Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Wala na sa hospital ang laban, tayo na ang nasa front line

$
0
0

From Day 1, ang mindset natin ay nasa hospital ang labanan, na ang kaligtasan nating lahat ay nakasalalay sa ating health care frontliners. Tama naman, kasi health emergency ang COVID-19 higit sa anuman. Pero ang ganitong pananaw ay uubra lang kung wala pang malawakang community transmission. As of this writing, maliban sa 17 local government untis (LGUs) sa Metro Manila, 50 out of 81 provinces natin ay may persons under monitoring na. Konting kembot pa, beso dito, beso doon, at buong 'Pinas na ang may "veerus." 'Pag nangyari 'yun, hindi na kakayanin ng ating health care system na iligtas tayong lahat. 

Kaya, sa puntong ito, kailangan na nating mag-iba ng mindset. Matagal nang lumabas ng San Lazaro ang tunay na giyera. Ang front line ng laban ay wala na sa mga hospital; ang unang bugso ng depensa ay nasa ating mga barangay: sa tarangkahan ng ating mga bahay, sa gitna ng mga umpukan, sa dulo ng dila ng mga pasaway, sa mga kanto’t singit ng bawat eskenita, plaza, basketball court, at palengkeng trip nating tambayan. 

Hindi na ito laban ng DDS vs Dilawan, hindi na ito laban ni Duque at DOH, hindi na ito laban lang ng health care workers natin sa hospital. TAYO NA ANG NASA FRONT LINE. Tayo na ang nasa first line of defense upang labanan ang pagkalat ng COVID. 'Pag natalo tayo rito, 'pag tayo mismong dapat naka-home quarantine ay labas nang labas pa rin ng bahay maski walang dahilan, game over na. Sa reunion mo next year, kung meron man, baka kalahati na lang ang attendance. 

Ang pananaw na ito ay nauna nang nilabas ng ilang mga doktor natin. Kasama na dito si Dr Daniel Luchangco, emergency doctor sa Makati Medical Center, na nagsabi sa kanyang FB post nung March 25 na “WE ARE FIGHTING ON A LOSING BATTLEFRONT” kung tayo ay nakatutok lang sa pangangailangan ng mga hospital.

Ang sabi niya: “[T]he healthcare system is ALREADY overwhelmed now with CoViD patient…. The best way to help the hospitals is to STEM THE TIDE OF NEW PEOPLE GETTING SICK and needing medical attention. The hospitals should be the last resort. WE CANNOT WIN THE BATTLE IN THE HOSPITALS. It should be fought on the streets, where you guys are.”

May iba pang doktor na nagpahayag ng ganitong saloobin. Si Dr Iris Thiele Isip Tan, doktor at propesor sa College of Medicine sa UP Manila, ganun din ang panawagan sa FB: ang ituring ang mga hospital bilang last line of defense. 

Bago rito, nauna nang nilinaw ni Dr Lei Camiling-Alfonso, dating Doctor to the Barrio at kasalukuyang health system specialist, na hindi hospital ang dapat ituring na front liner. Sabi niya sa FB post niya nung March 22, “[Our] first line of defense should be COMMUNITIES [to] stop the virus from spreading.” Sa aspektong ito, ayon kay Dr Alfonso, unsung heroes natin ang rural health units sa mga probinsiya. (READ: [OPINION] Putting the 'community' back in the enhanced community quarantine)

Importante ang pagbabagong ito ng mindset sa laban natin sa COVID-19. Hangga’t iniisip natin na ang laban ay nasa hospital, malayo sa ating mga bahay, malayo sa ating mga mahal sa buhay, madaling maging kampante. Hangga’t iniisip natin na merong mga nurse at doktor na lumalaban para sa atin, madaling sumuway sa quarantine. 

Ang masaklap, kung magtatagal ang krisis – at malamang magtatagal ito, sang-ayon sa projections ng mga ekspertong taga-UP na nakatrabaho ko nitong nagdaang dalawang linggo – hindi kakayanin ng ating health care system ang dami ng mga magkakasakit. Siyam na doktor na natin ang namatay, at mas marami pa ang persons under investigation (PUIs), kundi man confirmed na. Ngayon pa lang, umatras na ang ilan sa malalaking hospital sa Metro Manila. Kung tuluy-tuloy ang pasok ng mga pasyente sa hospital, paano na? 

Sa atin nakasalalay ang hindi lubusang pagpasok ng virus sa ating mga barangay. Nakadepende ito kung gaano tayo kaseryoso sa pagku-quarantine. Huwag na nating hintaying mag-declare pa si Presidente Duterte ng Enriched Enhanced Community Quarantine bago tayo sumunod. 

Kung hindi maiiwasang lumabas ng sariling bakuran, exercise strict physical distancing. Maintain one meter distance from other people at iwasan munang makipag-tsika-tsika sa iba. 'Wag masyadong feeling close. Sa panahon ngayon, bayani ang suplado’t suplada. 

Pero, siyempre, as much as possible, manatili sa loob ng bahay. Maglaba, magluto, maghugas ng pinggan, magtahi ng facemask, mag-Tiktok, magbilang ng oras. Kung medyo makapal ang apog mo, puwedeng tumambay ka na lang talaga, humilata sa sahig at matulog maghapon. Ngayon ka lang puwedeng maging batugan at may silbi pa rin sa bayan. 

Kung tutuusin, hindi mahirap na kalaban ang COVID-19 dahil madali itong patayin. Hindi kagaya ng ibang virus, ang SARS-COV-2 ay sabon lang ang katapat. (Puwede ring alcohol, 'yung hindi naka-ban.) Bilang frontliner, simple lang ang hinihingi sa atin: ugaliing maghugas ng kamay at i-disinfect ang mga bagay na galing sa labas ng bahay. Iwasan ding hawakan ang mata, ilong, at tenga – hindi mo 'yan ikapopogi o ikagaganda. 

Needless to say, kritikal ang role ng mga LGU at barangay officials para maging effective ang role ng mga mamamayan bilang frontliners. Hindi natin mapapasunod ang mga tao sa pasinghal na utos, pananakot ng kulong, o pananakit. (Nemen, 'yung iba nga diyan, PUI na, pakalat-kalat pa rin sa hospital at Malakanyang.) 

Mahalagang hindi ituring na kalaban ang taumbayan. Imbes na ibilad sa araw, bigyan ng pagkain, bigyan ng ayudang pinansiyal, o di kaya’y ipag-community service para gumawa ng mask o anumang pangangailangan. Ang mga walang mauuwian at matutulugan, kanlungin at bigyan ng oportunidad na makatulong. 

At higit sa lahat, higit sa batuta at armas, i-mobilize ang barangay health workers at social workers upang mabawasan ang pangamba ng mga tao. Tandaan: hindi lang sikmura ang kailangang kumalma sa yugtong ito ng ating giyera.

Ngayong may community transmission na sa iba’t ibang lugar, panahon na upang baguhin natin ang ating pagtingin sa problema. We cannot solve our problems by using the same kind of mindset that created them in the first place. Hindi ako maysabi n’yan – si Einstein. – Rappler.com

Kristoffer Berse, PhD, is associate professor at the University of the Philippines-National
College of Public Administration and Governance and concurrent director for
research and creative work of the UP Resilience Institute.

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>