Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Ang malawak na kabukiran ng mga troll

$
0
0

 

Isa ka rin ba sa muntik nang mapaniwala ng lumaganap na pag-apela sa damdamin? Naawa ka rin ba sa pasahero ng Victory Liner na walang gustong makiupo sa tabi? O sa mag-aamang nagpauna pagsakay sa elevator ng condominium? Huwag kang mag-alala, hindi kita huhusgahan kung nabiktima ka ng lumaganap na status mula sa troll farm

Pero bago ko talakayin ang birtwal na kabukirang iyan, dapat ko munang kilalanin at papurihan ang nagawa ng social media sa atin lately. Kaya bilang pagsunod na rin sa itinakda kong agrikultura bilang central metaphor ng espasyong ito, gusto kong ihayag na matabang lupang kayang magpausbong at magpalago ng pakikipagkapwa at pagtutulungan ang social media kung gagamiting mabuti.

Pinatunayan natin ito noon lamang nagdaang buwan nang maghasik ng abuhing lagim ang bulkang Taal. Kayraming hakbang para matulungan ang ating mga kababayan ang nag-germinate, lumago, at napayabong ng social media. Diniligan ng likes, comments, shares ang mga status na nananawagan sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan para matulungan ang mga kababayan natin. Nabusog tayo ng updates at breaking news hinggil sa mga pangyayari. 

Umusbong ang impormasyon at mumunting kaalaman natin sa geology at volcanology dahil sa social media. Hindi na lang tayo basta nakisimpatiya online, tumulong tayo, at natuto dahil sa social media. Nakasagap tayo ng balita, real time, dahil sa social media. Pumuna at kumondena sa pamamagitan ng social media.

At dahil lamang sa nangyaring iyon – isa sa napakaraming pangyayaring nagpatagal sa ating mga Enero – dapat nang papurihan ang mga administrador ng mga page sa masinop na pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa sitwasyon ng bulkan at ang mga pamayanan sa paligid-ligid nito. Nagbasa tayo at nagsuri ng lumabas na impormasyon sa social media. Kinaya nating bakahin ang trahedya sa tulong ng ating digital identity imprints.

Iyang dahilan pa lamang ay sapat na para i-dispel ang resulta ng pananaliksik ng Programme for International Student Assessment (PISA) noong 2018 na nagsasaad na tayo raw, or at least ang ating mga teenage counterparts, ang may pinakamahinang pag-intindi sa binabasa. Binigyang kahulugan ng PISA ang reading literacy bilang “understanding, using, evaluating, reflecting on and engaging with texts in order to achieve one’s goals, to develop one’s knowledge and potential, and to participate in society.”

Noong nagdaang buwan, sa kasagsagan ng pagngangalit ng Taal, inalam natin ang detalye, nagbasa at nakinig mabuti sa mga eksperto. Nakayanan nating harapin ang kalamidad nang very minimal lamang ang naging pinsala sa buhay. Oo, may pinsala sa kabuhayan, pero ang kapuri-puri ay ang maagap at masinop na paglalahad at pag-unawa natin sa sitwasyon kaya ligtas ang mga kababayan natin sa Batangas. Kaya naging mabilis ang dating ng tulong.

Ngunit gayong kaydaling lumago at mamunga ng pagtulong sa matabang lupang social media, gayundin naman ang pamumulaklak ng galit at pagkamuhi. Ganoon din, lalo na, ang tahasang panloloko.

Sa isang bansang nangunguna sa mundo sa pag-uukol ng napakahabang oras sa social media, hindi nakapagtatakang ang ating mga account ang kanlungan ng ating paghahangad ng kaalaman. Hindi na lamang ekstensyon ng sarili, kumpisalan na rin at lunsaran ng balidasyon ng ating pagkatao ang ating social media account.

Dahil bukod sa impormasyong madadampot sa news feed, nakararamdam tayo ng kalayaan, ng control sa ating birtwal na buhay. Kaya nating manipulahin kung ano ang makikita sa atin, kung paano tayo kikilalanin higit sa tunay at personal nating pag-iral.

Sa social media, mas hawak natin ang mundo; mas kontrolado lahat ng gustong makita at hindi makita. Sa social media, mas madaling magpanggap, mas madaling ayusin o tuluyang ibahin ang pagkatao. Dahil hindi ganito sa realidad ng buhay. Mangilan-ngilang desisyon lamang ang maaaring gawin. Mabagal ang panahon, kontrolado tayo ng sitwasyon. Kabaligtaran ng kung ano tayo, at kung anong magagawa natin sa ating birtwal na pag-iral.

Sa paghahangad nating makontrol lalo ang nakikita at napapanood sa newsfeed at internet sa kabuuan, pinipilit nating i-customize lalo at umakma sa ating hinahangad ang natutunghayan sa internet. Halimbawa, bawasan ang bilang ng kaibigan, iwan lamang sa friend list at news feed ang kapareho ng pananaw.

Bakit ka nga naman magpapaka-stress? I-block ang kamag-anak na tuwing reunion, walang ibang bukambibig kundi pintas. Sa birtwal na mundo, kaya ng ibang makipagmurahan, mang-insulto gamit ang ibang account. Mag-stalk, makihalubilo kung kailan lamang gusto, kung kailan gustong magpakilala.

Kaya hindi nakapagtatakang lumaganap ang silbi ng troll farm bilang isa sa pangunahing nang-iimpluwensya sa dapat isipin at ikilos ng ilang milyong kababayan nating babad na babad sa gadget at monitor. 

Aminin nating hindi na mapasusubalian ang papel ng organisadong troll farm bilang mekanismo ng kampanya at propaganda. Hindi na mapasusubalian ang papel ng influencers of the true and troll kind in peddling ideas. Hindi na maitatanggi na armas na rin sa pakikdigma at pagsira ng kapwa ang social media na, sa kasalukuyan, virtual state apparatus na mismo ang karamihan. Pinasusuweldo natin. Buwis natin.

Para sa tahasang disimpormasyon lalo’t maraming desisyon – o kawalang desisyon – ang pamahalaan na hindi popular kung hindi man ay sablay lalo’t nahaharap sa krisis ng novel coronavirus. Kailangan ng makinarya ng impluwensya. Kailangan ang manipulasyon ng iniisip at nadarama. At napakadali nito sa isang bansang bihira ang nagsusuri ng pinapanood at binabasa.

Sa isang bansang nahaharap sa krisis pangkalusugan, malaking bagay na ang pagpapalaganap ng wastong impormasyon upang makaiwas sa sakit. Pero mas ginugusto ng mga administrador ng troll farm ang magpalaganap ng kamangmangan upang mapagtakpan ang mga maling kritikal na desisyon ng pamahalaan para manatiling ligtas ang ating bansa.

Isipin nating mabuti. Imbes na palaganapin ang karunungan, heto’t pinakakalat ang mga kuwentong kutsero. Lubhang delikado at peligroso ito lalo sa isang bansang humaling na humaling sa sinasabi ng idolong wala namang ibang inisip kundi ang kapakanan ng kaniyang pinagkakautangang amo.

Matabang lupa ang social media sa ating bansang bihira ang nagsusuri at umuunawa sa nakikita, napapanood, lalo ang nababasa. Napakadaling magpalago ng kahit anong butil ng galit at pagkamuhi. Pero depende sa lilinang, magagamit din naman ito ng sambayanan. Mapakikinabangan. Lalo kung hindi ito gagamiting makina ng patuloy na pangmamangmang at platform para sa political survival. – Rappler.com

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, research, at seminar in new media sa Departamento ng Literatura at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas, Research Fellow din si Joselito D. De Los Reyes, PhD sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Siya ang Coordinator ng AB Creative Writing program ng Unibersidad ng Santo Tomas.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles