Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON | Wikapedia] COVID bilang Coronavirus Diona Tweet

$
0
0

 

 QuaranTinapay. Ito ang pamagat ng pagdiriwang natin ng World Poetry Day ngayong Marso 21.

Dapat ito ay sa Kamuning Bakery ng katuwang nating si Wilson Lee Flores sa likod ng tagumpay ng Kape’t Ka Pete na nakakalap ng higit sa P100,000 para sa maykaramdamang makatang si Jose “Pete” Lacaba.

Luto na ang lahat, wika nga, hanggang noong hatinggabi ng Marso 17.

Ipinatupad kasi ang "Enhanced Community Quarantine.”

Bunga nga ito ng paglalâ ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19) na umabot sa pinakamataas na antas ng alert na Code Red Sublevel 2.

Tuloy, hindi ito natuloy.

Tayo’y mga Pinoy.

Tayo’y hindi kagaya ng iba.

Kaya hindi agad tayo susuko.

Nitong Marso 18 ang ika-91 kaarawan ng aking ina.

Habang sumusulat ako ng tulang ireregalo ko sa kaniya, may kung anong bumulong sa akin – mula yata kay Santa Corona – na panahon na para mag-TexTula.

Kapagdaka, bumalikwas ako mula sa kama ng self-quarantine.

Karakang kinontak ko si Bb Miriam Grace Go ng Rappler na siyang nagtaguyod ng TweeTanaga o ang paggamit ng microblogging site na Twitter para tumula ang mga nangarap maging “Mobile Makata” noong 2013.

Isinunod niya ito sa TexTanaga na sinimulan ko noong 2002 kung kailan nagkataon namang ako ang direktor ng Likhaan: University of the Philippines Institute of Creative Writing (ICW) at tagapangulo ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL).

Ito rin ang ika-10 anibersaryo ng short message service (SMS) na inumpisahan sa bansa ng Globe.

Inampon itong proyekto ng National Committee on Literary Arts (NCLA) ng National Commission for Culture and the Arts para sa  Pambansang Buwan ng Sining noong 2003.

Dinagsa kami sa ICW ng mga tanaga kaya nagpatulong kami sa presidente ng Filipinas Institute of Translation (FIT) na si Romulo “Joey” Baquiran Jr, at sa mga estudyante naming sina Salvador Biglaen at Beverly Siy sa UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas.

Pumili kami ng unang gantimpala kada linggo.

Sa 4 na nanalo, ibinukod namin ang pinakamagaling na TextMakata ng Buwan.

Nag-almusal mag-isa, 
Kaning-lamig, tinapa; 
Nahulog ang kutsara 
Ikaw na sana, sinta. 
Edgar J.C. Galang  

Ang dating Pebrero ay nasundan ng Agosto ng taong iyon.

Ang romantikong Textanaga ay naging patriyotikong DaliText.

At ang dating 10,000 tanaga (isang tulang 4 ang linya na ang bawat linyang magkakatugma ay may tig-7 pantig) ay nadagdagan pa ng 30,000 dalit (isang tulang may 4 ding linya na ang bawat linyang magkakatugma ay may tig-8 pantig) ay may sa loob ng Buwan ng Wika. 

Kinakalambre sa lamig, 
Laging may ulang tikatik, 
Bayang parating may sakit, 
Iaangat ng pag-ibig.
Frank Rivera

Kaya, nang sumunod na Pambansang Buwan ng Sining noong 2004, sinubukan naman namin ang DionaText. 

Aanhin yamang Saudi, 
O yen ng Japayuki, 
Kung wala ka sa tabi?
Fernando R. Gonzales 

Kagulat-gulat na umabot ang dami ng entri sa 40,000 diona (o tercet o 3 ang taludtod na ang bawat linyang magkakatugma ay may tig-7 pantig) sa loob ng 4 na linggo.

Napatunayan kasi ng mga sumali na prestihiyoso ang timpalak pampanitikang ito hindi dahil sa laki ng premyo kundi dahil sa mga huradong ang pinuno ng lupon ay ang Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio Almario, na nagwikang: “Lumalabas sa mga diona ang pambihirang pagpapahalaga ng mga Filipino sa kanilang pamilya at kahit naghihirap nagagawa pa rin nilang ipadama ang malasakit sa bawat miyembro nito.” 

Noong taon ding iyon, nagkaroon pa ng TextSawikain (o pagte-text ng salawikaing couplet o dalawahan na ang bawat taludtod ay tig-8 ang pantig). 

Sirang payaw sa Banawe 
Sumugat kay Idyanale. 
Remigio Alva  

Kaya lang, sa halip na salawikain, ito ay nadugtungan ng bugtungan!

Habang ipinapatupad ito sa buong kapuluan, mayroon ding katulad at kasabay na patimpalak sa mga rehiyon.

Textigmo ang sa mga Sebuwano (o ang pagtetext ng tulang may dalawang tuludtod na dapat magkasindami ng pantig) na pinangasiwaan sa Cebu at Davao.

Ang mga sumusunod ay ang mga pinakamahusay na tigmo sa Kabisayaan: 

Mga mata maoy gipislat, ang agtang maoy nilurat 
(Mga mata ang pinipisak, ang noo ang lumiliwanag.) 
Sagot: cellphone
Betsy Ferolino 

Samantala, sa Kamindanawan, dalawa ang naghati sa unang gantimpala. 

Kon giinitan ka, lisoa sya/ kay bugnawng hangin iyang ibuga. 
(Kapag naiinitan ka ito’y pihitin, at magbubuga ito ng malamig na hangin.) 
Sagot: aircon
Raul G. Moldez 

Sa Iloilo, sa kabilang banda, Textpaktakon naman ang sa mga Hiligaynon (o ang pagtetext ng bugtong na may 3 o 4 na linya na maaaring hindi magkatugma sa bawat saknong) at heto ang mga pinakamagaling na palaisipan:  

Indi hayop, indi tawo
Wara’t baba, wara’t ulo
Pero may bibig nga naganganga
Kon mangagat, gapabilin ang unto.

(Hindi hayop, hindi tao, 
Walang baba, walang ulo, 
Pero may bibig na nakanganga 
Kung mangagat, ngipin ay natitira.) 

Sagot: stapler

Genevieve Asenjo 

Nalathala noong 2010 sa International Journal of Mental Health Systems ang "Mental Health First Aid Guidelines for helping a suicidal person: a Delphi consensus study in the Philippines."

Isa sa mga sumulat ang aking kabiyak na si Ellay, na isang psychiatrist.

Dumalaw sa bansa ang isa sa mga awtor na psychologist – si Dr Erminia Colucci – para ilabas sa wikang Filipino ang Suicide First-Aid Guidelines upang palaganapin pa ang pagmumulat sa kamalayan hinggil ng lahat sa lusog-isip.

Ang lahat ng ito sa pamamagitan ng Foundation AWIT (Advancing Wellness, Instruction, and Talents, Inc), na itinatag para tulungan ang mga batang maykapansanan tulad ng anak naming si Awit na may Global Developmental Delay.

Noong 2012, para sa World Mental Health Day, ibinalik namin ng misis kong psychiatrist, sa pamamagitan ng aming Foundation AWIT ang Dionatext Kontra Depresyon. Apat ang itinanghal na TextMakata ng Linggo, pero isa ang itinanghal ng TextMakata ang Buwan:

Di na sana didilat
Pagkat walang natupad
Buti, libre mangarap!
Ruel Solitario 

Oktubre 10 din nitong 2019 nang pinasulat namin ng tula ang mga dumalo sa ikatlong Public Health Convention on Mental Health ng Department of Health (DOH). Tinawag naming Post-It Poet of the Day ang mga nagwaging tanagang idinikit sa dingding ng booth sa isang fair sa Manila Prince Hotel. Umaga, tanghali, at hapon kaming pumili kaya 3 rin ang mga nagwagi subalit may isang namukod-tangi: 

Dahon ay sumasayaw,
Ibon ay humihiyaw.
Tayo ay h’wag malumbay
Sa buhay magtagumpay.
JayAr Lamson 

Pagkaraan ng dalawang araw, inanyayahan kami ng maybahay kong si Ellay ng SheTalks Asia. Isa itong platapormang pang-media ng mga babaeng handang tumulong sa mga pagsusumikap na paunlarin ang inisyatiba para sa lusog-isip. Kinabibilangan ito ng kababaihang “influencer” na sina Iza Calzado, Bianca Gonzalez, Sarah Meier-Heredia, at Victoria Herrera. Sinulatan kami ni Eleanor Pinugu na isa sa mga tagapagtatag at chief operating officer nila para papagsalitain sa kumperensiyang kung tawagin ay I Matter na naglalayong pataasin ang pagtingin ng bawat isa sa sarili.

Deja vu, ikaw ba 'yan?

Natanto ko ito noong tila parang pumasok na kami dati sa isang malaking gusali sa Bonifacio Global City.

Ito ay walang iba kundi ang Globe Tower.

Hindi naman namin sila naging isponsor nito.

Sila nga lamang ang kauna-unahang promotor ng SMS noon. 

Daig pa ng Globe ang pumasan sa daigdig ng TexTula.

Naisip kong gawin doon at noon ang Textanagang sasalihan ng mga kababaihang naroon.

Mula sa humigit-kumulang 100, nakatanggap kami ng tula mula halos kalahati nito.

Tinulaan nila ang kanilang natutuhan upang patatagin ang kanilang loob o kung paano maging matibay at matatag tuwing may pagsubok o kung gaano sila kagaling sa paghawak ng kirot na dulot ng karanasang masama: 

Buhay hindi madali
H’wag alisin ang ngiti;
Pag-ibig manatili
Kahit may pighati.
Ma. Corazon Aguilar 

May mas sasaklap pa ba sa mga nagaganap ngayon?

Wika nga ng mga Tsino:“Walang luha, walang tula.”

Kaya, gagawin nga nating bulawan ang basurang pangyayaring ito!

Gagamitin natin ang birtud ng tula laban sa virus.

Gaganapin ito mula Marso 21 hanggang Marso 31.

Sa loob ng 10 araw, ang ibig sabihin ng COVID ay Coronavirus Dionatweet.

Ito ay isang timpalak sa pagsulat ng diona.

Ano nga uli ang diona?

Ito ay isang tulang may 3 linya na ang bawat linyang magkakatugma ay may tig-7 pantig.

Bakit diona?

Una, isang katutubong uri ng tula ito na sumasalamin sa ipinapagawa sa atin ng krisis – ang bumalik sa basics o sa ating pinakasimpleng sarili – kagaya ng paghuhugas ng kamay.

Ikalawa, ito ay mas maikli kaysa tanaga at dalit kaya mas magiging siksik, liglig, at umaapaw ang diwa’t damdamin mo.

Ikatlo, ito ang pinakasikat sa 3 dahil ang mga text sa naunang DionaText ay galing pa sa ibang bansa, tulad ng Bahrain, Hongkong, Kuwait, Qatar, at Riyadh.   

Bakit tweet?

Dahil ito ay mas mabilis, mas malawak, at mas maraming mararating.

Itanong mo kay Ashton Kutcher.

Maaari mong kausapin ang virus mismo: 

Coronavirus disease,
Di ka namin mami-miss
Ngayon ka man umalis! 

O di kaya’y punahin ang ipinapagawa o pinaggagagawa ng mga Meron sa mga Wala o Walain:

Pinauwi sa bahay
Ang inang ang tahanan
Ay ang maruming daan. 

O basta mag-senti nang mag-senti:

Nakita kong lumaki
Ang panganay ko’t baby
Kasi di na 'ko busy. 

Paki-tweet ng mga diona ninyo at i-tag ang @rapplerdotcom at @tayabasining. O kaya'y gamitin ang hashtag na #DionaTweet. 

Sampung araw nating iselebra ang World Poetry Day.

Sa Abril, atin namang ipagdiriwang ang Pambansang Buwan ng Panitikan.

Abangan ang susunod na talinghaga.

Rappler.com 

Sa ngalan ng siyensiya’t sining, tumutulong si Vim Nadera sa mga maykanser, may AIDS, nagdodroga, “comfort women,” batang kalye, inabuso, naipit sa mga kalamidad na likha’t likas, at mga nagdadalamhati. Ilan sa kaniyang mga proyekto ay Textanaga, Panitikabataan, panitikan.com.ph, Pistang Panitik, Pagpupugay sa mga Pambansang Alagad ng Sining. Conspiwriters’ Tuesdays, O.M.G. (Open Mic Gig), Kaakuhan, Word Jam, at Akdang Buhay. Itinanag nila ng kaniyang kabiyak ang Foundation AWIT (Advancing Wellness, Instruction, and Talents) Inc.  

 

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>