Sa pagkakataong ito, tatawagin kong Dos. Mas kilala kong institusyon ang Dos kaysa sa mas pinag-uusapan at mas bantog nilang pangalan: ABS-CBN, at lahat ng estasyong ibino-broadcast nito sa cable TV at mahiwagang black box, pati na ang mga kompanyang nag-o-operate sa ilalim ng matandang kompanyang ito.
Kahit na Channel 32 sila sa cable subscription namin sa lalawigan, sa akin, Dos pa rin sila. “Panoorin natin sa Dos,” sasabihin ko. O kaya, “Tingnan nga natin sa Dos,” kapag kailangang i-validate ko ang balita na galing naman sa Siete. O sa ibang cable news channel mula sa ibang bansa.
Bukod kasi sa mas madaling bigkasin kaysa sa ABS o ABS-CBN, nakagisnan kong Channel 2 sila sa free TV, magmula pa noong Nivico ang tatak ng black and white na telebisyon naming iilan ang channel na puwedeng panoorin hangga’t hindi nababali ang antenna o nasisira ang bilog na pihitan ng channel o volume. Oo, mga milenyal, may panahong wala pang remote control at puro pa pihitan ang telebisyon.
Kahit sa malalapit kong kaibigang humuhugot ng kabuhayan sa kompanya, itatanong ko, halimbawa, kung kumusta na ang kalagayan nila sa Dos. Nagkakaintindihan na kami sa terminong Dos.
At ayaw ko ang ilang personalidad at palabas sa Dos.
Una, ayoko sa ilang prominente nilang komedyante at mga nagpapatawang palabas. Hindi ko gusto ang ilang atake nila sa humor that catapults on somebody else's perceived weakness/es. Sa teorya, ang tawag sa ginagamit ng mga mapanlait na komedyante ay superiority theory – iyong pagtatawanan mo ang perceived na kahinaan o kapintasan ng iba para maramdaman mong superior ka. Tatawa ang marami, hit na hit, habang sa kaibuturan ng isip ng audience, sinasabi: Mabuti na lang wala akong kapintasang gaya ng na-highlight ng komedyante sa kaniyang pelikula, sa mga palabas sa telebisyon, at sa live performance.
Sa ganitong uri ng humor sila lumulunsad. Namimintas. Namiminsala. Para lang magpatawa. Well, may tumatawa naman kasi. Kaya kailangang ipamulat na may healthy kind of humor. But that’s another topic altogether for another column.
Pero gayong hindi ko gusto ang mga komedyante at ilang mga sitcom ng higanteng network, nagagamit ko sa aking mga talakayan sa komunikasyon, new media, at cultural studies ang pamamaraan ng kanilang mga manunulat, direktor, at artista.
Ayoko sa mga prominenteng talent at palabas ng Dos na nagpapatawa. Pero sa kamay ng masinop na edukador, mulat na magulang, bukas ang isip at nagninilay na mamamayan, may matututuhan tayong leksiyon hinggil sa kulturang popular at malayang pamamahayag. Oo, maging sa pragmatics at discourse analysis ng paraan ng pagpapatawa at pagpapahayag nila.
Ikalawa, ayoko sa ilan sa mga nangungunang broadcaster at news reader ng Dos. Pakiramdam ko, bilang anchor at commentator ng mga nangungunang programa sa radyo’t telebisyon tuwing prime time, hindi nila napapalalim ang maraming isyu. Pakiramdam ko, hindi nasasapul ng kanilang modulated voice ang mga kritikal na usapin. Pakiramdam ko rin, sa angas na bumubukal sa kapangyarihan, popularidad, at edad sila humuhugot ng masasabing puhunan para manatili sa kanikanilang programa.
Ngunit bagamat iconic ang mga boses, alam mong marami kang hahanapin lalo kung nag-iinterbiyu sila ng mga personalidad ng balita pero kulang ang pananaliksik. Oo, hindi mo pupuwedeng iasa lahat sa researchers ang pananaliksik hinggil sa isyu. Minsan, bumubukal din dapat ang wisdom brought about by age and experience.
Pero gayong hindi ko gusto, nagagamit ko sa aking mga talakayan sa loob at labas ng classroom – lalo sa ilalim ng mga paksa sa komunikasyon, politika, at cultural studies – ang kanilang mga paraan at modulasyon, ang pagtatagpo nang sabay ng kanilang political capital at kapangyarihang taglay ng pagiging kasapi ng fourth estate o media.
Magandang pag-aralan at pagnilayan din ang dynamics ng popularidad bilang pangunahing factor na naging tiket ng marami sa kanila para mahalal noon hanggang ngayon sa political position. Ilan na bang personalidad na galing sa Dos ang naluklok sa posisyon na ang tuntungang entablado para sa kampanya ay ang pagiging mamamahayag, television host, new anchor, o kasangga ni Cardo Dalisay? Huwag na nating isama ang mga personalidad na naging paksa ng Maalaala Mo Kaya? dahil mas lalo lang magiging komplikado.
Ayoko sa ilan sa kanila kahit na institusyon pa sila sa Dos. Kahit na kopo nila ang oras at audience sa radyo at telebisyon. Ayoko lalo sa kanila nitong mga huling araw dahil mistula silang nagmamalinis, hindi tumitindig, at nagpapaubaya sa isyu at daluyong na kinakaharap ng kompanyang kumalinga at bumuo sa kanila. Ayoko sa ilan sa kanila, pero sa kamay ng mulat na manonood at tagapakinig, may matututuhan tayo sa malawak na saklaw ng araling kultural at talastasan. Matututo tayo ng ilang leksiyon sa retorika ng tindig, angas, modulation, at personal branding.
Ayoko sa maraming palabas, gimik, at personalidad ng Dos. Pero hindi ito nangangahulugang gusto kong mawala sa ere ang institusyon. Dahil sa bawat hindi ko nagugustuhan, pinipilit kong unawain ang kanilang pag-iral upang maging kapakipakinabang sa pagtuturo ko sa aking mga kapamilya (pun not intended), estudyante't ka-Facebook na tumatangkilik sa kanilang programa at humahanga sa kanilang talent at artista.
Maraming leksiyon sa maraming saray ng karunungan ang maaaring makamit sa bawat talakayang ibinubunga ng pagpuna at pagsipat sa palabas at sistema ng Dos, pati na ang ancillary industry sa likod ng kompanya.
Hindi lang basta tayo dapat umaayaw o, sa kaso ng Dos, nananawagang ipasara. Inaalam dapat natin, inuunawa, ipinaliliwanag ang dynamic existence ng mga bagay-bagay para tayo matuto.
Bukod sa balidong dahilang maraming mawawalan ng trabaho at mawawalan ng ugnayan at libangan ang mga OFW at mga kababayan nating immigrant sa ibang bansa, idaragdag ko ring dahilan kung hindi na papayagang umere ang Dos ang pagkawala ng pagkakataong mas makilala natin ang ating sarili sa pamamagitan ng pagtataya natin sa kalakasan at kahinaan ng bawat personalidad, palabas, at sistemang umiiral, pati na ang dinamismo ng pagtangkilik natin sa estasyon. Gaano ko man hindi magustuhan, may natutuhan naman ako rito. May matututuhan tayo sa lahat ng ito.
Aminado naman ang Dos na hindi sila perpektong organisasyon. Dahil, sa totoo lang, baka wala naman kasing perfect company or organization, lalo pa ang nasa linya ng pamamahayag at broadcasting.
Nananalig akong mananaig ang katarungan para muling mabigyan ng pagkakataong mag-broadcast ang ABS-CBN. Masakit nga lang isiping nakasalalay sa mga kinatawan natin sa Kamara at Senado ang kinabukasan ng kompanya. Let that sink in. Kinatawan natin ang operative term. Pero ang marami sa mga kumukuyog sa Dos ay parang mas kinatawan lang ng Pangulo kaysa sa distrito at mamamayang nakatira dito.
Marami akong ayaw sa Dos, pero anytime mas pipiliin ko ito kaysa sa state-run na Kuwatro. Marami akong ayaw sa Dos, pero, mabuti na lang, wala akong makapangyarihang petty political tantrums. – Rappler.com
Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, research, at seminar in new media sa Departamento ng Literatura at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas, research fellow din si Joselito D. delos Reyes, PhD, sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Siya ang coordinator ng AB Creative Writing program ng Unibersidad ng Santo Tomas. Concept creator siya dati ng isang masayang palabas sa telebisyon.