“A failure of execution.” 'Yan ang tawag ng mga eksperto sa tugon ng pamahalaang Pilipinas sa pandemic.
Na-stress nang todo ang buong mundo sa krisis na ito dahil hindi kilala ang kaaway. Kahit na plantsado ang plano, matinik ang pamumuno, at bihasa ang tagapagpatupad, mahirap makatugon sa krisis na dulot ng walang simbagsik na virus na pumatay na ng 47,000 na tao.
Pero sa Pilipinas, malaking bahagi ng stress natin ang pagka-clueless ng mga pinuno. Malaking problema ang kawalan ng plantsadong plano, matinik na pamumuno, at bihasang mga tagapagpatupad.
Ano ang meron tayo?
Meron tayong inggitero at sagabal sa trabahong National Bureau of Investigation at Presidential Anti-Corruption Commission.
Sa gitna ng nakamamatay na virus, panggigipit ng matinong meyor ng Pasig na si Vico Sotto ang inaatupag ng NBI. Hindi raw sumusunod si Vico sa isang batas na hindi naman retroactive.
Pangha-harass naman kay Bise Presidente Leni Robredo ang pinagkaabalahan ng PACC. Nakikipagkompetensya raw sa pamahalaaan si Leni nang nagbigay siya ng libreng sakay, libreng dormitoryo para sa mga frontliners, multmilyong donasyon ng extraction kits sa Research Institute for Tropical Medicine, at face masks para sa healthworkers. (Kahit Palasyo, tila aminado sa kakupalan ng komisyoner na mabilis na sinibak.)
Meron tayong mga implementor ng lockdown na pagsubsob sa aspalto at pagkakalaboso ang sagot sa mga nagugutom na urban poor. Merong mga tanod na nagkukulong sa kabaong at nagbibilad sa araw ng mga lumalabag sa curfew.
Meron tayong Isang Presidenteng walang “coherence” at kinailangan ng matinding video editing para magkaroon ng kabuluhan ang mensahe sa bayan. At Inang Mahabagin, kahit po yung edited, halos walang natirang saysay!
Ang Presidente ring ito ang nag-utos sa pulis at militar na “shoot them dead” – barilin ang mga “nanggugulo” sa panahon ng lockdown. Sa pag-amin na rin ng kanyang kaalyadong si House Speaker Alan Peter Cayetano, reaksyon ito sa mga residente ng Sitio San Roque sa Quezon City na tanging kasalanan ay iprotesta ang mabagal na pag-responde at ang kumakalam nilang sikmura.
Noong isang araw, inaksaya niya ang oras ng taumbayan sa panlilibak ng itsura ng human rights lawyer na si Chel Diokno. Sa gitna ng krisis ng coronavirus, hindi pantay na ipin ni Diokno ang isyu ng Chief Executive.
Totoong may “failure of execution.” Pero bago 'yan ay may “failure of comprehension” din.
Sa simula pa lang ng krisis, lumitaw na sa best practices ng mga bansang lumaban sa COVID-19 na susi ang “mass testing.” Kaya nga payo ng World Health Organization, “test, test, test.” Pero ngayong Abril 14 pa lamang magsisimula ang "mass testing" ng DOH habang ang ibang bansa, milyon araw-araw ang sumasailalim sa test.
Ayon kay dating DOH secretary Jaime Galvez Tan, hindi problema ang pera lalo na ngayong may special powers ang Presidente. Naglaan ang batas na Bayanihan to Heal as One Act ng P209.9 bilyong lump sum allocation sa 2020 budget para sa pandemic. Maliban pa 'yan sa P100.56 bilyon na budget ng DOH.
Dagdag pa ni Galvez Tan, kailangan “mag-trickle down” ang control measures mula national hanggang barangay levels.
Mainit na ang ulo ng mahirap dahil sa gutom at kawalang hanapbuhay. Sa ngayon, nagmistulang hawla ng mga busabos ang lockdown – hindi sila makadelihensya, at tulad ng ibong nakakulong, hindi rin sila makapiyok.
Hindi nakapagtatakang nag-trending ang #ProtectVico matapos siyang pag-initan ng NBI. Imbes mag-utak-talangka, bakit hindi suportahan ang mala-bayaning pagsisikap ng mga lokal na pamahalaan tulad nina Vico at Marikina Mayor Marcelino Teodoro?
Makunat sa papuri at kooperasyon, pero mabilis pa sa alas-kuwatro mag-imbestiga. Sabi nga ng mga millennial, "insecure much?"
Muling pinatunayan ng gobyernong Duterte na magaling ito sa paggamit ng police power! Sige nga, i-police power nga nila ang virus! – Rappler.com