipakita sa atin ng mga LGU at ng DOH na alisto sila at nakalatag ang plano. Alam nating nakamamatay ang 2019-nCoV – pero hindi malinaw kung magiging kasimbagsik ito ng SARS at MERS.  Aksyon – hindi PR – ang kailangan, at hindi pagsasala ng impormasyon.

Sa puntong ito, kailangan nating banggitin ang sinophobia, o ang racist na pagturing sa mga mainland Chinese bilang tagapaghatid ng virus. Naglipana ang mga fake news na tila magugunaw na ang mundo at nasa 10,000 na ang namamatay. Naninindigan ang Rappler na hindi dapat sisihin ang mamamayang Tsino. 

Pero ang nakapagpataas ng kilay ay ang mga trolls na nag-overdrive sa pagka-cut-and-paste ng mga post na nagpapabango ng mga Tsino – at nagpipinta sa kanila bilang inaapi at kaawa-awa. Puwede ba, tigilan na ang pagmamanipula ng pag-iisip ng taumbayan, lalo na sa gitna ng krisis.

Bakit pumapel ang mga trolls sa isyung ito? Dahil kapag dumausdos ang sentimyentong masa laban sa mga Tsino, mangangalingasaw din ang pro-China policy ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa simula'y nanindigan si Duterte na hindi magkandado ng pinto sa mga bumabiyaheng Intsik papasok ng Pilipinas. Sa bandang huli'y napilitan din si Digong na mag-ban ng flights galing Tsina – pero huli na ang lahat. Naganap na sa ating lupain ang unang fatality sa labas ng Tsina.

Hindi dapat nababaluktot ng umiiral na pagkakaibigang Duterte at Xi Jinping ang pangangalaga sa kalusugan ng mga Pinoy sa gitna ng kumakalat na coronavirus. 'Yan ang hindi makabayan. – Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>