Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] Huwag gawing normal ang pambababoy sa media

$
0
0

“Ako lang ang Presidente na bumibira ng Inquirer pati ABS-CBN. Binababoy ko talaga.”
– Presidente Rodrigo Duterte 

Bago tayo pumalaot sa mga argumento at himay-himayin ang batas, linawin natin ang isang bagay na tila nalilimutan na: hindi normal ang nagaganap sa ating batas at pulitika ngayon. 

Hindi normal ang walang puknat na pag-atake ni Presidente Rodrigo Duterte sa media. Bakit niya ito binubusalan? Upang tumigil ang pagbatikos sa kanya sampu ng pagyurak niya sa mga karapatang pantao at pamamahayag.

Hindi normal na kinukwestyon ngayon ang isang financial instrument tulad ng Philippine Depositary Receipts na ilang dekada nang ginagamit. Hindi kailanman ito ginamit sa paglabag ng Konstitusyon at lalong hindi ito dahilan upang tanggalan ng prangkisa at lisensya ang mga kumpanya ng pamamahayag.

Hindi normal na tinutulugan ng Kongreso ang aplikasyon ng franchise ng ABS-CBN. Pero hindi rin tayo nagtataka dahil matagal nang isinuko ng mga kongresistang kaalyado ng Pangulo ang kalayaan nila sa Palasyo. Ngayo'y halos inagaw na ni Solicitor General Jose Calida ang inisyatibo ng Kongresong talakayin ang prangkisa – bagay na ito lamang ang may karapatang magbigay at magkait.

Hindi normal na nakakalusot sa mga mahistrado ng Korte Suprema (SC) ang mga makalaglag-upuang teorya ni Calida (tulad ng quo warranto). Bakit? Dahil ito'y mga argumentong nagtutulak ng benggansya at panggigipit ng mga kritiko. Sa simpleng pagtatalakay nito imbes na lantarang pagbabasura, nabibigyan ito ng legitimacy – at ‘yan ang gusto ni Calida. 


Ikonek natin ang mga tuldok.

Pagpapasara ang naging agarang aksyon ng Securities and Exchange Commission (SEC) sa itinuturing nitong problema sa isang PDR ng Rappler. (Pinaninindigan ng Rappler na walang palso rito.) Pero mismong Court of Appeals ang nagrekomenda sa SEC na bigyan ng pagkakataon ang Rappler na remedyuhan ang ownership structure nito – bagay na ipinunto rin ng maraming ligal na komentarista.  

HIndi na namin mamalisyahan pa na si Calida ang nagsimula ng imbestigasyon sa Rappler, samantalang bago ito’y aprubado ng SEC ang PDRs ng online news site. Umaasa na lang kaming paiiralin ng SEC ang hinahon at fair play sa pagtrato sa Rappler at iba pang kumpanya ng media.

Noong 2018, naglabas ng ligal na opinyon ang Department of Justice na puwedeng magpay-per-view ang ABS-CBN. Ang pay-per-view ay normal na kalakaran sa mga telebisyon at streaming services sa buong mundo. 

Pero biglang-bigla nitong 2019, binaliktad ng National Telecommunications Commission ang posisyon dito. Pinagpapaliwanag at pinatitigil ang pay-per-view. Sa harap ng paratang na ito at marami pang iba, naninindigan ang ABS-CBN na hindi nila nilabag ang batas.

Hindi lamang mga mamamahayag ang dapat manginig. Kapag isinama rito ang mga atake sa mga concessionaire ng tubig, lumilitaw ang isang environment para sa negosyo na makapritso at hindi patas. Isa itong environment na kung saan ang mga regulator tulad ng SEC, NTC, at Metropolitan Waterworks and Sewerage System  – na dapat ay walang kinikilingan – ay madaling mapasunod ng mga pulitiko.

Ngayong kumakatok na ang lahat sa pintuan ng Korte Suprema, ito ang dasal ng mga Pilipinong nagmamahal sa kalayaan: mapa-Duterte appointee man sila, nawa’y huwag payagan ng SC na gipitin ang kalayaang pamamahayag.

Nakaukit na sa doktrina ng batas na may “presumption of unconstitutionality” ang ano mang bagay na nagpapahirap ng buhay ng mga mamamahayag. Hindi ba't lantarang pagsaling ng prinsipyong ito ang pagtanggal ng lisensya at pagkakait ng prangkisa? Bakit pagwasak at hindi pagreremedyo ang pinaiiral kapag media ang nakasalang?

Alam namin ang dahilan: dahil mainit si Duterte sa kritikal na media. At gusto niyang maningil sa pamamagitan ng panggigipit ng negosyo, pagwe-weaponize ng mga batas, at higit sa lahat – tulad ng inihayag na niya, ang pambababoy sa media.

Walang normal sa buhay pulitika natin ngayon. Huwag tayong masanay sa bagong normal kung saan walang batas na hindi kayang baluktutin at kung saan ang puti ay itim at itim ay puti.

Dahil sa Rappler at sa mga kapatid namin sa pamamahayag, ang tama ay tama at ang mali ay mali. #DefendPressFreedom – Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles