Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Ang espasyo sa panahon ng coronavirus

$
0
0

Paano ba maipapaliwanag sa ating mga kababayang nasa laylayan ng lipunan ang parating sinasabi ng Department of Health at mga frontliners na huwag lumabas ng bahay dahil naka-enhanced community quarantine ang buong Luzon, at nang 'di sila mahawa at makahawa? Bakit ang tigas ng ulo nila?

Napaisip ako. Bakit nga ba?

Ang espasyo ng mga bahay ng mga taong ito (lalo na sa siyudad) ay humigit-kumulang 3 dipa at 4 na dipa sa haba at laki. Walang kuwarto. Ito na 'yung kabuuan ng bahay. Nakatira rito ang mag-asawa at 5 nilang anak, at malamang isa o dalawang kamag-anak. Ito na rin ang espasyong ginagamit nila bilang tulugan, parausan, kainan, lutuan, paliguan, at kubeta. Ito ang espasyong tinatawang nilang bahay.

Kalye

Huwag kamong lumabas ng bahay sa loob ng isang buwan? Walang lalabas sa kalye?

Pero ang kalye ang kanilang sala, ang kanto ang kanilang tambayan kung saan sila nakakasagap ng balita (at tsismis). Ang kalye ang kanilang pahingahan at hingahan sa labas ng kanilang maliit at siksik na bahay. Wala silang sariling espasyo na may garden, balkonahe, o palaruan. Ang kalye ang lahat ng ito sa kanila! Ang kakarampot na kaligayahan ay natatagpuan lang nila sa kalye, ang kanilang espasyo ng kalayaan mula sa mapasupil na bahay. Ngayon ay ipagkakait pa dahil bawal lumabas ng bahay! (BASAHIN: Fighting coronavirus requires efforts to help the poor – PCIJ report

Paano nga nila mauunawaan at susundin ang direktibang walang lalabas ng bahay sa panahon ng coronavirus? Kayo, kaya 'nyong manatili sa loob ng ganitong bahay sa loob ng isang buwan? 

Ang mas malala pa rito ay ang mga kababayang hindi na makaalis ng kalye dahil ito ang kanilang bahay. Paano mo sila sasabihang 'wag lumabas ng bahay kung wala naman silang lalabasan? 

'Distancing' sa palengke

Pangalawa, paano mo ipaliliwanang sa ating mga kakabayang nasa laylayan ng lipunan ang physical distancing tuwing sila ay lalabas para mamili? Ang espasyong tinatawag nating palengke sa Pilipinas ay kakaiba ang disenyo kung saan ang physical distancing ay mahirap, kung di man imposibleng, maisakatuparan. 

Unang-una, dikit-dikit ang mga tindahan sa loob ng palengke. Ang nagtitinda ng isda or karne o gulay o prutas ay walang indibiduwal na espasyo maliban sa maikling puwang na nagpapahiwatig na ang paninda ng isa ay nagtatapos at nagsisimula sa maliit na espasyong ito. Minsan nga, ang basket lang o bilao ang nagpapakita na iba na ang may-ari ng paninda. Sa ganitong disenyo, paano mo sasabihan ang mamamili na huwag masyadong didikit sa kanilang kapuwa mamimili, na mag-practice sila ng physical distancing? Sa totoo lang, kapag ikaw ay namamalengke, nakikipagsiksikan ka at nakikipag-agawan pa sa pinakamaganda at pinakamurang paninda! 

Pangalawa, sa dami ng lagusang espasyo – papasok man o palabas – paano mo mapipigilan ang daloy ng mga mamimili na sumunod sa physical distancing? Di tulad ng supermarket, halimbawa, na puwedeng kontrolin ang pasok at labas ng mamimili dahil na rin sa isa o dalawa lamang ang daluyan ng mga tao. Di puwede ito sa pampublikong palengke. Maliban na lang kung may control number at oras ang pamimili ang bawat miyembro ng barangay para di mapuno ang palengke at mag-umpukan ang mga tao. Ang siste pa, di lang sa loob ang mga nagtitinda ngunit pati na rin sa labas at kalye. Kaya naman ang mga mamimili ay makikitang nagkukumpulan din kung nasaan ang paninda. Physical distancing ba 'ka mo? Tell that to the marines! Ang importante ay makabili ng pagkain pantawid-gutom ng pamilya! Bahala na si Batman sa virus! 

Pero ang mas masakit na katotohanan ay kung meron bang perang pambili. Sa ganitong realidad, di na kailangan ang physical distancing dahil wala namang pambili upang makipagsiksikan pa sa palengke at pumila sa grocery. 

Paano nga ba maipapaliwanag sa mga kababayan natin na nasa laylayan ng lipunan ang mga konseptong ito ng espasyo na mahigpit na ipinatutupad ng mga namumuno, habang ang realidad nila ay mukhang di napag-isipang mabuti ng pamahalaan. Bagkus, nang dahil sa COVID-19 ay mas lalong tumingkad ang kalagayan at kaapihan ng mga taong ito. At nasigawan pa ng “motherfu**kers, why can’t you stay inside your house?” (BASAHIN: [OPINION] The out-of-touch, elitist gaps in our lockdown

Ang sakit sa puso ng pagsusulat nito. Tumingkad din sa aking kamalayan na ang ating mahihirap ay tila di na makaalpas sa kanilang kahirapan, at lalong nadidiin bilang tunay na nasa laylayan ng lipunan. Kailan kaya sila makakaahon nang tuluyan sa laylayang ito? At wala naman po sanang mahulog sa kanila sa panahon ng coronavirus. – Rappler.com

Professor Rose Feliciano is a recently retired faculty of the UP College of Mass Communication, where she taught for 24 years. As a keen observer of both the traditional and new media, and using the lens of media studies on the politics of space and place, she realized how the COVID-19 pandemic distinctly heightened the stark realities of the poor in our society.

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>