Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] Bakit lumolobo ang intel funds ng DICT? Kabahan na tayo

$
0
0

Kung titingnan ang iringan sa pagitan ng dalawang dating militar sa gobyerno – sina Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Eliseo Rio Jr at ang bagong hepe na si Gringo Honasan – maaaring sabihing internal na away lang 'yan. Normal sa Pilipinas at normal sa burukrasya.

Pero kung hindi pa nagbanggaan ang dalawa, hindi tatampok sa media ang kwestiyonableng paggamit ng kalihiman ng P300 milyon para sa cybersecurity sa loob lamang ng dalawang buwan.

Sabi ni Rio, “nakapanlilinlang at ‘di kapani-paniwala” ang disbursement ng pondo.

Balikan nating ang mga pangyayari. Nitong 2019, hindi nagastos ng DICT ang P300 milyon sa badyet nito. Sa halip, winidraw ito bilang cash advances para gamitin umano sa cybersecurity. Ayon sa alituntunin ng COA, magagamit lamang ang ‘di nagastos na balanse para tustusan ang dalawang bagay: pambayad sa nadeliver nang gamit o pambayad sa mga proyektong nakumpleto na. Samakatuwid, bawal ito.

Ayon na rin kay Rio – ang dating acting chief na naging undersecretary na lamang nang iniluklok ni Pangulong Rodrigo Duterte si Honasan – hindi naman kailangan ng ahensya ng confidential funds dahil “wala itong mandatong magsagawa ng surveillance.”

Sayang si Rio – umatras siya at hindi pinanindigan ang una niyang paratang. Sa bandang huli, mukhang hindi ang kapakanan ng bayan ang agenda niya – ayaw lang pala niyang ma-echapwera. Tsk, tsk.

Pero bakit mahalaga ang insidenteng ito? Dahil dito, nabigyang atensyon ang mas higanteng kalokohan: nabiyayaan ang ahensya ng pangalawang pinakamalaking “confidential funds” sa taong 2020: tumataginting na P800 milyon.

Ano ang confidential funds? Ayon mismo sa depenisyon ng gobyerno, ito’y “ginagamit para sa surveillance activities ng mga sibilyang ahensya upang suportahan ang mga mandato nito.”

Pumapangalawa lamang ang DICT sa Presidente sa laki ng pondong ipinagkaloob ng Kongreso. Ang P800 milyon ay doble ng naunang confidential funds allotment ng DICT noong 2019. Mas malaki pa ito sa pondo ng Philippine Drug Enforcement Agency na nagsasagawa ng tokhang (na iba na ang pangalan ngayon). At halos ‘singlaki ito ng intel funds na ibinigay sa Philippine National Police. Ang Interior and Local Government nga na nangangasiwa sa mga pulis at komunidad – kakarampot na P80 milyon lang ang intelligence fund.

Anong nagaganap sa DICT at tinalo pa nito ang paboritong programa ni Digong na giyera laban sa droga sa laki ng pondo?

Hindi natin alam. Pero bago naging "bayani" ng EDSA si Honasan at bago siya maglunsad ng mga kudeta, isa siyang one-star general sa J-6 ng Sandatahang Lakas para sa "communications, electronics and information systems."

Siguro naman, sasang-ayon mismo si Honasan na paso na lahat ng natutunan niya sa puwestong ito. Bihasa din siya sa intel work nung sundalo pa siya – 'yung klase ng intel work na nagpasikat kay Jovito Palparan. Pero hindi siya pasok sa requirement ng batas na dapat ay may 7 taong karanasan sa Information Technology ang pinuno ng DICT.

May pending pang kaso ng graft si Honasan sa paggamit ng PDAF (na mas kilala sa tawag na pork barrel) bilang senador noong 2012.

Pero ehemplo lamang ang DICT ng lumolobong pondong pang-"intelligence" ng gobyernong Duterte. Noong 2017, nasilip ng Rappler na 5 beses ang inilaki ng intelligence funds ng pamahalaan kumpara sa 2016 – bagay na walang kahalintulad sa kasaysayan ng paggastos ng gobyerno.

Batid ng mga nasa burukrasya na black hole ang intelligence funds at higit pa sa pork barrel funds – walang kahirap-hirap na kurakutin ito dahil hindi ito nao-audit ng Commission on Audit.

Katunayan, nasakdal si dating pangulong Gloria Arroyo sa umano’y maanomalyang paggamit ng intel funds ng Philippine Charity Sweepstakes Office. (Pinawalang-sala si Arroyo ng Korte Suprema sa kasong ito noong 2016.)

Nang tinanong ng Rappler si dating budget secretary Ben Diokno tungkol sa higanteng intelligence funds, ito ang tugon niya, “Magtiwala tayo na mabuting tao siya (Duterte).” Magtitiwala din ba tayo na mabuting tao ang mga ina-appoint niya? Tulad ni Nicanor Faeldon, na nagpamalas ng kaduda-dudang pamumuno sa tatlong posisyon?

Paulit-ulit, iginigiit ng gobyerno na magtiwala ang taumbayan sa Pangulo at sa mga in-appoint niya tulad ni Honasan.

Kapalit ng tiwalang ‘yan, pananalakay sa mga organisasyong pinaghihinalaang maka-kaliwa, paniniktik sa mga estudyante at guro, at pagtugis sa pipitsuging durugista ang iginanti ng pamahalaang armado ng intelligence funds.

Wala na ngang talinong naaaninag sa paggamit ng mga pondong ito, sarado pa ito sa pagbusisi ng COA.

Pairalin ang transparency sa burukrasya. Pihadong ang makikinabang ay ang demokrasya.

Kung talagang malinis ang palakad ni Digong sampu ng kanyang mga alipores, buksan ang mga pondong iyan para ma-audit – at unahin ang intel funds ng Presidente. At i-reallocate ang mga salaping ito sa mga angkop na ahensya – nang may full disclosure.

Nagtataka ba tayo na padausdos sa otoritaryanismo ang pamahalaang ito? Gayong tinutustusan ng Kongreso ang sikretong pagyurak ng pamahalaan sa karapatan natin sa pribadong buhay? – Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>