Kapag sinabing “Manuel Baldemor,” walang ibang sasagi sa isip kundi “kulay.”
Bilang pintor, siya ang isa sa pinakamaligaya at pinakamaliwanag na Filipinong kolorista.
Siksik, liglig, at umaapaw, wika nga, ang obra niya sa hulagway ng malikhaing sarikulay.
Mula pintura hanggang print, lagi’t lagi niyang kinukulapulan ang kaniyang kambas o papel ng mapag-arugang silahis ng bukang-liwayway o mapagpalang pananalamin ng dagat sa langit o mapagpalayang labi ng sanggol na pinangiti ng gatas ng ina.
O ng Ina ng Laging Saklolo?
Nakukuha pa nga niyang pahiran ng pinturang parang para sa taka ang kaniyang kahoy na inukit.
Walang iniwan sa kaniyang hinilamusang plato’t platito ng mariwasa.
O dinutdutang de-kalidad at de-kolor na tela.
Walang kawala.
Wala.
Kaya, laking gulat ng lahat, nang di-kaginsa-ginsa’y ang hangin ay nag-iba.
O nagibá.
Nagimbal din kaming naniwala at nagtiwalang kilalang-kilala namin siya.
Mula ulo hanggang paa.
Nagulantang ako mismo nang walang ano-ano’y nag-post siya sa Facebook!
Akala ko ba’y wala siyang oras?
Tapos ngayon…
Nagbalik siya sa kaniyang panahon ng puti’t itim.
At nananalangin: “Panginoon, nagsusumamo po kami sa lyo na matapos na ang kalamidad at salot na nararanasan namin ngayon dulot nang pagsabog ng Bulkang Taal. Nawa'y ang buong pamilya namin ay ligtas sa anumang kapahamakan at bigyan Mo po ang bayan naming minamahal ng panibagong buhay at pag-asa sa hinaharap. Maraming Salamat Po.”
Enero 13 noon.
Kasabay na kasabay ng kaniyang “Welcome Spring: An Exhibition of Paintings by Manuel D. Baldemor” sa Art Circle Gallery sa Shangrila Mall.
Kalipunan ito ng mga kambas ng maliliit na puti’t rosang bulaklak na nakapalibot sa damuhang asul at granate; nakalawit na mga sangang natutuldukan ng iba’t ibang bahid ng berde na sumasapo sa malamlam na buwang animo’y itlog; sandosenang pùnong punòng-punò ng bùhay kaya mapagkakamalang mga ballerinang may kasuotang korteng sorbetes na may maraming lasa; nakayungyong na sakurang nabibigatan yata sa mga usbong nitong nakasabit sa tapat ng patong-patong na kuwadradong kiping; bulkang tatsulok na ang ngusong puting bughaw sa pulang paligid ay nakikipaghalikan sa mga munting puting sigay; pagodang may tatlong palapag sa gitna ng mandarinang langit na ikinuwadro ng sampagitang tinuhog ng itim na alambre; at iba pang larawang magpapaalala’t mapagkakamalang likhang-sining ng mga Koreano o Hapon o Tsino.
Maliban sa ang mga ito ay may kabahayang ang bubong ay Baldemor na Baldemor!
Bakit?
Sapagkat ang tatak na ito ay nakasanayan na niya noong nag-uumpisa pa lamang siya – ngunit nagwagi na ng unang gantimpala sa Art Association of the Philippines – noong 1973 kung kailan kinatawan din niya ang Filipinas sa XIV Internationale Art Exhibition sa Paris.
Ito ang laman ng kaniyang post noon ding Enero 16.
Ang ipinagkaiba lamang nito ay ang kaniyang bagong dasal: “Dalanging makabalik sa masaya at masaganang pamumuhay ang mga nasalantang kababayan natin sa pagputok ng bulkang Taal. Amen.”
Pero ang kapuna-puna ay ang kaniyang mensahe sa Ingles: “Home is the one place in all this world where hearts are sure of each other.”
Opo, bahagi po ito ng paalala o pangongonsensiya ng isang klerigong Anglican na si Frederick W. Robertson mulang London.
Subalit, ang tinutukoy niya ay ang tahanan ng mga Baldemor!
Walang iba kundi ang Paete, Laguna.
Bakit kaya?
Anong ang nagtulak sa kaniya para magbalik sa kaniyang bayan?
Kahit siya ay maituturing ding isang anak ng Pasig!
Nasagot ang katunungang ito – hindi ng kaniyang mga retratong kuha ng kaniyang kamag-anak at kaklaseng kaniyang ipinasyal sa bagong mansion at/o museo na tinaguriang Likhaan – kundi ng isa pa niyang post noong Pebrero sa wikang Paeteño:
“BAI NA , BALING-BALI KA BULKANG TAAL, SUKAT BA NAMANG PUMARINI YANG MGA ABU MO DITO SA AMING BAYAN SIGURO AY PINATUNAYAN MO NA HINDI KA SIMPOT AT KAYA MONG HAYUNIN ANG BAYAN NAMING PAETE. PATI AKUY HINDI MO PINATULOG SA BAGSIK NG IYUNG IYAMUT, KAYA PUMARIYAN AKO AT IPININTA KO ANG IYONG PALIGID. HINDI SAMLANG ANG MGA BATANGENYO, UNTI-UNTI SILANG BUMABANGON GAWA NANG IYUNG KADASKULAN. MARAHIL BAGA AY SINUSUBUKAN MO ANG MGA KABABAYAN NATIN AY MAGKAKA-BUNGKOS. YAUT-ITO SA PAGBIBIGAY-BIYAYA MULA PA SA IBA’T IBANG LUPALUP ANG PUMAPARIYAN PARA MAKABALIKWAS MULI ANG MGA TIGA-BATANGAS. KAYA IKA’Y MANAHIMIK NANG MULI AT HUWAG MO NA RIN KAMING UGA-IN PARA MABILIS TUMUBO ANG MASARAP MONG KAPE AT BUMALIK ANG DATI MONG KARIKTAN.”
Inamin niya, sa wakas, ang totoo.
Mula noong Enero 12 nang mag-alboroto ang Bulkang Taal, hindi raw siya makakatulog pag hindi niya ipipinta ang lupit ng kalikasan.
Kaya, habang kalmado na ang bulkang nabanggit, lumapit siya rito para ipinta.
Saan daw nanggagaling ang kaniyang tapang?
Pabiro man o hindi, tumugon pa rin siya nang masigla sa mga may tandang pananong: “Binahaginan ako ng Dada ni Ming ng agimat galing kay Julian Minang.”
Sino siya?
Siya rin ba si Bulanggugo?
Itanong na lang natin sa mga umuusbong na dahon ng puno ng Talisay na nasa kaniyang tabi habang lumilikha sa may lawa ng Taal.
Daig pa niya ang sinapian sa kaniyang walang-sawang pagpipinta.
“Malungkot isipin,” aniya, “pero kailangang ilabas mula sa dibdib ang nararamdaman.”
“Gusto ko ’yong gaspang! Parang apocalyptic!” puna’t puri ng manunulat at pintor ding si J.R. Abdon Balde.
“Ang gusto ko namang ibahagi dito ay gayong lambot,” pakli ni Baldemor, “landi at haplos ng aking pinsel.”
Noon at doon tumahimik ang kaniyang kaligiran.
Maabo.
Malabo.
Malayo sa kinagisnan nating Baldemor.
Ito ba ang tinatawag niyang pusali ng langit?
Kung saan siya sarap na sarap na nakikipag-usluan?
Habang may magka-ternong halo-halo at mani?
Ganito ba ang pakikikurawraw?
Nitong Biyernes, Pebrero 28, binuksan ang eksibit niyang “Bulkang Taal: Bangon Batangas” sa Central Atrium ng SM Mall of Asia.
Iiikot ito sa mga SM Supermalls sa Tagaytay, Lipa, at San Pablo.
Ang pondong malilikom dito ay para sa nasalanta ng nasabing sakuna.
Hindi na bago ito kay Baldemor.
Una, dahil ang higit sa kaniyang 24 na disenyo ay ginawa nang greeting cards ng United Nations Children's Fund of Unicef.
Ikalawa, dahil marami na siyang natulungang institusyon at indibiduwal sa loob at labas ng bansa.
Ikatlo, dahil hindi raw niya maalis sa kaniyang diwa’t damdaming nagluluksa sa pagkawala.
Ikaapat, dahil siya ay nagdadalamhati.
Ikaalima, dahil rin ay biktima.
– Rappler.com
Sa ngalan ng siyensiya’t sining, tumutulong si Vim Nadera sa mga maykanser, may AIDS, nagdodroga, “comfort women,” batang kalye, inabuso, naipit sa mga kalamidad na likha’t likas, at mga nagdadalamhati. Ilan sa kaniyang mga proyekto ay Textanaga, Panitikabataan, panitikan.com.ph, Pistang Panitik, Pagpupugay sa mga Pambansang Alagad ng Sining. Conspiwriters’ Tuesdays, O.M.G. (Open Mic Gig), Kaakuhan, Word Jam, at Akdang Buhay. Itinanag nila ng kaniyang kabiyak ang Foundation AWIT (Advancing Wellness, Instruction, and Talents) Inc.