Wala namang pinipiling buwan ang pag-ibig; walang araw o oras kung kailan dapat magmahal o magparamdam ng pagmamahal. Kaya kahit tapos na ang consumerist holiday na nagpapanggap na araw ng pag-ibig – Valentine’s Day, ano pa ba? – ihahabol ko itong pagtalakay sa resulta ng pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagsasabing 4 sa 5 kababayan daw natin, tayo mismo ito, ay sapiosexual o, simply put, iyong attracted sa katalinuhan higit sa kahit anong factor o salik ng pagkatao.
Para ilapat sa konteksto, inilabas ng SWS ang resulta ng survey noong Pebrero 14. In fact, explicitly stated itong Valentine’s Day sa mismong tanong na ginamit para makalap ang impormasyon: “Pag-usapan naman po natin ang tungkol sa Valentine’s Day. Kung tutuusin, mas naaakit po ba kayo sa katawan o sa utak ng isang tao? (Let us now talk about this coming Valentine’s Day. Trying to be as honest as you can, are you more attracted to people by their bodies or their brains?)”
Oo, itinapat sa Valentine’s Day, ang de facto Araw ng mga Puso ng sambayanang may gagastusin para sa regalo sa minamahal at mamahalin pa lamang. Ang ganda lang ng irony. Napaka-anti-climactic. Araw ng mga Puso, pero mas kaakit-akit sa marami sa atin, ayon sa survey, ang utak. Well, synecdoche siyempre iyon, utak bilang representasyon ng katalinuhan, ng wisdom, hindi utak na rekado sa sisig o dinakdakan. Hindi lang basta wais gaya ng wais na modus na natuklasan recently sa Bureau of Immigration; hindi lang maparaan gaya ng pamamaraang hindi paghihintay sa renewal ng prangkisa, quo warranto at gag order na agad. Hindi lang basta madiskarte gaya ng diskarteng pagbawi sa isang tratado dahil lang sa pagmamaktol ng espesyal na opisyal ng pamahalaan. Ayon sa survey, naaakit ang 4 sa 5 kababayan natin sa utak. Talino. O iyon nga kaya? Baka naman kulminasyon ng lahat ng kakayahang nabanggit ko? Hindi lang academic na talino, hindi lang basta mataas ang IQ. Hindi lang basta techie geek nerd na talino. Mautak.
Panahon nang suriin natin ang pagiging mautak at kung paano ito ilalapat sa resulta ng survey na ito. Puwede naman kasing itanong ng survey kung ano ang mas gustong katangian sa makakapareha; sa halip, “attracted” ang pandiwang ginamit. At hanggang doon lang, attraction. Walang involved na damdamin sa tanong. Napaka-ephemeral. At pansinin ang pagpipilian: katawan at utak. Mabilis mag-manifest ang unang option – biswal, kita, o dama agad. Maganda o guwapo, maganda ang hugis ng katawan. Makintab ang mahabang buhok, makinis ang balat. Matangkad. Mabango. Samantala, matagal mag-manifest ang pagiging mautak. Hindi sa iisang pagkakataon lang para masabing matalino, wais, madiskarte. Unless quiz bee. O nakasama mo sa isang kagipitan ang tao na itong kaybilis gumawa ng paraan makaligtas lang, a la MacGyver o Bear Grylls. Sorry, wala akong maisip na survivalist na Filipino pop culture icon – ay meron pala, si Enrile.
Tama ang survey. Ideally, oo, attracted tayo sa isang mautak na tao kaysa guwapo o maganda nga pero mugmog naman ang laman ng bungo. Pero, ang mas kritikal na tanong, ay kung may kakayahan pa ba tayong kumilala ng may utak. Nakapaghihintay pa ba tayo hanggang mag-manifest ang talino? Oo, attracted tayo, pero baka hanggang attraction lang. Bordering on impression. Kaya, at the end of the day, personalidad, hitsura, impluwensiya, kayamanan pa rin ang mananaig kapag beyond attraction na ang usapin. Case in point? Oo nga’t naaakit tayo sa matatalino, pero kulelat ang katalinuhan bilang katangian sa mga ninanais nating maglingkod sa atin.
Another case in point? Maraming sinasabi ang resulta ng survey, pero, siyempre, dahil ang coverage na lang ng media ang binasa, if at all (dahil may iba akong kakilalang pamagat lang talaga ng artikulo ang binabasa, tapos ang dami na niyang opinyon tungkol dito) kaya ang karaniwang comment sa thread ng social media ay pagsang-ayon. Something in the line of, attracted ako, gaya ng karaniwang Filipino, sa matalino dahil ako ay hindi. Kaya madalas tayong malinlang sa pag-aakalang matalino ang napupusuan.
Kailangan pa nating galingan dahil may malaking tsansang matalino lang din ang maaakit at makakakilala sa tunay na matalino. Hindi tayo dapat detached sa pagkaakit natin sa mautak at matalino. Kung naakit tayo, siguro, kaakit-akit din tayo kung tayo mismo ang matalino.
Sa antas ng pakikipagkapuwa, pinto ang atraksiyon o ang pagiging kaakit-akit. Depende kung papasukin mo para makilala nang husto o, sige, sakyan na natin ang timing ng survey dahil explicit naman sa tanong, kung mahuhulog at mamahalin. O sa jargon ng mga millennial at Gen Z, ma-fall. Whatever.
Pagkatapos ng inisyal na atraksiyon, ng pagkaakit, ano na ba? Kung hindi matutuloy, na malamang nga ay hindi, hindi ba’t babalik na naman ang marami sa atin sa kaniyang digital na mundo habang naiipit sa tila wala nang solusyong traffic? Habang nakapila’t naghihintay sa pagdating ng tren? Ikukulong ang sarili sa kalayaang hindi magpakatalino sa kabila ng katotohonang sumasambulat ang karunungan at impormasyon sa monitor ng kaniyang gadget at internet connection? Sabagay, kasabay ng impormasyon at karunungan ang, madalas, mas tahasan at mas agresibong pangmamangmang.
Ang sarap sanang isiping kaakit-akit ang matalino sa marami sa atin. Pero, at ito ang magandang pag-isipan, hinihikayat ba ng lipunang ito ang maging matalino? Akma pa ba ang moda ng edukasyon para maging matalino ang marami sa atin? Kasama ba ang karunungan bilang pre-requisite natin sa mamumuno sa bayan? Gaya nga ng gasgas na mantra ng vote wisely at matalinong pagpili, parang hindi.
***
Nais kong samantalahin ang pagkakataong ito upang magpasalamat sa Philippine Normal University (PNU), ang aking college alma mater kung saan ako nagtapos ng BSE Social Science degree noong 2002. Ginawaran po ang inyong lingkod ng Gawad Sulo – PNU Eminent Alumni for Education. Naks. Hindi man ako naging masyadong mabuting estudyante – 8 taon ba naman sa kolehiyo – pinilit ko namang itaguyod ang ngalan ng unibersidad saan man ako mapadpad.
Sa PNU din nagtapos ang aking mga kapatid. Wala kasing ibang nais na unibersidad ang aming ina para pag-aralin kami, PNU lang. Pangarap kasi ng aking ina na maging guro, na hindi niya natupad dahil sa kahirapan. Kaya bilang biyaya o sumpa, doon kami lahat nag-aral magkakapatid.
Pero hindi lang kaming magkakapatid ang nag-aral sa Normal. Sa PNU ko rin nakilala ang aking makakasama sa paglalakbay sa road to forever. Kaklase ko sa unang taon sa kolehiyo ang mapapangasawa ko palang guro ngayon ng agham sa aming lalawigan.
Sanhi ng napakaraming dahilan, pangunahin na ang pera at ang pag-uukol ko ng mas mahabang panahon sa pagsusulat kaysa pag-aaral para magkadiploma, kaya ako inabot nang 8 taon sa kolehiyo. Hindi normal, ang tagal. Dahil ang normal na pag-aaral sa Normal ay 4 na taon lamang. Pambihira na ang abutin nang 5 taon. Kaya lalong pambihira ang abutin nang 8 taon.
Ngunit gayunmang inabot ng ganoong katagal, hindi ko naman masasabing wala akong natutuhan. Mas inuna ko lang ang pagsusulat, ang nangunguna kong pangarap. Pero nang magtapos at maging propesor naman ako, hindi ko binigyan ng pagkakataong pagdudahan na ako ay nagtapos sa nangungunang unibersidad sa bansa para sa nagnanais maging guro. O, gaya ng sa kaso ko, pinilit maging guro ng yumaong ina na alam kong natutuwa habang nakatunghay sa akin sa awarding.
Muli, salamat PNU. Lubos kong pahahalagahan ang pagkilalang itong, sa totoo lang, mabigat na responsibilidad sa aking panatilihing maging karapat-dapat. – Rappler.com
Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, research, at seminar in new media sa Departamento ng Literatura at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas, research fellow din si Joselito D. delos Reyes, PhD, sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Siya ang coordinator ng AB Creative Writing program ng Unibersidad ng Santo Tomas.