Hindi raw magmamadali si Pangulong Rodrigo Duterte na itigil ang mga Philippine Offshore Gaming Operator o POGO sa bansa sa kabila ng 'sanlaksang ebidensyang malaking sakit ng ulo ito kaysa ganansya.
1. Nagmamahal ang upa at halaga ng tirahan – at hindi na abot-kaya ng mga Pilipino ang nagtataasang renta.
2. Kakarampot ang nabibigyan ng trabaho ng mga POGO dahil hindi naman bihasa sa salitang Tsino ang mga Pilipino.
3. Tumindi ang krimen at sabi mismo ng pulisya, may kaugnayan ito sa dami ng mga Tsino na pumasok sa bansa. Pangkaraniwan ang pangingidnap ng mga manggagawang POGO.
3. "Pastillas" bribery scheme sa Bureau of Immigration: napapadulas ang pagpasok sa bansa ng mga empleyadong Tsino ng mga POGO – kahit hindi maayos ang papeles – kapalit ng suhol na P10,000 bawa’t tao.
4. Nagiging pugad tayo ng “fast-food style” na prostitusyon – makikita ang mga larawan ng mga trafficked women sa WeChat at Telegram chat groups, kung saan nakasaad ang "menus of services."
5. Pumasok sa bansa ang tinatantsang $210 milyon (P10.6 bilyon) dirty money dala ng mga Tsino, ayon kay Senador Richard Gordon.
6. Malawakan ang tax evasion ng mga POGOs. Ayon sa BIR, nasa P50 bilyon na franchise, corporate, at iba pang taxes ang hindi bayad ng mga POGO.
Sa kultural na antas, nagbigay daan ito sa pagtindi ng xenophobia laban sa mga Tsino – dahil tingin ng mga Pilipino'y inaagawan sila ng mga Tsinong manggagawa ng trabaho. (Hindi ito totoo dahil hindi kwalipikado ang mga non-Chinese speaking sa mga trabahong ito.)
Mismong mga Tsinong opisyal ay ilang ulit nang nagdemandang itigil na ng PIlipinas ang mga POGOs na tumatarget sa mga mainland Chinese. Ayaw na ayaw ng Tsinang maadik ang mga mamamayan nito sa pagsusugal, at lalong ayaw nitong nahihigop ang consumer spending palabas ng kanilang lupain.
Tinuligsa ni Senador Frank Drilon ang mukhang perang “stupid mindset” na nagkukunsinti ng mga POGO sa kabila ng gabundok na problemang dulot nito.
Sabi pa ni Senadora Risa Hontiveros, “We sold our borders for Chinese money.”
Pabigat ang mga POGO sa panlipunang sistema nating hindi handa rito.
Tulad ng kapulisang hindi makatugon sa tuminding kriminalidad, prostitusyon, at drug trafficking dahil sa balakid ng lenggwahe. Tulad ng Bureau of Immigration, na sadya nang marupok ang safeguards laban sa korupsyon – ay naharap pa sa higit na tukso mula sa mga POGO.
Kapalit ng perang Tsino — pinapayagan din nating makasangkapan tayo sa human trafficking.
Halimabawa ito ng bara-barang pamamahala ng gobyernong Duterte: shortsighted at hindi alintana ang social costs. Halimbawa ito ng gangster mentality ng mga opisyal natin na nag-aasam ng mabilis na kita kapalit ng ating katinuan at kaluluwa.
Hindi na natin kailangan ang problemang hatid ng mga POGO sa harap ng tumitinding krisis sa coronavirus. Bunutin na natin ang tinik sa lalamunang ito. – Rappler.com