Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINION] Kasalanan natin kung bakit kinukuyog si Mayor Vico Sotto

$
0
0

 

  Ganito na lang kasi kababaw ang kaligayahan ng marami sa atin. 

Kaya kapag nakakakita ng pinunong ginagawa ang trabaho, ang mamuno at mamahala, natutuwa ang marami sa atin, lalo’t kaydaling magpahayag ng organikong katuwaan sa social media. Kaya rin ang bilis nagte-trending (ehem, hindi kagaya ng scripted troll farm virtual utterance lately tungkol sa mga paawa eme eme). Masaya ang marami sa atin na para bang pambihira ang pinunong tunay na namumuno at namamahala sa bansang ito; pinunong hinuhugutan ng inspirasyon, lalo sa mga panahon ngayon. Wait. Pambihira naman kasi talaga.  

Sanay na kasi tayo sa maski papaano na lang. O maskipaps. Sanay na tayo, or, to be more precise, manhid na sa mabagal na pagtugon at aksiyon sa panahon ng krisis. Sanay na tayong dedmahin sa buong panahon matapos ang eleksiyon hanggang iparamdam na importante uli sa kampanya at sa mismong botohan. Sasayawan ka lang, panalo na. 

Sanay na tayo sa tersera klaseng pakikitungo ng mga pulitiko. Unless mahilig, natutuwa, at nai-inspire ka sa gibberish pronouncements. O sa mga pulitikong nagte-teleport sa kanilang posisyon bilang mambabatas o alalay. O sa mga ni-recycle na pulitikong may naaagnas na nakaraan at may mistulang naaagnas na pagmumukha.

Kaya kapag may deviation sa trapo ways of our politicians, masaya tayo. Puwede pala. Kaya naghahanap tayo ng aksiyon sa iba. Naghahambing. Nang-aasar. Eh maraming madaling mapikon. Lalo iyong mga may malawak na makinarya't matataas na posisyon. Idagdag pa ang may sinasakang mapagpalang farm ng mga troll.

Dahil alam ko namang pamilyar kayo dito sa ikinukuwento ko, kaya dederetsuhin ko na. Buong araw ba naman nating kaniig ang ating social media account. Tungkol ito sa batang-batang Pasig City mayor na si Vico Sotto, na noong una pa lang, dahil sa mga salik na hindi naman niya sadya, gaya ng pagiging anak ng mga personalidad ng showbiz, ay napagtuunan na agad ng pansin. Kaydaling mahulog ng atensiyon ng madla sa kaniya, lalo’t nagawa niyang talunin ang isang matandang lahing itinuring na pag-aari ang kapangyarihan sa city east of Metro Manila, lahing nag-ugat hindi lamang sa lungsod kung hindi sa mas matataas na bulwagan ng kapangyarihan sa bansa. 

Sa pagkahulog ng marami kay Mayor Vico, inungkat ng marami ang personal na buhay ng binata kahit na ayaw niya. Kakaiba si Mayor Vico sa nakagisnan nating pulitikong kahit ano na lang ang mapag-usapan, basta ma-cover o mailathala sa pambalot ng tinapa. Sinabi pa ng treinta anyos na punong lungsod: “If we want better governance, we should stop treating our government officials like showbiz personalities.” The nerve ng mayor na ito, ha? Sa panahong isinasapelikula ng mga laos na artista ang buhay ng mga pulitiko, sa panahong kanlungan ng mga laos ang mga opisina ng gobyerno, tigilan daw natin ang pagtrato sa mga pulitiko bilang showbiz personalities. Wala ito sa matandang trapo tenet, ha? Kakaiba.  

Well, hindi tayo nagpapigil. Matigas ang ulo natin. Maraming oras (lalo ngayon!) para bantayan ang kaniyang ginagawa. At sa bawat ginagawang ito na wala sa standard operational procedures ng mga trapo, natutuwa tayo. Isine-share, bininyagan ng hashtag, naging laman ng meme, itinuring na idolo. Mayroon pa ngang na-in love. Kaybibilis nating ma-fall.  

Ginawa nating benchmark ang Pasig. Ginawang biro ang kawalang-aksiyon ng ibang lungsod. Hindi nakapagtatakang may hindi natuwa sa mga ideyang out of the (trapo) box sa gitna ng mapaminsalang kalamidad. At sino ang hindi matutuwa? Siyempre iyong mga na-underscore ang inefficiency, lalo’t kay daling ma-access ang ginagawa, o kawalang ng ginagawa, ng iba pang pamahalaang lokal. Nag-sound-off ang ibang ahensiya: sumunod sa nakamulatan nating maskipaps na standard o makakatikim ng asunto. Ang gandang euphemism para sa huwag kang masyadong magaling. 

Kaya sa susunod na may local politician na maayos ang trabaho, huwag masyadong excited sa pagpuri. Baka uli mag-trending at maging target agad ng mapanibughuin, gaya ng nangyayari kay Mayor Vico, na kinukuyog ngayon ng mga beteranong tagakuyog ng administrasyon. (BASAHIN: #ProtectVico trends as netizens defend Pasig mayor's coronavirus measures

In part, kasalanan din ito ng inip na inip nang smartphone-toting Pinoy. Hindi naman magte-trending si Mayor Vico all by his lonesome self kung hindi tayo nag-share. O sige na nga, kung hindi tayo natuwa. Dahil sa bansang itong sanay na sa kapalpakan, parang sugo mula sa kaitaasan ang marunong mamahala at tumugon agad sa pangangailangan. 

Hindi tayo sinanay sa maayos na serbisyo kaya nabibigla tayo sa mga gaya ni Vico. At dapat manatili ang ganitong estado. Hanggang novelty na lang. Ipinararamdam sa atin ng mga nangyayari na hindi natin dapat makasanayan ang mabuting paglilingkod. Hindi dapat tumaas ang ating standards. Dapat manatiling mababaw ang ligaya para sa paminsan-minsang kinang ng pag-asang kailangang apulahin agad ng mga banta ng kaso at concerted kuyog; dahil, oo nga naman, baka maging rallying personality pa ng mga naghahanap ng maayos na serbisyo. Lalo’t sanay na sanay na tayo sa maskipaps. At alam na alam na natin kung paano lumimot, at magpanalo ng mga nagbubodots. – Rappler.com 

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, research, at seminar in new media sa Departamento ng Literatura at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas, research fellow din si Joselito D. delos Reyes, PhD, sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Siya ang coordinator ng AB Creative Writing program ng UST. 

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>