Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Itong hayop na productivity

$
0
0

  Dahil wala akong bagahe ng pang-araw-araw na suliranin sa karaniwang trabaho ko noong pre-COVID-19 quarantine, ngayong panahon sana masarap maging productive. If you know what I mean. 

Nasa loob lang ako ng aking bahay dito sa lalawigan, on a semi-lockdown. May internet connectivity kahit aandap-andap, may maayos na daloy ng kuryente at, dahil nasa Lucban, malamig na tubig. May malapit na tindahan ng sariwang gulay at iba pang makakain dahil narito lang din malapit sa amin ang kabukiran at ang mga local delicacy producers na nagpasikat sa Lucban – makasalanang sarap ng longganisa at broas, halimbawa.  

Kasama ko ang aking pamilya, na hindi rin lumalabas ng bahay. Mahigpit ang tagubilin ko dahil ako ang head of the family (though God knows asawa ko talaga ito) by virtue of sa akin nakapangalan ang inkjet-printed, number-coded quarantine pass na bigay ni Kapitan. Ginagamit ko naman isa o dalawang beses isang linggo ang quarantine pass na ito para bumili sa bayan ng pangangailangang wala sa tindahan ng gulay na malapit sa amin. 

Narito sa bahay ang karamihan sa aking mga libro kaya nasa akin ang lahat ng pagkakataon para magbasa. Narito, ginagamit ko ngayon, ang aking hindi-pa-bayad na laptop sa pagta-type. Salamat na lang at may isang buwang reprieve sa mga utang sa credit card.  

Narito ako. Ligtas. May oras. Magaan ang buhay kung hindi rin lang makababalita sa nangyayaring trahedya ng COVID-19 kapag nagbubukas ng internet at telebisyon. Kasama na rin sa trahedya ang mga ancillary tragedies, tulad ng marahas na pagdakip sa mga walang makain at pabago-bagong statement hinggil sa pagpapatupad ng kapangyarihan sa likod ng maparikalang Bayanihan Heal As One Act. 

Nasa akin lahat ang pagkakataon para maging produktibo. Nagagawa ko naman, palagay ko. Nakagagawa ako ng video para sa aking mga mag-aaral sa kolehiyo at para sa ilang mga kaibigang itinuturing akong propesor sa social media; nababasa ko kahit paano ang mga isinumiteng papel ng aking estudyante; nakakapag-check, nakakapagbigay ng feedback. Sinisikap kong magbasa ng mga gusto kong basahing libro na pinagbibili ko noon pa. At, kahit pa hindi ko ito dapat i-announce by virtue of Mateo 6:3, nakakapagpaabot ng mumunting tulong kung kanino man iyon. 

Kahit nasa loob ng bahay, sa tulong ng YouTube, nakakapag-ehersisyo ako. Nakakapagpapawis bilang paghahanda sa mga pagkakataong mamimili ako ng mahahalagang kailangan sa bayan. Lakad lang kasi, tatlong kilometro, at ang kalahati ng ruta ay paahon. Bawal ang pampasaherong sasakyan. At wala akong sariling sasakyan. Humanda si Daniel Matsunaga sa aking quarantine-sculpted body pagkatapos ng lahat ng ito. 

Parang produktibo na ako ng lagay na iyan. Mistulang may nagagawa, may natatapos at may inaambisyong masimulang proyekto. Pero kahit gaano ko tangkaing maging focused sa pagiging produktibo, hindi ko maialis ang hindi matatawarang stress at anxiety dahil sa pangamba ng pagkalat ng salot na COVID-19.  (BASAHIN: DOH, experts say PH coronavirus cases could reach 75,000 by June if not contained

Lahat kaming nasa tamang edad, kasama na ang isang senior citizen sa bahay, ay umiinom ng maintenance drugs – as in, maraming tabletas. Ang sa akin, dahil far from a healthy lifestyle. Madali kaming naging kondenadong uminom ng mga gamot na hindi ko pa alam kung hanggang kailan. May mga bata rin sa bahay na vulnerable din. Kaya naman lubos ang pag-iingat ko bilang pinuno ng kabahayan sa tuwing lalabas ng bahay para bumili ng pangangailangan. Kaunting kati ng lalamunan, kaunting ahem, rumaragasa na ang pangamba, umuukilkil na ang tanong na umaapaw sa paranoia: Saan o kanino ako nahawa?

Idagdag pa ang kabalisahang nakukuha sa kawalang kasiguraduhan ng hinaharap, mga tanong na hindi masasagot, gaya halimbawa ng kung hanggang kailan ba ito? Kung lalala at lalawak pa ba ang salot? Kung may babalikan pa ba akong trabaho pagkatapos? (BASAHIN: Coronavirus cases in PH: Are we seeing the true picture yet?

Dahil bawat paghahangad na matapos agad habang naka-quarantine ay pagtanggap na magiging normal uli ang lahat sa hinaharap. Babalik sa dati. Babalik ako sa marumi, maingay, nakasusulasok na lungsod na, nakaiinis isipin, nami-miss ko ngayon. Nami-miss ko ang daily grind ng aking trabaho bilang akademiko. Kung dati’y inip na inip ako sa mga meeting, pasang krus ang tingin sa panibagong committee membership, ngayon, hinahanap ko ang normalidad, ang pang-araw-araw na stress na alam kong kaya kong solusyonan. Alam ko kung kailan matatapos. Kung mapapagod sa maghapon, ang daling pawiin ng malamig na beer ang agam-agam. Pero hindi ngayon. O ang mas nakakatakot, hindi na ngayon mangyayari ang noon. 

Walang masama sa paghahangad maging productive ngayon, lalo’t marami naman talagang pupuwedeng gawin. Pero ang mas kritikal na tanong ay kung normal din bang hindi maging productive? Ibig sabihin, normal bang magmukmok ka at mangamba na bawat simulan mong gawin ay hindi mo matapos? Hindi ka makapag-focus dahil sa mangyayaring kakaiba sa hinaharap? Maghanda sa panganib, at siguro, magkaroon ng healthy dose ng paranoia?

Lahat ng agam-agam na iyan, ayon kay Aisha S. Ahmad, propesor ng political science sa University of Toronto na nagpapakadalubhasa sa war and conflict, ay balidong pasanin. Normal sa isang hindi normal na pagkakataon, gaya ngayon.  

Ayon kay Ahmad, may 3 estado na pagdaraanan muna ang sinumang nakararamdam ng panganib at pangambang dulot ng COVID-19 para masabing napagwagihan na ang agam-agam.

Una, ang pagbibigay ng prayoridad sa kaligtasan. 

Ikalawa, ang mental shift kung kailan makakapag-adjust at matatanggap ng isip mo ang kapanatagan kahit pa rumaragasa ang panganib o crisis condition.

Ikatlo at huli: ang pagyakap (no pun intended sa physical distancing) sa bagong normalidad na ibibigay ng pagkakataon. 

Kapag nakarating na sa ikatlong estado, sinabi ni Ahmad: “Things will start to feel more natural. The work will also make more sense, and you will be more comfortable about changing or undoing what is already in motion. New ideas will emerge that would not have come to mind had you stayed in denial. Continue to embrace your mental shift.”   

Lahat ng agam-agam hinggil sa kawalang kasiguruhan at mga pangamba sa kaligtasan ay hadlang upang masabi ko talagang produktibo ako. Dahil sa bawat gagawin ko, may bahagi ng isip kong nagsasabi na unahin ko muna ang kaligtasan ng aking pamilya. Na nanganganib ang aking pamayanan. Malinaw, nasa unang estado pa lang ako. 

Mahirap maging panatag at magkaroon ng kompiyansa ngayong panahong ito. Tama lang palang mag-alala. Dahil kung susuriin naman kasi natin ang nasa ubod ng salitang produktibo” lalabas sa atin ang mas magandang kahulugan nito. 

Sa salitang Latin na pro at ducere nagmula ang produce, na pinanggalingan naman ng productive o produktibo. Malinaw sa atin ang pangkaraniwang kahulugan ng pag-produce bilang paglikha, o itong usapin ng productivity habang naka-quarantine. Kaya nga gusto kong maraming matapos, maraming malikha habang kondenado sa loob ng bahay.  

Pero ang pinagsamang pro at ducere ay nangangahulugan ng pangunguna (ducere) sa pagsulong (pro). 

Sa simula ng salita, walang pagbanggit sa maaaring likhaing kapaki-pakinabang, walang product. Sa simula ng salita, sa primal nitong kahulugan, ang maging produktibo ay magpatuloy lamang. Gaya ng pagnanais ng lahat na magpatuloy mabuhay hanggang matapos ang pagsubok na ito. 

Kaya kung palagay mo, wala kang nagawang kapaki-pakinabang habang nasa quarantine dahil sa agam-agam at pangamba, huwag panghinaan, ayos lang yan. Dahil ang magpatuloy sa pagsulong hanggang matawid mo nang buhay ang pagsubok na ito ay malinaw nang palatandaan para masabing ikaw ay naging produktibo. – Rappler.com 

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, research, at seminar in new media sa Departamento ng Literatura at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas, research fellow din si Joselito D. delos Reyes, PhD, sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Siya ang coordinator ng AB Creative Writing program ng UST.

 

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>