Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON | Wikapedia] Anak ka ng virus!

$
0
0

 Kung talagang nag-lockdown tayo ngayon, siguradong iuugnay ito sa pagiging Friday the 13th nito.

Maliban na lamang kung di ka lang lohikal kundi rasyunal na indibiduwal.

Alam mong ang lahat ng bunga ay may sanhi.

Masyadong matao na ang planetang ito.

Mas konektado.

O konektodo?

Dahil sa dami ng mga tao, nakatitiyak ang mga mananaliksik na 20% hanggang 30% ng populasyon ng sandaigdigan ang magiging apektado kung sakaling ang pandemiko noong 1918 ay magaganap ngayon.

Pihadong mapapatid ang sistema ng sasakya’t suplay ng pagkain, enerhiya, at gamot.

At paano na kaya ang pangangalagang pang-kalusugan?

Bukod sa magulo’t masalimuot, tiyak ito ay magastos.

Kung noo’y umabot ito sa $181 bilyon, magkano na nga kaya ngayon?

Pakantandaang para kontrolin nang tuluyan ang SARS (Severe Acute Respiratory Syndrome), kinailangan ay $30 bilyon. 

Sa loob lamang ng 4 na buwan! 

Noong 2018, ipinagdiwang ng Centers for Disease Control (CDC) ng Estados Unidos ang ika-100 anibersaryo ng paglaganap ng Spanish Flu (SF).

Inamin ni Dr Manfred Moerchen ng CBM International na ibang-iba ito sa coronavirus disease (COVID-19), pero ibinahagi pa rin niya ang mga aral na dapat nating matutuhan sa nakaraan.

Una, ang SF ay nagsimula lamang sa 18 kasong inireport subalit pinaslang ito ng halos 50 milyon sa buong sanlibutan.

Ikalawa, sinundan pa ito ng sinasabing “simpleng” pandemiko noong 1957,1968, at 2009.

Ikatlo, lahat ng nabanggit ay nag-umpisa mula sa genes galing sa tao o di kaya’y ibon o baboy na walang ipinagkaiba sa  COVID-19 na diumano’y mula sa paniking may impeksiyon.

Ikaapat, dumadami sa loob ng 20 taon ang ulat tungkol sa bagong flu at tinatayang 3 hanggang 5 milyong malubhang kaso at 300,000 hanggang 600,000 pagkamatay tulad, halimbawa, ng nangyaring pagpanaw ng 25,000 Aleman noong taglamig nitong 2017 hanggang 2019.

Ikalima, papataas nang papataas din ang impeksiyon sa tao galing sa mga ibon.

Kung baga sa bugtong: “Hindi hayop, hindi tao, magkasalubong ang mundo.”

Oo.

Ito nga ang pinangangambahang “converging world of animals and humans.”

Ito ay dahil sa komersiyalisasyon – o komersiyal na produksiyon – ng mga manok at baboy.

Dito sa Filipinas, kapag sinabing putahe, ang ibig sabihin nito ay karne.

At kapag sinabing karne, ang ibig sabihin nito ay baboy kung hindi man baka.

Ang siste, lagi’t laging tumataas ang presyo ng karne.

Kaya ito naging simbolo de estado.

Pobre ka kung wala kang karne sa mesa.

Tuloy, ang atake de corazon, o cardiaco, ay pang-mayaman lamang.

Noon iyon.

Ngayon, kahit nga galunggong ay di na rin ganun.

Hindi na ito ang sukatan o simbolo ng kahirapan.

Mas mahal pa nga yata sa karne ang isda.

Kung ganun, ano ang pinakaabot-kaya ng masa? 

Manok.

Kung baga, ito ang maituturing nating Pambansang Ibon!

At ang pritong manok ang Pambansang Ulam?

Puwede.

Kahit saan ka kumain, o makikain, ngayon, lahat may manok.

Lalo na sa mga fastfood.

Naalala ko tuloy ang modelong taga-Colombia na si Natalia Paris.

Di ba binatikos siya sa kaniyang teorya kung bakit dumadami ang bakla kahit saan?

Aniya, sa Caracol TV, ang dahilan ng pagiging bading ay ang pagkain ng mga kabataang – sa pagitan ng edad 7 at 10 – ng fried chicken at iba pang pagkaing may manok.

Sa ganang-kaniya, ito ay dahil nakakain din natin ang mga hormone na itinuturok sa mga manok.

Ikinagalit ito ng mga netizen, at kahit ng National Federation for Colombian Poultry Farmers (FENAVI), kay Paris, na isa pa manding aktibista para sa karapatan ng mga hayop.

Ang siste, sinegundahan pa naman ito ng presidente ng Bolivia na si Evo Morales, na nagsalita sa isang kumperensiyang pang-kalikasan noong 2010 na ang pagkain ng manok ay hindi lamang nakaka-bakla kundi nakaka-kalbo rin.

Ito ang ikinapanting ng tainga ni Cesar Cigliutti, ang presidente ng Comunidad Homosexual Argentina: “By following that reasoning, if we put male hormones in a chicken and we make a homosexual eat it he will transform into a heterosexual.”

Ano kaya namang mangyayari sa pagkain natin ng karne?

Ano’t ano man, may mabigat tayo ngayong kinakaharap.

Nilinaw ng CDC na noon pa dapat ito pinaghandaan.

Inaasahan na ang matitinding pandemiko ay magbubunga ng putol-putol na serbisyong pangkalusugan, kulang na suplay ng mga gamot at iba pang pangangailangang medikal, at nakapanlulumong epekto sa ekonomiya.

Ito na ang kongklusyon ng CDC noon pa mang 2018.

Subalit, sa kasamaang-palad, isinantabi lamang ito ng karamihan.

Mabuti na lamang at nariyan palagi ang mga siyentipikong walang pahinga sa pagsasaliksik.

Tulad ni Dr. Daniel Jernigan – ang sumulat ng 100 Years Since 1918: Are We Ready for the Next Pandemic? – na  nabasa ni Dr. Moerchen.

O ng mga bayaning nasa likod ng SARS CoV-2 PCR Detection Kit, na pinagtulungang paunlarin ng University of the Philippines-National Institute of Health, Department of Science and Technology, at Philippine Genome Center.

Sa kasalukuyang itinaas na ang Code Red ng Department of Health (DOH) at deklarasyon ng Public Health Emergency, saka lamang napapatunayan ang halaga ng pangangalap ng mga datos at daigdig. 

Dahil dito, kahit paano, marami-rami na rin ang kaalaman tungkol sa COVID-19.

Bagamat hindi pa sapat, lumalabas ang realidad.

Isa nga rito ay ang kawalan ng pakikipagtulungan ng pamahalaan sa pandaigdigang pag-aaral.

Ang nakababahala rito ay dagok nito sa dahop-palad.

Mas madalas kaysa hindi, sila ang pinakahuli sa priyoridad.

Habang patuloy rin sa pagbabago ng mga sakit, walang tapos din ang pag-iibang-anyo ng pandemiko.

Kahit ang karaniwang lagnat ay hindi na rin karaniwan.

At, ito ang puno’t dulo ng takot.

Sino ang may sagot?

Wala pa ngang gamot ang COVID-19.

Pero, itinuturo na nito ang totoo.

Lahat ng dapat nating malaman, kung tutuusin, ay matagal na nating alam.

O, wala lang.

Wala lang tayong pakialam.

Sa palengke ng hayop-gubat?

Sa mega-siyudad?

Sa populasyon?

Sa pagpaplano ng pamilya?

Sa ating panganganak nang panganganak?

Anak ka ng…

Virus!

Anak mo rin ang virus.

Totoo.

Tayo rin ang dahilan kung bakit tayo nagkakaganito.

Kapag kumain tayo ng karne, pinagdurugtong natin ang mundo ng hayop at ng tao.

Asal-hayop na rin tayo.

Ugaliin kaya nating kumain, halimbawa, ng mga bagay na hindi kailangang katayin para kainin?

Ambag natin ito, wika nga, sa edukasyong pang-kalusugan.

Mas mapapabilis natin – nang hindi natin namamalayan – ang pagtulong sa mas nangangailangan.

Pag-ugnay-ugnayin natin ang bayanihan hindi lamang sa loob kundi sa labas ng ating bahay, bayan, o bansa.

Napapasubo ka ba?

Teka, maghugas ka muna ng kamay. 

Rappler.com 

Sa ngalan ng siyensiya’t sining, tumutulong si Vim Nadera sa mga maykanser, may AIDS, nagdodroga, “comfort women,” batang kalye, inabuso, naipit sa mga kalamidad na likha’t likas, at mga nagdadalamhati. Ilan sa kaniyang mga proyekto ay Textanaga, Panitikabataan, panitikan.com.ph, Pistang Panitik, Pagpupugay sa mga Pambansang Alagad ng Sining. Conspiwriters’ Tuesdays, O.M.G. (Open Mic Gig), Kaakuhan, Word Jam, at Akdang Buhay. Itinanag nila ng kaniyang kabiyak ang Foundation AWIT (Advancing Wellness, Instruction, and Talents) Inc. 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>