Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

'Magnanakaw' sa Senado

$
0
0

Ayon sa Pinagkaisang Lakas ng Kababaihan at Kabataan (PiLaKK), isang malaking pederasyon ng mga maralita, ninakawan sila ni Senator Tito Sotto.

Dahil sa sama-samang pagkilos, kung saan malaki ang pinapel ng mga lider at miyembro ng PiLaKK, ipinasa ng Kongreso ang reproductive health (RH) law noong 2012. Matagal ang naging prosesong ito – 16 taon. Ginawa nin Senator Sotto ang lahat upang mapigilan ang batas. Nguni't batay sa paulit-ulit na survey, salungat ang posisyon niya sa paniniwala ng nakararaming Pilipino. At kahit anong gawin pa ni Senator Sotto, matapos ang mga pagtatalo at debate, natalo siya at naging batas ang RH law.

Ayon sa RH Law, dapat maglaan ng sapat na pondo para sa mga modernong contraceptive. Ang “sapat” ay batay sa mga siyentipikong pag-aaral. Sa mga pag-aaral, lumalabas na nais ng 81% ng mga Pilipinong may-asawa na ipagpaliban muna ang pagbubuntis o di kaya'y di na magbuntis. Ayon din sa pag-aaral, higit na marami sa mga kababaihang mahirap ang walang kakayahang bumili ng mga contraceptive, lalo na sa mga  rehiyon kung saan laganap ang kahirapan, tulad ng Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Matagal nang sinasabi ng mga pro-RH na ang RH law ay hindi lang isang batas para sa kalusugan ng kababaihan, isa rin siyang batas para sa pag-angat ng mahihirap na pamilya. Hindi madali para sa ordinaryong mamamayan ang bumili ng contraceptive. Hindi madaling mapunan ang mga gastusin sakaling madagdagan ang dami ng anak na higit sa pinagplanuhan. 

Kaya't sa pananaw ng mga babaeng maralita na nagtaguyod ng RH law, ang badyet na hiningi ng Department of Health na P1 bilyon para sa mga contraceptive – perang inilaan ng dalawang kamara ng Kongreso nang ipasa nila ang 2016 na badyet – ay pera nila. Perang ipanaglaban, perang pinag-ipunan upang gastusin para sa sariling kalusugan at sa kinabukasan ng pamilya.

Magnanakaw! Magnanakaw!

Ang problema ay ubod ng yabang nitong si Senator Sotto. Hindi niya matanggap na tinalo siya ng mga maralita at mga kababaihan. Hindi matanggap ang demokratikong pasya ng karamihan.

Kaya't nagmistulang akyat-bahay gang ang senador. Tulad ng magnanakaw, hinintay niyang natutulog tayo matapos ng mga kasiyahan ng Pasko at Bagong Taon. At habang tayo ay mahimbing na natutulog, ninakaw niya P1 bilyong pinag-ipunan natin.

Alam ito ng mga kasamahan kong maralita dahil natuto kaming lahat nang ipinaglalaban ang RH law. Matapos dumaan sa Kamara ng mga Representante at sa Senado ang isang batas (tulad ng 2016 badyet), mag-uusap ang ilang lider ng mga senador at kongresista upang gumawa ng pinal na bersyon ng batas sa isang komite, ang bicameral committee. Dito nangyari ang nakawan. Nang magising tayo, nalaman ng lahat na tinanggal ni Sotto ang badyet na pambili ng contraceptives sa bicameral committee.

Angkop na tawagin siyang “magnanakaw” ng mga lider ng kababaihan sapagkat, tulad ng magnanakaw, ay lumabag siya sa batas. Nilabag niya ang RH law mismo.

Ngunit kung susundan natin ang katwiran ng mga kababaihan, hindi nag-iisa si Sotto. Inside job ang nangyari. May nagbukas ng pinto ng ating tahanan upang papasukin ang magnanakaw – walang iba kung hindi si Senator Loren Legarda. Taksil.

Patago ang ginawa. Dalawa lamang ang nag-usap tungkol sa pagtanggal ng badyet ng DOH para sa mga contraceptive. Ang dalawang ito ay si Sotto at si Legarda.

Hindi ba't bumoto si Senator Legarda na ipasa ang RH law? Kaya't laking gulat ng lahat nang pumayag siyang tanggalan ng badyet ang isang napakahalagang aspekto ng serbisyong pangkalusugan ng kababaihan. Mahimbing ang tulog ng mga mamamayang maralita dahil sa buong akala nila, nakabantay si Legarda. Bantay-salakay pala!

Di nakapagtataka na pati na si Senator Pia Cayetano ay nagprotesta. Hindi rin niya maisip na itinago nina Sotto at Legarda ang ginawang pagkuha ng P1 bilyon. 

Palusot at panlilinlang

Siyempre pa, tulad ng mga magnanakaw, ayaw umamin ng dalawa. Ayon kay Sotto, tinanggal daw niya ang badyet para sa contraceptives dahil pinigilan pansamantala ng Korte Suprema ang pagbili nito. Palusot. Ang pinigilan pansamantala ay ang pagbili ng isang klase lamang na contraceptive, ang mga hormonal implant. Tinanggal niya ang badyet para sa lahat – condom, pills, IUD.

Sabi naman ni Legarda, may savings daw ang Department of Health at hindi mauubusan ng pondo para bumili ng mga contraceptive. Pinasubalian naman ito ni DOH Secretary Janet Garin sapagkat iyong savings daw na tinutukoy ni Legarda ay para sa ibang bagay, tulad ng mga blood pressure apparatus. Alangan naman, aniya, na hindi na lang bumili ng mga kagamitan sa pagkuha ng blood pressure ng pasyente, at ipambili na lang ng contraceptives?

May kasabihan tayo tungkol sa mga abusanteng lingkod-bayan: kung gusto, may paraan; kung ayaw, may dahilan.

Sa aking palagay may karuwagan pa ang dalawa. Hinintay na mahimbing ang taumbayan, kumilos nang walang nakakaalam, hindi iniharap sa kapwa mambabatas at sa taumbayan ang kanilang balak. 

Hamon

Sayang lang at hindi tatakbo si Legarda sa darating na eleksyon. Kung hindi ay hahamunin ko siya tulad ng paghamon kay Sotto. Nguni't iiwan ko na lamang sa kasaysayan ang paghusga sa kanya. Sapat na para sa akin na paalis na lamang siya, mababahiran pa ng eskandalo ang kanyang rekord. 

Nguni't tumatakbo si Sotto. Alam kong nangunguna siya sa mga survey. Palagay ko, dahil popular ang Eat Bulaga. Ngunit alam kaya ng nakararami ang kanyang mga kilos na labag sa kanilang kabutihan? Ikampanya kaya niya ito nang magkalinawan na! Sabihin niya sa kanyang mga fans: “Iboto 'nyo ako kapag nanalo ako, tatanggalan ko kayo ng family planning!”

Malay natin, baka bumagsak ang ranggo niya sa mga survey. Malay natin at baka magising ang mga mamamayan na hindi lahat ng kilala natin sa TV ay kumikilos para sa interes ng nakararami. – Rappler.com

 

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>